Chapter Four

4.3K 132 18
                                    



"MAGSESELOS ba kaya 'yon?" Itinuloy namin ni Abby ang usapan habang naglalakad sa seaside. Ang plano niya ay magpapanggap na kami upang pagselosin si Lindsey.

"Nakita ko sa mga mata niya kanina. Babae rin ako at basang-basa ko siya." Hinarap niya ako at inabot ang kamay ko. Hinila ako sa pader sa tabi ng dagat. "Pahiram uli ng cellphone mo dali."

Inabot ko sa kanya iyon. Kinalikot niya ang camera. Hinatak ako para magdikit kami. Inilapit niya ang pisngi palapit sa mukha ko. "Ngumiti ka naman," aniya habang itinututok ang camera sa amin.

Clicks.

"O, mas pogi ka pa pala lalo kapag nakangiti ka," sabi niya nang i-view ang selfie naming magkasama. Saka niya ibinalik sa akin ang cellphone ko. "Dali. I-post mo sa FB mo. Gawin mong profile photo."

"Agad-agad?"

"Oo. Pero huwag mo lalagyan ng caption para hindi O.A. At tandaan mo 'yong Rule number 1. Huwag kang magpo-post ng tipong 'Bagay kayo. Basura at basurero'. Walang gano'ng emote. Show her that you're better and not bitter. Gano'n kapag nagmo-move on.

"Simula ngayon, lahat ng ipo-post mo sa FB mo kailangan masasaya. Ipakita mo sa kanya na hindi huminto ang mundo mo. Na hindi mo siya kawalan. Na kayang-kaya mong maging masaya kahit wala siya," may sigla at ngiting sabi niya. Mukhang tuwang-tuwa sa plano niya. "At na kaya mo ring makakuha ng kapalit na mas maganda pa sa kanya."

Gustong kong matawa sa huling sinabi niya pero naunang napamura ako nang ma-post ko na sa Facebook ang picture naming dalawa. Bigla ko kasing naalala na, "In-unfriend ko pala si Lindsey sa FB ko. Pa'no 'yan?"

Napanguso ito. Nag-iisip. Sa likuran niya ay tanaw kong palubog na ang araw. Ang ganda. Doon ko lamang na-appreciate iyon. At sa unang pagkakataon simula nang bastedin ako ni Lindsey ay doon lang ako nakaramdam ng kagaangan ng loob. Iyong hindi magawang alisin ng alak, 'eto, parang nawawala nang umeksena si Abby. May something sa kanya na hindi ko matukoy na parang nagiging kalmado ako at nagiging centered. Pero hindi kaya dahil sa distracted lang ako kay Abby ngayon? Baka mamaya pag-uwi ko, kapag mag-isa na uli ako sa kuwarto, saka pa lang magsi-sink in sa akin ang lahat. Na no'n pa pala ako niloloko ni Lindsey.

"E, 'di pupuntahan kita bukas sa campus mo," sabi niya matapos ang ilang sandali.

"Baka da ne."

"Ano?"

"Wala. Hindi mo naman kailangang gawin ito." Lumapit ako sa pader sa tabing dagat at sumandal do'n. Rinig ko ang paghampas ng mga alon sa batuhan. Langhap ko ang malansang hangin mula sa polluted na dagat. "Thanks na lang. Pero hindi mo na kailangan mag-aksaya pa ng panahon sa akin."

Napatitig ako kay Abby. Kung type ko lang siguro siya baka pwede ko siyang syotain para makalimutan ko si Lindsey. Tutal, wala naman siyang boyfriend. Pero pang-tropa lang siya. Ni libog wala akong maramdaman sa kanya.

"Wala naman akong ginagawa. Believe it or not, I have all the time in the world."

"'May trabaho ka, 'di ba?"

"Last day ko na kahapon."

"Ayan!" Naituro ko siya. Kamuntik na akong humagalpak ng tawa. "Nasisante ka, 'no? Kasi ang tagal mong nawala kahapon kasusunod mo sa 'kin. Ayan, ayan."

Pinamaywangan niya ako. "Ano? Gusto mo pa bang ituloy natin 'to?"

Napabuga ako ng hininga. Naisip ko na ayos na ideya rin iyon para hindi isipin sa campus na naging miserable ako nang mabasted ako ni Lindsey. Na kaya ko agad siyang palitan.

"Sige. Game. Pero paano kung..." Hindi ko alam kung itutuloy ko ang sasabihin ko. Hindi kaya mas pinaaasa ko lang ang sarili ko sa plano na ito? Na isa pala itong trap sa feelings ko. "Paano kung sa huli nagselos nga si Lindsey at gusto pa niya talaga ako?" Nagkibit ako ng mga balikat. Wishful thinking. "Kung lang naman."

"Kung tanga ka, e, di balikan mo," kaswal lang na sagot ni Abby. "At kung ipu-push natin ito I have just one condition."

Napakunot-noo ako sa kanya. "Ano 'yon?"

"Don't dare to fall in love with me," mabilis at seryosong sagot niya.

Halos mahulog ang panga ko sa narinig kong sinabi niya. "Wow. Ang tindi mo, 'teh!" Pinagtawanan ko siya. Ang kapal ng mukha niya para isipin na mahuhulog ako sa kanya. "Hindi. Kita. Type," pinagdiin-diinan ko talaga.

"Oo kasi hindi ako duling."

"Hindi nga duling si Lindsey. E, paano kung ikaw ang ma-fall sa akin?"

"Asa ka naman. It's not gonna happen." Inirapan niya ako. "Pero sige. Kapag na-fall ako sa iyo, kakain ako no'ng kadiring paboritong street food ng Lindsey mo," confident na sabi niya.

Humakbang ako palapit sa kanya. Nasa mukha ko pa rin ang tawang pinipigilan ko. "Deal." Inilahad ko ang kamay ko sa kanya. Hindi ko na kelangan gumawa ng kompromiso sa kanya dahil malabo na magkagusto ako sa kanya.

"Huwag kang umasa kung ayaw mong masaktan uli." Nakipagkamay siya pero binawi agad nang may tumawag ng atensyon niya. Kanina ko pa napapansin na may hinahagip siya ng tingin.

May nilapitan siyang grupo ng mga bata sa hindi kalayuan. Kinausap niya ang mga ito. Sinisipat ko ng tingin kung ano ang meron kaya nagpunta ako roon. Nakita kong may dinukot sa shoulder bag niya si Abby at may inabot sa isang bata lalaki.

Nagbigay ba siya ng pera?

Umi-squat si Abby sa batang lalaki at masuyong tinapik ito sa ulo. Saka parang masayang umalis palayo ang bata at mga kasama nito.

"Kaninong buhay naman ang pinakialaman mo?" tanong ko nang lapitan ko siya.

Tumayo si Abby. May hawak siyang babasaging garapon. "Kanina ko pa kasi sila napapansin na may pinaglalaruan sa loob nito."

Inangat niya sa paningin ko ang hawak. May laman iyon sa loob na asul na paru-paro na lumilikot at nagsusumikap makalipad sa maliit na garapon.

Napahimas ako ng batok. "Pati ba naman laruan ng mga bata pinakialaman mo rin?"

Tinaasan niya ako ng kilay. "Binili ko ito sa kanila at, Kei, hindi ito laruan. Buhay ito." Humakbang siya sa pathway sa seaside. Sinundan ko siya.

Inikot niya pabukas ang takip ng garapon. Kumawala mula roon ang asul na paru-paro na lumipad pataas at palayo.

Matagal na sandaling sinundan ng tingin ni Abby ang paglayo ng paru-paro. Ako naman ay pinagmamasdan si Abby. Nakikita ko ang katuwaan sa ngiti niya nang palayain niya ang paru-paro. Nangingislap ang papalubog na araw sa mga mata niya. Pero bakit parang malungkot ang mga iyon?

Umiwas agad ako ng tingin nang lingunin ako ni Abby. Nginitian niya ako at saka sinabing, "Kung mahal mo, palayain mo."


Somewhere Between Moving On and YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon