Chapter Fourteen

3.7K 139 39
                                    


SI Lindsey na lang ang nasa classroom nang puntahan ko siya. Agad na nagtama ang tingin namin nang bumungad ako sa pintuan. Nginitian niya ako pero nababasa ko sa mga mata niya na malungkot siya.

Ano kaya ang problema? Nag-away kaya sila ni Miggy?

Nagtuloy ako sa loob at umupo sa bakanteng upuan sa tabi niya. Tumunog ang cellphone ko. Nag-text si Abby. Tinatatanong kung nasaan na ako. Hindi ako nag-reply dahil hindi ko pa alam ang idadahilan ko.

Hinarap ako ni Lindsey. Nilagay ko sa silent ang cellphone ko ipinatong ko sa ibabaw ng armrest.

"Kei..." simula niya. "Wala na kasi kami ni Miggy," malungkot na sabi niya.

Parang napigil ang paghinga ko sa narinig ko. "Ano'ng nangyari?"

Nagyuko siya ng ulo. Siguro ay hindi niya gusto ipakita sa akin na nagpipigil siya ng luha. "That's actually the thing. Walang nangyayari sa amin."

"Hindi ko naiintindihan."

Nag-angat siya ng tingin sa akin. "He's not like you, Kei. Parang bale-wala lang ako sa kanya. Parang hindi niya nga ako girlfriend, e. Ni hindi kami halos madalas magkita. Mas madalas pa niyang kasama ang mga barkada niya."

Marahang nagbuga ako ng hininga. May namumuong galit sa akin. Paanong ang pinakamahalagang tao sa buhay ko ay binabale-wala lang ng iba? Gustong kong huntingin nang sandaling iyon si Miggy.

"Sino ang nakipag-break?"

Hindi na napigilan ni Lindsey ang mapaluha. Mabilis kong pinahid iyon ng daliri ko.

"Walang official breakup. Hindi na kami nag-uusap. Kahit sa phone. Ayoko na rin."

Naputol ang sasabihin ko sana nang mag-vibrate ang phone ko. Nag-text uli si Abby. Pero hindi ko binasa.

"I need a friend right now, Kei. I miss you. I need you. Nami-miss kong 'yong dating tayo."

Sinalubong ko ang mga tingin niya. Heto 'yong pinakaaasam kong marinig sa kanya. Na importante ako sa kanya. Na kailangan niya ako.

Naagaw ang atensyon ko kay Lindsey nang mag-vibrate uli ang cellphone ko. Napatingin din do'n si Lindsey. Tumatawag si Abby.

Napakunot ako nang mapuna ko ang picture na naka-set bilang ID ng caller. Inangat ko ang cellphone ko at do'n ko napansin na picture 'yon ng kamay namin ni Abby na magkahawak at nakaposas sa isa't isa. Kinuhanan marahil iyon ni Abby habang natutulog ako at ginawa nitong picture caller ID. Pinakialaman pala ng gaga ang cellphone ko. No'n lamang tumawag si Abby sa akin sa cellphone simula no'n. At kung hindi pa ito tumawag ay hindi ko pa malalaman iyon.

Biglang nag-flash sa isip ko ang mukha ni Abby. Naalala ko 'yong araw na una kaming nagkita. Noong nagsayaw kami. Noong maluha-luha siya nang katatawa sa akin.

Napangiti ako. Marahil ay pinagtakhan ni Lindsey ang reaction ko. Tumayo ako at ipinasak ang cellphone sa bulsa ng pantalon ko. Hindi ko na sinagot iyon.

Niyuko ko si Lindsey. Matagal bago ako nakapagsalita. "Linds, hindi na kita kayang maging kaibigan."

Napatingala siya sa sinabi ko. Halata ang pagkabigla sa mukha niya. "Why?"

"Why? Subukan ko kayang saktan ka, 'yong halos mamatay ka na sa sakit. 'Yong halos mabaliw ka na kakaisip kung bakit hindi ikaw ang pinili. Paasahin kaya kita at lokohin. Tapos saka ko sabihin sa iyo na gusto kitang maging kaibigan uli."

Nanginig ang mga labi ni Lindsey at naglawa ang mga luha sa mga mata niya.

"Saka, Linds, walang naging 'tayo'. Pero thank you pa rin sa iyo na sinaktan mo ako. Kasi no'ng naranasan ko kung gaano kasakit, alam mo ba, sinabi ko sa sarili ko na hinding-hindi ko ipaparamdam 'to sa mahal ko. Hinding-hindi ko siya sasaktan. Mas gugustuhin kong ako na lang uli ang masaktan huwag lang ang mahal ko."

Tumayo si Lindsey para pigilan ang paglabas ko sa pintuan.

"Kei, I'm sorry," humihikbing sabi niya. "I'm sorry kasi huli ko nang na-realize na mahal kita..." Napapatid ang boses niya sa pag-iyak. Nasa basa niyang mga mata ang pakikiusap. "Ako naman ang humihingi ng chance sa iyo. Alam kong naging unfair ako sa iyo noon. Pero, Kei, kailangan kita. Mahal na kita. At alam kong ako pa rin ang gusto mo."

Napakuyom ang mga palad ko. Napapikit ako at saka nagbaba ng tingin. Hindi ko kayang salubungin ang nakaaawang hitsura ni Lindsey.

"I'm sorry, Linds..." sabi ko. "Pero hindi na kita kayang mahalin."

PASADO alas tres na nang makarating ako sa auditorium. Hingal kabayo ako dahil tinakbo ko ang auditorium pagkababa ko sa taxi para habulin ang oras.

Hinahabol ko pa ang hininga ko nang makapasok ako sa auditorium. Agad na bumaling ang tingin ko sa tumutugtog ng violin sa malaking stage. Si Abby iyon. May ilang sandali bago nag-sink in sa akin ang pamilyar na musika na tinutugtog niya—River Flows in You.

Napahinto ako sa pinakagitna sa isle sa paghahanap ng bakanteng upuan nang magtama ang tingin namin ni Abby sa stage. Parang automatic na pagkakita niya sa akin ay gumuhit ang malapad na ngiti sa mukha niya. Basa ko sa mga mata niya ang katuwaan na makita ako. Ang mga nanonood na napansin iyon ay nilingon ako.

Hindi na ako nakaalis sa kinatatayuan ko. Gusto ko lang siyang panoorin habang tinutugtog niya ang isa pinakapaboritong kong tugtugin sa gitara. Pinagsisisihan ko na kamuntik ko nang ipagpalit ang lahat ng ito, si Abby, sa pakikipagkita lamang kay Lindsey.

"AY NAKO, 'muntik na akong magtampo sa iyo." Sa labas na kami ng auditorium nagkita ni Abby nang matapos ang concert. Medyo matagal bago siya nakalabas.

"Ang akala ko hindi ka na sisipot. Hindi ka nagre-reply at hindi mo pa sinasagot ang tawag ko."

"Sorry," mahinang sagot ko. Inuulan ako ng guilt. Naisip ko na marapat lang na aminin sa kanya kung bakit late na ako nakarating at na-miss ko ang kalahati ng performance niya.

"Nagkita kasi kami ni Lindsey."

Kumunot ang noo niya. "Tapos?"

Tiningnan ko siya. "Wala na raw sila ng boyfriend niya. Nami-miss niya raw ako. Gustong niyang ibalik 'yong kami noon."

Matagal na sandali ang nagdaan bago nagsalita si Abby. "Ano nangyari?"

"E..." Paano ko ba sasabihin sa kanya?

"Maiintindihan ko naman kung hindi ka na tumuloy. Sana nag-usap muna kayo. Siguro kailangan ka niya talaga ngayon. Saka 'eto na 'yong gustong mong mangyari, 'di ba? Baka 'eto na 'yong chance na hinihintay mo." Sinalubong ni Abby ang tingin ko. "Alam kong sinabi ko no'n na kung tanga ka balikan mo siya. Pero kung mahal mo siya at magiging masaya ka naman, 'di ba?"

Wala akong naisagot.

"Mahal mo pa ba siya?"

Hindi ko alam kung bakit parang malungkot si Abby nang sabihin niya iyon.

Nanatiling wala akong sagot. Dahil nang sandaling iyon ay kinakapa ko ang damdamin ko. Dahil sa pagkakataong iyon ay gusto kong makasiguro.

"Nasa harap mo na, Kei. Huwag mo na pakawalan. Tawagan mo siya. Okay lang ako rito. Sige na. Kung mahal mo siya... tawagan mo."

Sandaling tiningnan ko sa mga mata si Abby sa huling sinabi niya. Pagkatapos ay nagyuko ako ng tingin sa cellphone na hawak ko.

Ginawa ko ang sinabi niya. Tinalikuran ko siya at lumayo habang nagda-dial sa cellphone. Nagkaroon ng kabog sa dibdib ko.

Inilapat ko iyon sa tainga at narinig kong nag-ring iyon.

"Engot, bakit number ko ang tinawagan mo?" natatawang sabi ni Abby sa kabilang linya.

Nilingon ko siya at hinarap. Hindi ko inalis ang cellphone sa tainga ko habang sinalubong ko ang tingin niya.

"Namali ka ng dial, uy," nangingiting sabi niya. "Ang sabi ko kung mahal mo siya, tawa—"

Hindi na natapos ni Abby ang sinasabi.

Alam na niya.

Somewhere Between Moving On and YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon