Chapter Twenty Six

3.3K 94 13
                                    


NAKATAYO ako sa kung saan ko unang nakilala si Abby. Kanina pa ako rito. Hindi ko na matiyak kung may isang oras na ba. Dinadaanan lang ako ng maraming tao. Nilalanghap ang usok mula sa walang katapusang nagdaraang mga sasakyan sa Espana.

"Pasensya na po sa eksena. Nagkaroon lang kami ng misunderstanding ni babe."

Mapait na napangiti ako. Malinaw kong nakikita ang lahat sa alaala ko na para bang kahapon lang nangyari ang lahat.

"Hindi kita girlfriend. At sino ka ba?"

"Abby. Abby Santillan."

Napabuga ako ng hininga. At kahit ilang ulit kong gawin iyon ay hindi nababawasan ang bigat sa dibdib ko.

"Don't dare to fall in love with me."

"Hindi. Kita. Type."

Paano ba ako nahulog sa kanya?

Iyak-tawa ako habang kusang bumabalik ang mga alaala. Ramdam kong pinagtitinginan ako nang mga nagdaraan doon. May isang sidewalk vendor doon ang kanina'y nilapitan ako at tinanong kung ayos lang ba ako.

"Bakit lagi ka na lang nagmamahal ng taong iiwan ka rin?"

Iyak-tawa ako muli nang parang literal kong marinig ang sinabi niya noon. Siguradong iniisip ng mga nakakakita sa akin na nasisiraan ako ng ulo.

Sa mismong footbridge na ito noon ay tinangka kong magpakamatay dahil hindi ko na makaya ang sakit sa pagkabigo kay Lindsey. Pinigilan ako ng isang babaeng sumulpot na lang kung saan. At ngayon nandito muli ako dahil iniwan niya ako.

Noong mahalin ko si Lindsey at lokohin lang ako ay sobra akong nasaktan. Parang may bahagi ng pagkatao ko ang namatay. Minahal ko rin si Abby nang higit pa sa alam ko. Nang mawala siya ay nasaktan din ako nang higit pa. Pero nang iniwan ako ni Abby ay nabuhay ang kalahati ng pagkatao ko na pinatay noon ni Lindsey.

"Hindi ako dumating sa buhay mo para mahalin mo ako. Kundi para mahalin mo ang sarili mo."

"Congrats, Abby. Mission accomplished," malungkot na bulong ko sa hangin. Iyon lang naman ang hiningi ko sa kanya noong una. Ang tulungan akong mag-move on. At iyon ang ibinigay niya.

Hindi na mahalaga sa akin kung kailanman ay hindi ko na malalaman kung minahal din ba niya ako. Ako lang naman kasi itong arogante at hambog noong una na sa bandang huli ay kinain ko rin ang lahat ng sinabi ko.

"Sorry."

Mabilis na nilingon ko ang nakasagi ng bagpack ko na nakasukbit lang sa balikat ko. Humulas iyon sa balikat ko at nahulog. Isang babaeng estudyante na taga-FEU ang nakabangga.

Agad kong pinulot ang bag ko. Pupulutin nito sana ang binder ko na humagis palabas sa nakabukas ko palang bag. Pero sumenyas ako na ako na. Nag-'sorry' siya uli at saka nagmadaling umalis.

Umi-squat ako upang pulutin ang binder ko nang sandaling matigilan ako.

May dumapong asul na paru-paro sa picture na ibinigay sa akin ni Abby na lumabas mula sa pagkakaipit sa binder ko. Wala pang ilang sandali nang lumipad rin agad iyon palayo. Hinabol ko iyon nang tingin habang para akong sira-ulong napapangiti sa sarili.

Dinampot ko ang binder ko at ang may punit na picture ni Abby.

Muling sumanib sa akin ang matinding lungkot nang tingnan ko ang picture. Nami-miss ko na naman siya. Walang araw na hindi. Hindi ko alam kung paano ako masasanay na wala na siya.

Naningkit ang mga mata ko nang may mapansin ako sa unang pagkakataon sa picture na hawak ko. Sandaling inilapit ko iyon sa mukha ko upang suriin ng tingin.

Bigla kong naalala ang sinabi ni Abby tungkol doon.

"Wala pa kami sa sentro sa picture na 'yan kasi 'yong gay friend ko na kumuha niyan may nakitang guwapo".

May kumabog sa dibdib ko nang matiyak ko ang nasa dulong bahagi ng picture na nasama sa background.

Mabilis na ibinalik ko ang picture sa binder at nagmadali akong umuwi.

HINALUGHOG ko agad ang laman ng aparador ko. Hinahanap ko ang kahon ng sapatos na natatandaan kong pinaglalagyan ko ng mga NBA cards ko noong highschool.

"Pare!" Kausap ko si James sa cellphone na tropa ko no'ng high school. "Natatandaan mo no'ng nagpakuha tayo ng picture sa Eastwood?"

Inipit ko sa pagitan ng tenga at balikat ko ang cellphone nang abutin ko ang kahon sa itaas ng aparador.

"Alin do'n?"

"'Yong 'yong picture nating apat ng James' Band!" Itinuwad ko ang kahon sa ibabaw ng kama ko at bumuhos ang napakaraming laman niyon. "'Yong Polaroid shot."

"Kingina ka naman, p're. No'ng high school pa ba 'to? Teka, puwede mamaya mo ako tawagan? Five minutes lang—"

"Mamaya mo na ituloy 'yang pagbabate mo. Importante 'to!" sigaw ko at inilatag ko isa-isa sa kama ang mga picture roon. Bakit hindi ko makita? Bakit wala?

"Ulul. Inuutusan akong magsaing—"

"Nakanino 'yong picture, pare? Wala sa akin," mabilis na tanong ko. Hindi pa rin humihinto sa bilis ng pagpintig ang puso ko simula pa kanina.

"Pare, five years ago pa yata 'yon. Bakit mo hinahanap?"

"Nakanino nga?" mariing tanong ko.

Natahimik sadali ang linya ni James.

"Natatandaan mo ba?" tanong ko.

"Ang alam ko nasa akin—"

"Pupunta ako ngayon d'yan sa inyo—"

"Wala na 'yong picture, pare," mabilis na dugtong ni James. "'Di ba, binaha kami no'ng Ondoy? Teka, ano bang meron? Bakit parang importanteng-importante 'yon sa iyo bigla?" nagtatakang tanong nito.

Parang nawalan ng lakas na napaupo ako sa kama. "May gusto lang ako tiyakin. Sige, pare, salamat at pasensya na sa abala," nanlulumong sabi ko.

"Pumunta ka sa FB account ni Luis," biglang sabi ni James, "natatandaan ko hiniram niya 'yong picture na 'yon sa akin dati para ipa-scan. Pumunta ka sa James' Band album niya noong high school. Nando'n yata 'yon."

Bigla akong nabuhayan ng loob. Napatayo ako. "Pare, salamat. Malaking bagay 'to sa akin. Sige ituloy mo na 'yang kunwaring pagsasaing mo."

"Gago," natatawang sagot nito bago i-end ang tawag.

Agad kong hinanap sa cellphone ko ang FB account ni Luis.

Matagal bago ko nahanap sa maraming pictures nito ang hinahanap ko.

Kinuha ko sa binder ang picture ni Abby noong high school. Itinabi ko sa cellphone ko.

Magkahalong tuwa at lungkot ang naramdaman ko. Kaming magto-tropa ang nasa background sa picture nina Abby at ng kaibigan niya. Bagaman nasa malayo kami ay natatandaan ko ang lugar na iyon at kung bakit nando'n kaming magto-tropa.

Pabagsak na napahiga ako sa kama. Iba rin kung mantrip ang tadhana.

Tumayo ako at lumabas sa salas. Kinuha ko mula sa estante roon ang picture frame na may larawan ko noong elementary pa ako. Pinalitan ko iyon.

Pinalitan ko ng picture namin ni Abby. Na kuha pa five years ago.

m

Somewhere Between Moving On and YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon