DUMATING na ang araw na kinatatakutan ko. Tinawagan ko si Abby kinabukasan nang hapon pero hindi siya ang sumagot. Kapatid niyang lalaki ang nakausap ko. Naka-confine raw si Abby sa St. Lukes Hospital.
Hindi ko alam kung gaano kabilis akong nakarating sa ospital. Ni hindi ako nakapag-toothbrush at kung anong T-shirt na lang ang basta kong pinitas sa sampayan ang isinuot ko. Parang sasabog ang ulo ko habang hinahanap ko ang kuwarto ni Abby sa napakahabang pasilyo.
Nilalamig ako at hindi ko maipaliwanag kung bakit.
Alam ko namang posibleng dumating ang araw na ito, pero hindi ko naihanda ang sarili ko. Huwag naman ganito kabilis.
Ngayon ay nakatayo ako sa harap ng pinto ng private room ni Abby. Sa mahabang kuwadradong glass window sa pintuan ay natatanaw ko sa loob ang marahil ay kapatid at mommy niya. Sa tapat ng mga ito ay ang kama niya. Hindi ko matiyak kung gising siya.
Napansin ko na nanginginig ang kamay ko nang hawakan ko ang malamig na door knob. Pero agad ko rin binawi iyon na para akong napaso.
Naduduwag akong pumasok upang harapin ang kalagayan ni Abby na ayon sa kapatid niya ay malubha. Nanghina na lang raw siya bigla at nahihirapan sa paghinga.
Papunta pa lang ako sa ospital ay hindi na huminto ang dasal ko sa isipan. Na huwag muna.
Huwag muna please.
Hindi ko napaghandaan ang araw na ito. Hindi ko kailanman naisip ang araw na darating ako rito. Dahil may bahagi ng pagkatao ko na umaasa sa isang himala. Na gagaling si Abby. Mabubuhay siya nang matagal.
Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko sa sandaling ito.
Sana panaginip na lang.
Hindi ko mapigilan ang panginginig ng katawan ko na parang inuuga ako sa kinatatayuan ko. Nakasilip lamang ako roon sa pinto sa labas.
Napahawak ako sa dibdib ko kasi parang literal kong naramdaman na may sumakit doon. Humihiwa ang sakit. Parang pinipiga. Parang ang bigat-bigat nang pakiramdam ko na hindi ko alam kung may lakas pa akong kumilos o humakbang man lang. Naramdaman ko ring umiinit ang dulo ng mga mata ko.
Abby...
Huwag mo gawin sa akin 'to...
Hindi ko kasi alam kung kakayanin ko...
"Kei?"
Napalingon ako sa dumating sa gilid ko.
Ang daddy ni Abby. Nakausot siya ng white coat.
Napaangat ako ng tingin sa kanya.
Napakuyom ang mga kamay ko. At hindi ko alam kung bakit biglang may galit na sumanib sa akin. Nasapak ko siya sa dibdib nang hindi ko alam kung bakit.
Bahagyang napaatras si Mr. Santillan.
"'Di ba, doktor ka?" tiim-bagang kong hinamon siya. "Trabaho mo na magligtas ng buhay, 'di ba?" Tuluyan nang bumagsak ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan. At para akong nawalan ng lakas. "Iligtas mo si Abby!" Narinig kong nag-echo ang boses ko sa pasilyo.
Nakatitig lang sa akin si Mr. Santillan na hindi ininda ang pagsapak na ginawa ko sa kanya.
"Pagalingin mo siya... please po..." pagmamakaawa ko.
Humakbang siya palapit sa akin at mariing niyakap ako.
Doon ako napahagulgol. Ang sakit-sakit ng bagay na hindi ko matukoy na nararamdaman ko sa dibdib ko, at parang may pumipiga sa lalamunan ko. Nahihirapan akong lumunok.
BINABASA MO ANG
Somewhere Between Moving On and You
RomancePinaasa at niloko. 'Yan ang kinahantungan ni Kei Sawada. Dahil ang love life niya ay love life rin pala ng iba. Kaya nang magwakas ang 8 months, 1 week at 3 days na parang sila pero hindi naman na relasyon nila ni Lindsey ay sobra siyang nasaktan. S...