MASAYANG BUMIBIYAHE ANG apat na magkakaibigan lulan ng sasakyang minamaneho ni Lemery. Saya na may tawanan at hagikgikan at kurutan ng mga babae ang masasaksihan. Parang nagbabalik tinedyer, tila bagito sa mga ganitong usapan. Inumpisahan ni Amelia ang pagkuwento tungkol sa adobong manok. Sinong hindi matutuwa't kikiligin dahil lamang sa adobong manok ay nagkaigihang muli ang dating magnobyo. May naamoy na silang kasalan sa susunod na taon. Lumipat na si Lemery sa apartment ni Amy kahapon. Ang hindi alam ng tatlong babaeng ito, dahil sa adobong manok na iyan ay gagawa na ng pormal na alok na kasal si Lemery mamaya sa ilog mismo na kanilang pupuntahan ngayon.
Kinapa ni Lemery ang maliit na kahong itim sa dibdib na bulsa ng dyaket niya, naroon pa rin.
"You happy, Miami?" tanong niya saka hinawakan ang isang kamay ni Amy.
"Yes, adobo," sagot naman niya na may halong panggigil na ngiti. At muling nagtawanan at hagikgikan ang tatlong babae.
Kagabi, pagkatapos nilang magpahayagan ng kanilang pagmamahalan sa pamamagitan ng kanilang pisikal na katawan, ay natukso na naman siyang ibigay na ang singsing na ito habang sila ay nasa kama. O kaya ay biglang yakagin sa pinakamalapit na 7-11 sa Shaw Boulevard at doon niya iabot ang singsing. Sa pagkakataong ito ay sisiguraduhin na niyang gagawin na niya sa ilog na iyon.
"Salamat nga pala uli sa inyo. Nakasabay na ako sa biyahe ngayon. Mahirap kasi sumakay lalo na malapit na ang Semana Santa kasi maraming maliligo sa ilog," sabi ni Norma. Kasama niyang nakaupo sa likuran si Ma. Anna.
"Wala 'yun," sagot ni Lemery. "Si Rian, actually, nag-suggest na isabay ka na, e."
Nilinga at hinalikan niya sa pisngi si Rian. "Salamat, 'Te."
Pagkatapos na silang apat ay mag-usap-usap kahapon sa apartment ni Amy, nagkaroong na sila ng munting pagkakaunawaan at umaasa si Norma na lalawak ito alang-alang sa magiging anak ni Rian. Kahit mahirap para sa kanya dahil pinsan niya ang nobyo nito ay pinilit pa rin niyang unawain ang kahinaan nito. Datapwat sa likod ng kanyang isipan, kay hirap tanggapin ang sitwasyong ito para sa panig ng pinsan niya. Nangako siyang hindi makikialam at susuportahan pa sa planong magtapat si Rian kay kuya Pedring niya.
Isang bagay ring maigi itong maagang biyahe upang makita si Alex. Mamaya, kapag nagkita sila ay siya na mismo ang gagawa ng hakabang. Ayaw niyang makonsensiya balang araw sa hindi niya pagtatapat sa kanyang napupusuan.
Si Ma. Anna ay nakaupo sa likuran ni Amy. Hawak niya ang aklat na How To Win Friends at nagbabasa. Nakailang pahina na siya ay naagaw ang kanyang atensiyon sa napag-usapan kahapon. Oo, gagawin niya ang lahat upang mapatawad lamang ni Pedring. Anuman ang ipagawa sa kanya ni Pedring ay tutuparin niya, maibalik lamang ang tiwala. Hanggang sa kung nais ipalaglag ang nasa sinapupunan ay gagawin niya, makamit lamang muli ang pag-ibig ni Pedring. At kung ano pa ang nais ni Pedring ay sasang-ayon na siya...kahit kasal. Hindi niya maiisip ito kundi sa tulong ni Amy. Una ay nakita niya ang pakikipagbalikan niya kay Lemery. Napagtanto niyang iba si Lemery sa mga lalaking nakilala ni Amy. May pagkakatulad sila ni Pedring... ang kanyang Pedring.
Ibinaling muli ang mukha sa kanyang aklat, subalit hindi pa siya natatapos ng isang pahina, may umukilkil sa kanyang isipan. Lahat ng pwede kong ipangako sa iyo, ipapangako ko, sa isip niya. Hindi ka pala kita dapat pagtaksilan. Napakawalanghiya kong tao sa mga nagawa ko. Masyado akong nangarap ng hindi ko kayang abutin. Sa laki ng pagmamahal mo sa akin ay hindi ko pala kayang yakaping buo. This time, it's for you to give all my love. Ang isang kamay niya ay marahang hinimas ang tiyan. Paano kung ipalaglag nga niya ito? Kawawa naman, madadamay siya sa kalandian ko. Patawarin mo ako, anak. Tumulo ang kanyang luha na agad pinunasan ng isang palad. Naramdaman niyang hinawakan ni Norma ang palad niyang nakalapat sa tiyan. Hindi niya nilinga si Norma kundi nakatitig sa binabasang aklat, ginantihan ng higpit na pagkapit sa kamay nito.
Nilinga ni Amy si Lemery na seryosong nagmamaneho gamit ang isang kamay dahil ang isa ay nasa kanya na nakasalikop sa isang kamay niya. "Hon, bakit nakangiti kang ganyan?"
"Ha?" Kunwari ay nabigla si Lemery. "Bakit, nakangiti ba 'ko?"
"Parang gusto kong magduda sa mga ngiting 'yan."
"Aba, mahigit isang taon akong naghintay, may duda ka pa?"
"Hindi yun. Basta. Ba't 'di mo aminin kasi. Aminin mo na."
"Aminin?" sadyang ikinunot ang noo upang maipakitang kunwaring nalilito. "Inamin ko na sa 'yo. Walang ibang babae sa buhay ko, ikaw lang. Ikaw lang. Ikaw lang. Ilang beses ko ba dapat sasabihin?"
"Hay, bahala ka na nga kung ayaw mong aminin." Binitawan niya ang kamay ni Lemery na binawi naman ito at ipinatong sa manibela.
Ngumiti siya. Alam niya ang tungkol sa singsing. Noong niluto niya ang adobong manok, niyakap siya ni Lemery, naramdaman niya ang nasa loob ng dyaket. Nang madaling-araw na yaon, galing siya ng banyo na suot ang bathrobe ay nasagi ang dyaket na nakasampay sa silya ng kusina, nalaglag sa sahig, gumulong papalabas ang isang munting kahong itim at nagkusang bumukas. Pagkabukas ay kuminang ang diyamanteng nakaupo sa munting kahon. Lumuhod siya, dinampot ang munting kahon na patuloy ang pagkinang, marahang inilapit sa kanyang mukha. Pagkatapat sa mukha ay tumulo ang isang luha, pagdaka'y sumunod pa ang isa sa kabila. Naibulong niya sa sarili, talagang hindi na kita iiwan, adobo. Tatanggapin ko na ang alok mong kasal. Sabihin mo lang kung kailan. Doon na rin magsisimula ang pangako ko sa iyong hindi na kita iiwan kahit kailan. At tumulo pa ang isang luha na kumislap din nang tamaan ng kinang ng diyamante ng singsing.
At nagpatuloy pa ang pagtahak ng sasakyang kanilang lulan sa Manila East Road na sakop ng Morong na papuntang Baras, na sa magkabila ay luntiang bukirin. Isang oras o higit pa ay naroon na sila sa Sampalok upang daanan si Pedring, kung paano'y masorpresa siya gaya ng kanilang plano. Subalit hindi nila ito maabutan doon dahil agad na umuwi dalawang oras bago magtanghali.
Kaya, dumiretso na sila sa bahay nina Federico sa Daraitan.
BINABASA MO ANG
PANGAKO NG SINGSING
Mystery / ThrillerTatlong sumpa ng hindi mangingibig. Nagkrus ang daan sa isang di inaasahang malagim na sitwasyon. Sangkot ang dalawang pulis, tatlong sanggano, at isang inosente. Saksi ang isang ilog. Saksi rin ang pangako ng singsing. ITO PO AY HINDI PA NAREBISAH...