NAGMAMADALI SIYANG MAG-ASIKASO ng kanyang motorsiklo—Dilaw na XRM 125. Ayaw niyang mahuli. Kahit kailan, ayaw niyang mahuli sa anumang kasunduan. Subalit ngayon ay wala naman siyang kausap sa lakad na ito kundi ang sarili. Ang backpack ay isinuot samantalang sa harap ng katawan niya at hindi sa likod, karaniwang makikita sa mga rider ng motorsiklo. Sumakay siya, isinuksok ang susi sa motorsiklo nang biglang kumulog. Nakapagtataka nga naman, dahil ngayon ay malapit na sa kalagitnaan ng tag-araw ay may balak pang umulan. Bumaba siya ng motorsiklo. hinubad ang backpack, kinuha mula rito ang dyaket, isinuot ang dyaket at muling isinuot din ang backpack. Sumakay uli sa motorsiklo at saka pinaandar. Mula sa bintana ng apartment na kanilang inuupahan ay nakadungaw ang lola niya. Hindi kinawayan bilang pagpapaalam. Ayaw niyang magpaalam. Hindi ito pagpapaalam kundi impormasyon. Tiningnan ang relo sa kanayng kanyang braso: 10:12 ng umaga. Hinubad ang relo at isinilid sa isa sa bulsa ng backpack na nakadikit sa kanyang harap. Ang lola niya na nananatili sa harap ng bintana ay hindi na pinansin.
Sa paghawak niya sa manibela ng motorsiklo ay napansin ang gintong singsing sa kaliwang hinliliit. Kumislap dahil sa pagtama ng sinag ng araw na papalapit na sa tanghali. Naalala niya si Grace. Nasaan na ba si Grace? Pinaandar ang motorsiklo at saka sumibad.
Nang nasa Sangandaan na siya ay huminto dahil sa pula ng ilaw-trapiko. At tila napagtanto na mali ang inasal niya sa kanyang lola. Ang hindi niya inaasahan, pagkabalik niya kinabukasan ay hindi na madadatnan sa apartment ang lola niya kundi sa ospital na.
Nagberde ang ilaw-trapiko at tinahak niya ang Samson Road papuntang Monumento.
Mula sa Monumento ay tatahakin niya ang Edsa hanggang Cubao na kung saan ay papasok sa loob ng Araneta Center at saka lalabas ng Aurora Boulevard at tatahakin ang Marcos Highway papuntang Cainta na madadaanan ang Robinson's at Metro East. Didiretsuhin pa niya ito hanggang sa Masinag, at saka niya papanhikin ang paliko-likong kalye ng Sumulong Highway. Ito ang mapang iginuhit sa kanyang utak. Mahilig sa alak at tsongke. At higit sa lahat hilig niya ang mapag-isa. Lalo nang mabalitaan ang nagyari sa mga magulang.
Nang nasa Edsa na siya ay naalala niya ang kanyang nobya tungkol sa singsing.
Si Grace ay dalawampu't tatlo at isang mananayaw sa isang beer house sa Binangonan kung saan ay doon niya nakilala sa tulong ng magkapatid na Eddie at Oscar. Isang buwan lang siya nanligaw at sinagot na siya.
Nitong nakaraang linggo, nagkita sila ni Grace, at pumasok sa Mariposa Motel. Dito niya natanggap ang regalo ng nobya: Ang singsing.
"Isuot mo lang 'yan. Para 'pag magkikita tayo, alam kong ako pa rin ang mahal mo," sabi ni Grace kay Bembol.
Pinapaikot-ikot niya ang singsing na suot sa kanyang kaliwang hinliliit. Isang gintong 14k na pambabae ang sukat ng pagkakabilog. Sa loob ng pabilog ay nakaukit ang pangalan nilang dalawa. "Nakakahiya naman sa 'yo, ikaw pa nagbigay ng singsing. Hayaan mo, 'pag dumating ang allowance ko kay mommy bilhan din kita." Sumandal siya sa uluhan ng kamang kanilang inarkila. "Kailan mo siya iiwan?"
Sumandal din si Grace sa uluhan ng kama at yumakap. "Kaunting panahon na lang. Iiwan ko rin ang pulis na 'yun."
"Kailan nga? Next week, next month? Matagal mo ng sinasabi sa akin 'yan na iiwan mo 'yung matandang 'yun. Pero ano? Wala. Ilang buwan na ba 'kong naghihintay sa paglaya mo na 'yan? Walong buwan na."
"Hayaan mo, next week, wala na kami n'on."
"Next week din ang dating ng parents ko galing Abu Dhabi. May dalang visa para sa 'kin. Pagbalik nila d'on, kasama na nila ako."
"Pa'no tayo?"
"Kukunin kita. Kukuha ako ng visa mo." Hinalikan niya sa pisngi si Grace. Tiningnan ang singsing. "Saan ba galing 'to? Binili mo?"
Hinawakan niya ang hinliliit ni Bembol. "Nagsimba kasi ako sa Quiapo last Friday. Tapos lumapit ang isang matandang babae sa akin mismo sa loob ng simbahan at inalok 'yan. Sabi ko wala akong pera. Kahit daw magkano. Tiningnan kong maigi. Mukhang hindi peke. Tinanong ko s'ya kung payag s'yang two hundred lang. Sige, sabi n'ya, basta ingatan lang daw 'to dahil may dalang swerte sa pag-ibig. Pa'nong swerte? tanong ko sa matanda. Kung sino magsuot n'yan ay magkakaro'n ng tunay na pag-ibig. Pa'no kung meron ng tunay na pag-ibig? Tanong ko, kasi gusto kong subukan 'yung matanda kung hanggang saan ang pambobola n'ya. Lalong magiging matibay ang pag-ibig niya, sabi n'ya. Tapos, binayaran ko s'ya. Tapos, tumayo na s'ya at sabi n'ya, May pangako ang singsing, at tuluyang lumabas ng simbahan. Sinundan ko siya ng tingin dahil iniisip kong may mga kasamang iba na sa ganitong panloloko. Nang papalabas na, malapit sa pintuan ng simbahan, biglang nawala. Itatanong ko pa sana kung ano 'yong pangako."
"Aba. Malayo pa holloween, nananakot na, a."
Napatuwid siya ng upo ngunit hindi binitawan ang hinliliit ni Bembol. "Hinde. Talagang nakita ko pa'nong naglaho. Parang sa mga movies na nawawala. Gan'on."
"Naniniwala ka naman sa sinabi ng matandang babae na 'yon?"
"Pwede. Kaya lang ikaw ang magsusuot, kaya ikaw ang makakaranas ng tunay na pag-ibig."
"Kahit wala itong singsing, ikaw lang naman ang tunay na pag-ibig ko, e. Meron pa bang iba?"
Muling niyakap ni Grace si Bembol at hinalikan sa labi at sila ay nagpalitan ng init ng damdamin.
Hinubad ni bembol ang singsin.
"Huwag mong huhubarin 'yan," sabi ni Grace.
"Napansin kong nakasulat sa loob nito ang pangalan natin."
"Pina-engrave ko 'yan sa Ongpin." Natigilan si Grace. "Nakita ko uli 'yong matandang babae pagkalabas ko ng jewelry shop. Sabi niya, Mapalad ka, may totoong nagmamahal sa iyo. Ingatan mo ang singsing sapgkat may pangako ito. Anong pangako? Tanong ko. Sabi niya, Kung sino ang magsusuot niyan ay malalayo sa anumang badya ng kapahamakan. Anong ibig n'yong sabihin?, tanong ko uli. Sabi niya, Basta huwag hubarin ang singsing kahit anong mangyari. Tapos, nginitian niya ako. Tinanong ko uli s'ya, Meron pa kayong isa pa para tig-isa kami ng boyfriend ko? Sabi niya, Isang singsing lang sa isang pareha. Isa lang ang katutuparan ng pangako ng singsing. Tapos, ngumiti uli siya. 'Yong ngiti n'ya parang matagal na n'ya akong kilala, gan'on." Hinapmpas niya sa dibdib si Bembol. "Ba't ganyan tingin mo sa 'kin?"
"Nagpapaniwala ka ro'n."
"Basta. Huwag mong huhubarin ang singsing na iyan, kahit anong mangyari?" Hinalikan niya sa labi si Bembol. At nagniig ang kanilang damdamin. Isang mainit na damdamin at pinatunayang muli ang lagablab ng kanilang pagmamahalan.
Si Bembol dela Paz, sa edad na tatlumpu't dalawa, ay hindi naniniwala sa mga pamahiin o anumang alamat. Lalong hindi naniniwala sa kuwento ni Grace sa kanya datapwat, nakikinig dahil mahal niya ito. Hindi alam ang dahilan, basta ang alam niya ay umiibig siya sa babaeng ito na mananayaw ay naniniwala ring mahal siya nito. Maraming ulit na pinatunayan lalo ng pagbigay ng singsing.
Hindi man naniniwala si Bembol sa sinabi ng nobya tungkol sa singsing ay naniniwala siya para sa kanilang dalawa ni Grace. At huli na rin upang maniwala si Bembol sa pangako ng singsing nang siya ay nagpunta ng Agos River.
BINABASA MO ANG
PANGAKO NG SINGSING
Mystery / ThrillerTatlong sumpa ng hindi mangingibig. Nagkrus ang daan sa isang di inaasahang malagim na sitwasyon. Sangkot ang dalawang pulis, tatlong sanggano, at isang inosente. Saksi ang isang ilog. Saksi rin ang pangako ng singsing. ITO PO AY HINDI PA NAREBISAH...