"KEI?" si Abby nang sagutin ang tawag ko. Halatang nagising ko siya.
"Ako nga. Hindi mo ba sinave ang number ko?"
Matagal bago uli nagsalita si Abby. "Alam mo ba kung anong oras na?"
Napasulyap ako sa wall clock sa kwarto ko. Pasado ala una na nang madaling araw. "Hindi kasi ako makatulog kaya nag-Facebook ako. Kailangan ko ng tulong mo."
"Ano 'yon?" Inaantok pa ang boses niya.
"Kasi..." Natigilan ako nang may marinig akong parang may umaagos na tubig sa background. At napansin kong parang nakakulob ang boses ni Abby. "Nasa banyo ka ba?"
"Oo. Umiihi ako," kaswal na tugon niya.
"Uh, tawagan na lang kaya kita mamaya—"
"Huwag kang maarte. Ginising mo na ako. Kapag natulog na uli ako isa-silent ko na 'tong phone ko."
Isinantabi ko na lang ang pagkailang ko. Nai-imagine ko siyang nakaupo sa inodoro habang kausap ko. Yuck. "Kasi may friend request ako galing kay Lindsey. Ina-add niya ako uli sa Facebook."
Naghintay ako nang isasagot ni Abby. Pero tahimik ang kabilang linya.
"Hoy, Abby!" sigaw ko sa phone. "Baka nakatulog ka na d'yan sa banyo!"
Nakarinig ako ng pag-flush ng inodoro.
"Iyon lang ba ang itanawag mo sa akin?" tila nababagot na sagot niya.
Napabuntong-hininga ako. "Anong gagawin ko?"
"Hala siya o."
"Ia-approve ko ba?"
"Bakit kailangan mo ng permiso ko?" tugon ni Abby sa pagitan ng paghikab.
"Siempre... fake girlfriend kita." Napangiwi ako sa naging sagot ko. Bakit ko nga ba hinihingi ang opinyon niya? Siguro'y nag-panic lang ako pagkakita ko sa friend request ni Lindsey sa notification ko. Ang totoo'y kumabog ang dibdib ko. Magta-tatlong linggo na no'ng binura ko ito sa Facebook ko.
"How sweet," sarcastic na sagot niya. "I-approve mo nang makita niya kung gaano ka kasaya lately. Na kahit nalaman mo nang niloko ka niya tuloy pa rin ang buhay. Ipakita mo 'yong bagong ikaw. In-upload mo ba 'yong mga selfies natin kahapon?"
"Oo." Kinlick ko ang Confirm button.
"Huwag ka munang matulog, uy. Kailangan ko ng kausap." Tumayo ako at lumabas ng kwarto. Nagtuloy ako sa madilim na kusina. Sumaboy ang liwanag mula sa ref nang buksan ko iyon at inabot ang itinagong beer ni tatay. Binuksan at ininom.
"Bakit kaya niya ako biglang in-add?"
"Because it's working."
"Ang alin?"
"Ang palabas natin." Kung magsalita itong si Abby palagi ay para bang ang lahat ng sasabihin niya ay tama. "Curious siya sa kung ano ang nangyayari ngayon sa buhay mo. Siguro nakita niya na may pagbabago sa iyo na hindi niya nakita no'ng kayo pa pero hindi naman kayo. Shit. Ang labo n'yo."
"Malabo talaga," komento ko. Napangalahati ko ang bote ng beer. "S'ya nga pala, pupunta ka ba sa campus bukas? Gusto sana kita yayaing lumabas, e."
"Anong meron?"
"Wala lang. Gusto lang sana kitang i-treat. Ako naman." Kailan lang ang miserable ng buhay ko. Nang mawala sa akin si Lindsey ay parang nawala na rin sa akin ang lahat. Nasanay kasi ako na umiikot ang mundo ko rito. Kaya nang mawala ito'y bumagsak ako.
Hanggang sa sumulpot na lang bigla si Abby. Bagaman alam ko sa sarili ko na mahal ko pa rin si Lindsey ay hindi na naging gano'n kasakit tulad ng dati ang nararamdaman ko. At dahil do'n ay gusto ko siyang pasalamatan.
BINABASA MO ANG
Somewhere Between Moving On and You
RomancePinaasa at niloko. 'Yan ang kinahantungan ni Kei Sawada. Dahil ang love life niya ay love life rin pala ng iba. Kaya nang magwakas ang 8 months, 1 week at 3 days na parang sila pero hindi naman na relasyon nila ni Lindsey ay sobra siyang nasaktan. S...