Chapter Sixteen

3K 110 2
                                    


PANAY ang buntong-hininga ko sa loob ng taxi habang hinahanap namin ni manong driver ang number ng bahay ni Abby. Nakuha ko iyon nang pakiusapan ko ang madre sa transient house. Nakatira si Abby sa Wack Wack Village sa Mandaluyong. Nakalulula sa laki ang halos lahat ng bahay doon.

"Manong, 'eto na 'ata." Sa wakas, matapos ang mahabang pag-iikot at paghahanap ay nakita ko rin ang number ng bahay nila. Binayaran ko si manong at bumaba ako ng taxi.

Napatingala ako sa malaking bahay sa harap ko. Mansyon ang bahay nila. Parang 'yong mga bahay ng mayayaman sa pelikula.

'Eto na. Nandito na ako.

Dinadaga ako kingina. Kahit ilang pagbuga ng hininga ang gawin ko'y hidni naalis ang kabog sa dibdib ko. Pero bahala na. Ang gusto ko lang ay makausap si Abby. Iyon lang.

Magdadalawang linggo na simula no'ng huli pa kaming magkausap. Para akong sasabog sa nararamdaman ko.

Lumapit ako sa mataas na kahoy na gate. Napabuga uli ako ng hininga at nag-doorbell ako.

Naghintay.

Wala.

Nag-doorbell muli ako. Pero nang sandaling iyo'y napaatras ako nang makarinig ako na may bumubukas sa maliit na gate sa gilid.

Dumungaw ang isang security guard.

"Nandiyan ba si Abigael Santillan?"

"Anong pangalan mo?" Tuluyan nang binuksan ng sekyu ang maliit na gate. Karugtong iyon ng guard house.

"Kei. Kaibigan n'ya ako."

Sandaling tinalikuran ako ng sekyu at inabot ang intercom sa guardhouse. Narinig kong may sinabihan ito na 'may naghahanap kay Ma'am Abby'.

Napabuntong-hininga ako.

Mayamaya'y nakita kong ibinaba ng sekyu ang intercom at hinarap ako.

"Nagpapahinga si Ma'am Abby. Hindi raw siya makatatanggap ng bisita," balita ng sekyu.

Ano'ng gagawin ko?

Kingina. Nandito na 'ko, e.

Nang isasara ng sekyu ang gate ay agad-agad akong lumapit at pinigilan iyon. "P're, pakisabi naman hindi ako nandito para bumisita. Kahit makausap ko lang siya r'yan." Itinuro ko ang intercom. Nasa boses ko ang pagmamakaawa.

Tinalikuran ako ng napakamot sa ulong sekyu at muling inabot ang intercom. Nasa loob na halos ako ng guardhouse.

Nang marinig kong may sumagot sa kabilang linya ay kaagad kong hinablot sa sekyu ang handset ng intercom.

"Abby? Si Kei 'to..."

Walang sumagot pero alam kong may tao sa kabilang linya.

"Abby? Kung naririnig mo man ako, hindi ako nagpunta rito para abalahin ka. Gusto ko lang... gusto ko lang mag-sorry sa iyo. Kung anuman ang nagawa ko at iniiwasan mo ako, I'm sorry.

"Gusto ko rin mag-sorry dahil na-realize ko na hindi kita pinahalagahan bilang kaibigan. I'm sorry kung kahit kelan hindi kita natanong o na-text man lang kung kumusta ka na? Kung kumain ka na ba? Kung kumusta ang naging araw mo? I'm sorry kung no'ng una pa lang nating pagkikita naging kupal na ako sa 'yo. Sorry kung hindi kita tintrato nang mabuti na deserve mo." Napalunok ako nang mariin. Lalo ko'ng na-realize kung gaano ako kawalang kuwentang kaibigan sa kanya. Hindi ko rin siya napapurihan sa magagandang bagay na ginagawa niya sa ibang tao. Naisip ko nang sandaling iyon na siguro ay napagod na rin siya sa akin na maging kaibigan dahil hindi ko siya pinahahalagahan.

Tahimik pa rin ang kabilang linya. Malakas ang kutob ko na si Abby iyon dahil hindi ibinababa.

"Ang sabi mo sa akin 'sana noong pa tayo nagkakilala'. Gusto ko pa, Abby. Gusto ko pang makilala ka nang matagal."

Tahimik.

"May gusto pa ako sabihin, Abby. Natatandaan mo no'ng naglalakad tayo sa amin? Nahuli mo ako na nakangiti ako sa iyo, 'di ba? Ang sabi ko masaya kasi ako. Ang sabi mo naman, kaya ako masaya dahil kasama kita. Sinabihan kitang asyumera. Nagsinungaling ako sa 'yo no'n, Abby. Dahil ang totoo masaya ako kapag kasama talaga kita. At sorry dahil hindi ko nasabi sa iyo. Kasi... kasi natatakot ako sa nararamdaman ko. Natatakot ako na aminin na hulog na hulog na ako sa iyo, Abby. Oo, hulog na hulog na ako at nahihirapan akong umahon.

"I'm sorry kung natalo ako sa deal natin. I'm sorry kung hindi ko napigilan. In love ako sa iyo, Abby. Sobrang tindi. Kung iyon din ang dahilan kung bakit ka lumalayo, I'm sorry. Kung hindi mo na ako gusto maging kaibigan pa matapos nito, ayos lang sa akin. Ito lang iyong ipunta ko. Gusto ko lang sabihin... aminin ang lahat. Kasi hindi ko na kayang ikulong lang sa dibdib ko ang lahat ng ito. Para na kasi akong masisiraan ng ulo, Abby."

Nang matagal na wala akong masabi ay kinuha sa akin ng sekyu ang handset. Naramdaman ko ang lungkot na sumanib sa akin.

Wala na talaga.

Lumabas ako at tuluyan nang isinara ng sekyu ang gate.

Hindi ko alam kung gaano ako katagal na nakatayo sa tapat ng gate nila. Hindi ko matiyak ang nararamdaman ko nang sandaling iyon. Parang may nawalang parte ng sarili ko ang hindi ko matukoy. Nalulungkot ako. Parang may importanteng bagay akong naiwala.

Bigla kong naalala no'ng seven years old ako. Binilhan ako ni Tatay ng Voltes V na robot sa birthday ko. Alam ni Tatay na gustong-gusto ko 'yong laruan na 'yon. Kabilin-bilinan niya no'n na huwag kong ilalabas iyon. E, ako mayabang. Gusto ko ipagyabang ang bago at mamahalin kong laruan.

Pag-uwi ko noon nawawala 'yong isang Vol Lander, 'yong kanang paa ng robot na pina-pilot ni Jamie. Binalikan ko kung saan ako naglaro at inabot ako ng gabi kahahanap. Hindi ko na nakita. Iyak ako nang iyak no'n. Nalalaro ko pa no'n ang Voltes V ko pero hindi na iyon nagiging robot dahil kulang na iyon. Matagal din akong nalungkot. At alam kong hindi na iyon mabubuo pa dahil naiwala ko. Dahil hindi ko pinahalagahan noon.

Hindi ko alam kung kapareho nang naramdaman ko noon ang nararamdaman ko ngayon. Pero ang alam ko matindi ang lungkot na nararamdaman ko kasi may nawalang mahalaga sa akin dahil siguro ay hindi ko pinahalagahan. At may bahagi ng pagkatao ko ang pakiramdam ko ay hindi buo na magdadalawang linggo ko nang nararamdaman.

Palakad na ako para simulang hanapin kung saan ang labasan sa village na iyon nang marinig kong bumukas ang gate nila Abby.

"Kei..."


Somewhere Between Moving On and YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon