BUMIYAHENG MAG-ISA SI Alex pagakatapos mag-almusal ng goto kasama si Pedring, sa lugawan. Suwerteng nakasakay kaagad ng dyip biyaheng Daraitan. Bitbit ang kanyang bag na naglalaman ng maskara, kutsilyong plastik ngunit hitsurang totoo, at dagdag pa na mga pangkulay sa mukha—na binili lahat sa National Bookstore sa Cubao, at ang kalibreng nakabalot ng maruming kamiseta. Nakalapat na ang plano. Isasagawa nila ang hostage-taking na gaya ng napag-usapan nila kagabi ni Pedring. Ito ay gaganapin sa loob ng bahay nila sa Daraitan kaya kailangan niyang makarating doon upang makausap ang Tiya Clarita dahil siya ang may-ari ng bahay na gagamitin sa practical joke na ito mamayang gabi. Kagabi, nang magkausap sila ni Pedring, hindi masyadong inintindi ang sinasabing hinahanap siya ng pulis hindi upang arestuhin, kundi upang bigyan ng proteksiyon laban sa mga lalaking tumutugis sa kanya. Hindi pa malinaw kung sino ang mga yaon ngunit ayon sa dalawang pulis maaaring magulang na napatay sa Caloocan nitong nakaraang taon, na kung paano'y nasangkot siya. Hindi siya nabahala dahil bitbit niya ang kalibre. Handa na rin siya dahil... ewan niya. Iba na rin ang kutob niya sa mga oras na ito.
Nakatiyempo siya ng mabilis magpatakbong tsuper at maaga siyang nakarating sa kanila, sa bahay ng tiya, magtatanghali na. Tiyempo ring naroon ang Tiya Clarita na bigla siyang niyakap. Sinabing patay na si Neneng. Anong nangyari? Pinasok sila ng masasamang-loob at... at... At ano? Wala na rin ang mga magulang niya. Ilang beses nagteks pero hindi makapasok sa cellphone ni Alex dahil mahina ang signal dito sa Daraitan. Sinabi rin sa kanya na pinaghahanap siya ng mga pulis para rotektahan siya.
Nanlumo siya. Napaupo sa sahig, napasandal sa dingding malapit sa pintuan. Hindi siya pwedeng umuwi ng Angono. Hihintayin niya rito ang mga lalaking naghahanap sa kanya, kung sinuman sila. Hinawakan niya ang bag, kinapa ng dalawang kamay ang baril, at nang mahawakan ay himigpit ang kapit nito sa kalibre. Magbabayad sila, sa isip niya. Ngayon nila ako gawing may sala sa krimen pagkatapos nito. Patas na.
Tumayo siya, lumabas ng bahay.
Ang dalawang sarhentong pulis-imbestigador ng Angono ay muling nakamotorsiklo na bumiyahe paroon sa Sampalok, Tanay upang muling puntahan at usisain ang lalaking nagngangalang Pedring. Magtatanghaling tapat na nang humimpil sila sa Pedring Internet subalit sarado ito, nakababa ang bakal na akordiyon, nakakandado. Wala silang magawa kundi ang dumiretso sa Daraitan.
Ang shotgun ay nakabalot ng tela sa loob ng bag kasama ang mga bala nito at pati ang kanyang kalibre, na nakasukbit sa likuran ni Sgt. Pablo Sandoval. Nauuna siya nang bahagya sa kanyang partner dahil alam na niya ang papuntang Daraitan. Kailangan niyang makita ang lalaking Alex Pelayo ang pangalan bago mauna ang mga notoryus na tumutugis dito.
Si Sgt. Roberto Calim ay kasunod ni Sgt. Sandoval. Hindi hinubad ang baril, hinayaang manatili sa baywang. Kahit nakasara ang kanyang dyaket ay nakalitaw ang nguso ng kalibre dahil sa paghampas ng hanging sumasalubong. Matalim ang tingin niya sa partner niyang nauuna sa pagpapatakbo ng motorsiklo.
Kagabi, nang nasa Wawa at habang iniimbistigahan ang bangkay ng abogado, ay nakuha niyang tumawag sa isang asset niya sa Binangonan at dito nalaman ang totoo tungkol sa Kabong Pango at ang lalaking maputla't payat. Ang mga ito ang may kagagawan sa patayan sa Caloocan nakaraang taon. Ang motibo ng krimen ay ang pag-agaw sa sasakyan ng mag-asawang matanda, dahil may umorder kay Kabong Pango at kay Pepeng Ekis. Eksaktong nakita nila na bagong Toyota Fortuner AUV. Si Totoy, ang maputla't payat na lalaki ay hinugot nila mula sa Binangonan Municipal Jail noong gabing yaon, upang maging look out nila sa operasyon. Pagkatapos nilang makuha ang sasakyan ay ipinasok uli si Totoy sa kulungan at saka pinalaya pagkalipas ng ilang buwan pa. Hindi alam ng asset niya kung ano o paano ang ginawang pagpatay ng mga ito sa mga biktima. Sigurado ang asset na hindi basta sangkot si Kabong Pango kundi siya at si Pepeng Ekis ang gumawa at tumapos ng krimen. Si Totoy ay accessory of the crime lang. Ang mga bangkay ay itinapon nila sa Sangandaan Cemetery Road, dagdag pa ng kanyang asset.
Tama ang kanyang hinala. Pinoprotektahan niya ang kumpareng si Kabong Pango. Kaya pinalayas niya agad si Totoy sa silid-iterogehan upang hindi niya mausisa pa ito. At halata ang galit at bugnot nito kay Totoy. Napagpasyahan niyang kausapin ito nang masinsinan pagkatapos ng kasong ito... o kahit mamayang gabi.
Ilang ulit na nagtanong si Bembol sa kanila kung hindi maapektuhan ang kanilang trabaho sa Padis Point. Laging 'hindi' ang sagot ng magkapatid. Si Oscar ang nagmamaneho ng puting Chevrolet AUV ng abogado, katabi niya si Eddie, at si Bembol ay nasa likuran nila. Ang mga armas nila ay nasa isang bag na nakalapag sa tabi ni Bembol—isang shotgun, isang granada, dalawang kalibre, isang rebolber, at mga resebang bala ng mga ito. Hindi nagtanong ang magkapatid kung bakit marami silang armas samanatalang isang tao lang dudukutin. Sinigurado lang ni Bembol na anuman o sinuman ang makakaharap nila sa tiyempong pagdukot sa Alex Pelayo na yaon, ay hindi makikialam. O pwede ring banatan na nila sa tiyempong yaon. Ang magiging problema nila ay hindi kabisado ang lugar na yaon sa oras ng pagtakas. Kailangang maging maingat upang hindi masayang ang oportunidad sa kanilang plano.
Hindi man sila sigurado na naroon ang Alex ay kailangang maaga silang bumiyahe upang mauuna na roon at umantabay sa anumang pwedeng mangyari. Bagaman wala sa planong maligo ng ilog ay nagdala rin sila ng mga gamit pampaligo at pamalit ng damit, kung sakaling mayroong sisita mayroon din silang dahilan ng pagparoon.
Bago sila umalis ng bahay ng magkapatid ay tinanong niya uli sila kung nakahanda ang mga sarili anuman ang mangyari sa gagawing pagdukot sa Alex na yaon. Positibo sila. Walang atrasan? Walang atrasan. Subalit sinabi rin ni Bembol na ito na ang huli.
"Maipaghiganti ko lang ang mga magulang ko, ayos na. Lalayo muna ako sa inyo para na rin sa inyo na hindi kayo masangkot. Pupunta ako sa isang lugar na hindi ako masusundan ng mga parak."
At nagyakapan ang tatlo na tila nagbalik ang kanilang pagiging paslit, na masasabik muli na makita ang isa't isa.
Nang umagang yaong ay hindi sila humithit ng tuyong damo, ni uminom ng alak. Nang umagang yaon ay handa silang isakatuparan ang plano sa kanilang normal na pag-iisip, na gaya ng kanilang akala.
Huwag mong huhubarin ang singsing, kahit anong mangyari.
At makaksalamuha nila ang isang malagim na pangyayari sa ilog na yaon sa Daraitan.
BINABASA MO ANG
PANGAKO NG SINGSING
Mystery / ThrillerTatlong sumpa ng hindi mangingibig. Nagkrus ang daan sa isang di inaasahang malagim na sitwasyon. Sangkot ang dalawang pulis, tatlong sanggano, at isang inosente. Saksi ang isang ilog. Saksi rin ang pangako ng singsing. ITO PO AY HINDI PA NAREBISAH...