TATLONG araw na kaming hindi nagkikita ni Abby. Sa tatlong araw na iyon ay parang hindi kumpleto ang araw ko na wala siya. Hindi ko pa matanggap sa sarili ko na nami-miss ko siya pero oo nami-miss ko siya nang sobra.
Kaya naman natuwa ako nang mag-text siya kagabi na pupuntahan daw niya ako sa campus after ng klase ko. May surprise raw siya sa akin. Gusto ko na sanang isipin na iniiwasan na niya ako dahil sa nangyari.
"Brad," si Jake na umupo sa tabi ko na tinapik ako sa balikat. Kararating lang nito at five minutes na late sa klase. "'Suwerte mo. Naka-jackpot ka."
Sinalubong ko ito ng tingin. Inilayo ko nang kaunti ang mukha ko dahil ang lakas ng amoy ng yosi rito na humalo sa Bench body spray nito.
Anong pinagsasasabi nito?
"D'yan sa bagong syota mo," mahinang dugtong nito nang mabasa siguro ang tanong sa mga mata ko. Nakayuko ang ulo para hindi mahalata ng prof sa unahan.
"Sino? Si Abby?" takang tanong ko na nagbaba rin ng ulo para magkubli sa nakaupo sa unahan ko.
Nanlaki ang mga mata ni Jake. "Bakit? Meron ka bang bago?" Marahang sinapak ako nito sa braso. "Kingina mo naman, brad. Baka gusto mo naman ako hanapan din. Selfish ka, e, alam mo 'yon?"
"Gago," anas ko. "Ano 'yong kay Abby? Ano'ng jackpot ang pinagsasabi mo?"
Matagal akong tinitigan ni Jake. "Sabi na, e. Wala kang alam. Kasi kung meron, nauna mo nang ikinuwento sa akin."
"Gago naman. Ano nga 'yon?"
"Anak siya ng mga Santillan," mahinang pahayag ni Jake. Takot na mahuli ng prof na nagdadaldal sa likod.
"Malamang. Kasi last name niya 'yon."
"Tanga, brad. 'Yong Santillan Hall sa nursing building, sa pamilya niya 'yon. Ang pagkakaalam ko dinonate ng erpat ni Abby iyon seven years ago pa. Alumni raw kasi rito."
Hindi ko ito pinaniwalaan. "Baka ibang Santillan 'yon."
Inakbayan ako sa balikat ni Jake. "Mayaman ang pamilya niya."
Hindi pa rin ako naniniwala. "Saan mo naman nasagap 'yan?"
"Pinag-uusapan ng mga ka-team ko sa locker. After ng laro namin kahapon natanong ka nila sa akin dahil alam nila na tropa kita. Kasi usap-usapan na sa campus na syota mo nga si Abby Santillan. Bakit sa tingin mo alam nila ang last name niya?"
Napatuwid ako nang upo. Mahirap paniwalaan ang sinasabi ni Jake. Dahil una kong nakilala si Abby na nagtatrabaho sa coffee shop sa Morayta.
"Bakit niya itinago sa iyo?" dugtong na komento nito. "Pero big time ang girlfriend mo, brad. 'Wag mo na pakawalan."
Napabuntong-hininga ako. Nakatuon ang tingin ko sa isinusulat ng prof namin sa whiteboard pero wala sa lecture ang isip ko. Nagtatalo ang isip ko, dahil nagkaroon bigla ng kahuluguan ang napapansin ko kay Abby minsan. Akala ko maarte lang siyang magsalita. Pa-konyo. Ayaw kumain ng street foods. Ang gusto'y laging naka-taxi o 'di kaya'y naka-GrabCar. May credit card.
Pero bakit nagtrabaho siya bilang barista?
Bigla'y nagbalik sa alaala ko no'ng unang araw na puntahan niya ako sa campus. Ngayon naging klaro sa akin kung bakit kasama pa niya ang school admin. At kung bakit gano'n na lang kapabor sa prof ko na i-excuse ako dahil lang kay Abby. At kung bakit easy lang siyang nakapapasok sa campus.
Siguro nga'y totoo ang sinasabi ni Jake.
Kaya naman pala siya parang walang pores at kutis mayaman ang gaga, e, mayaman naman pala talaga siya.
BINABASA MO ANG
Somewhere Between Moving On and You
RomancePinaasa at niloko. 'Yan ang kinahantungan ni Kei Sawada. Dahil ang love life niya ay love life rin pala ng iba. Kaya nang magwakas ang 8 months, 1 week at 3 days na parang sila pero hindi naman na relasyon nila ni Lindsey ay sobra siyang nasaktan. S...