MULA MALABON HANGGANG Masinag, Antipolo ay nakuha ni Bembol ng walang dalawang oras. Ang Sumulong Highway na papaitaas ay nakuhang tila sampung minuto lang, kahit na ito ay pasikot-sikot at may minsanang matarik.
Humimpil siya sa Padis Point, isang bahay-inuman. Sa likuran ng kusina ay ipinarada niya ang kanyang motorsiklo at ikinadena sa isang poste ng ilaw. Sa pintuan ay lumabas si Eddie, ang kanyang barkada mula pa noong elementarya sa Acacia, Malabon. Nang magkatrabaho rito sa Lungsod ng Antipolo ay saka nanirahan sa kuya Oscar niya sa Angono, na nagtatrabaho rin dito na weyter katulad niya. Nagkumustahan ng kaunti, inabot ni Bembol ang isang maliit na plastik ng tuyong damo, binigyan naman siya ni Eddie ng isang serbesang de-lata, at saka siya bumaba sa munting bundok na ito.
Ang labas ng ng kusinang ito ng Padis Point ay lupang paibaba na matarik at madamo na paminsan-minsang may puno na mabababa at matataas. Halos magpadausdos na lang si Bembol upang mapadali ang kanyang pagbaba patungo sa kanyang paboritong tambayan sa bahaging ito ng Sumulong Highway. Ilang metro pa ang pababa ay narating na niya ang isang puno ng langka.
Umupo si Bembol sa ilalim ng punong langka na ito na nakadikit ang likod sa katawan ng puno. Inilapag ang de-latang serbesa sa isang tabi. Sa kanyang harapan ay may isang batong sinlaki ng kalabasa. Iniangat niya ito at iniusod. Humanap ng kapirasong sangang nalaglag, hinukay niya ang lupa na tinakpan ng bato kanina, na ang lalim ay gadaliri lamang. Nakuha ang ilang plastik na katulad ng ibinigay niya kay Eddie kanina: Mga tuyong damo. Inilibing niya ito may dalawang linggo na nag nakaraan dahil, ang wika ng iba, nakatutulong daw ito ng pagkapuro ng tuyong damo. Nagbilot siya ng isa, sinidihan at saka hinithit.
Mula sa kanyang kinauupuan ay masisilayan ang mas malawak na tanawin na matutunghayan sa malayo: Ilang bahagi ng Rizal at ang kamaynilaan. Humihithit pa siya ng tsongke hanggang sa maramdaman na niya ang unti-unting pagbilis ng pintig ng puso ngunit kalmado ang dibdib, pagbilis ng hinga ngunit marahan ang paglabas ng hangin, at mabilis ang takbo ng utak ngunit marahan ang isipan. At siya ay nauuhaw na. Pinatay ang tsongke na halos maubos na at inilapag sa kanyang tabi. Binuksan ang serbesang de-lata, lumagok ng ilan. Naibsan ang pagtuyo ng lalamunan. Naibsan ang pagkauhaw. At saka muling sumilay sa tanawin.
Ang unang matatanaw, masasabing malapit sa kanya, ay ang mga kabahayang pangkaraniwang makikita sa mga lalawigan ng Rizal. Mga maliliit na bubong na iba-iba ang pagiging parihaba at parisukat na ang iba na halata ang patulis na atip. Pagkatapos nito ay ang malawak na ilog na naghahati mula sa lalawigan ng Rizal hanggang sa kamaynilaan, at ang ilog na ito ay kaduktong ng Laguna de Bay. Pagkatapos ng ilog ay ang nagtataasang mga gusali na may iba't ibang hugis at lapad at disenyo ng mga Lungsod ng Pasid, Quezon at Makati. Kahit sa liwanag ng araw ay bahagyang malabo ang kamaynilaan dahil sa iniwang usok ng mga sasakyan sa bawat kalye roon. Sa kabuuan ay nasisiyahan si Bembol sa tanawing ito. Nakatutulong sa kanya nang malaki sa kanyang paglilibang. Oo, ito ang oras ng kanyang paglilibang.
Ang liwanag ng araw na katatapos ng katirikan ng tanghali ay maiinit pa rin ng kasalukuyang panahon. Ang hangin na kakaunti ang pag-ihip ay mainit din na nagtutulak sa mga halamang ligaw, sa mga damong halos nanunuyo na ang iba, sa mga punong nauuhaw rin sa tubig na pandilig katulad ng mga tuyong lupa. Ang mga mata ni Bembol ay namumula, mga labi at lalamunan ay tuyo, at ang isipan naman ay nahahanda sa isang paglilibang—na isang paglalakbay.
At naglakbay na nga ng tuluyan ang kanyang isipan.
Sa paglalakbay ng isipan ay napuntahan niya ang mga magulang sa morge ng MCU, kung saan ay nakaratay ang bangkay ng dalawang matanda sa malamig na higaang metal. Suot pa ang damit na natutuyuan na ng mga dugong lumabas mula sa katawan ilang oras na bago natagpuan sa isang kanto ng Sangandaan Cemetery Road. Sa naglalakbay na isipan ay nakarating siya sa burol ng kanyang mga magulang na pinaglamayan sa Floresco sa MacArthur Highway na malapit sa Monumento kung saan ay nakita niyang malungkot ang mga kapatid at mga pamangkin at iba pang mga kamag-anak sa biglaang pagpanaw ng dalawang matanda. At naglakbay pa ang isipan na nakarating siya sa libing ng mga magulang na habang ibinababa sa hukay ay nangangako siya sa sarili na aalamin ang tunay na nangyari at pananagutin sa batas ang may sala. Kung hindi kakayanin ng batas ng tao ay batas na ng kanyang kamay ipananagot.
Dinampot ni Bembol ang natirang tsongke mula sa kanyang tabi, sinindihan at hinithit. At hinithit pa hanggang lumiit ito saka pinatay at itinapon. Tumungga ng serbesa. Lalong namula ang mga mata ni Bembol. Sa nakadikit niyang likod sa katawan ng puno ng langka, ay inilapat pa niya ito. Ang kanyang ulo ay isinandal upang marelaks pa siya. Ang magaang na pakiramdam ay tila papel. Hindi alintana ang lupa na kanyang sinalampakan. Inilapat pa niya ang mga hita't binti sa lupa at lalo siyang narelaks. Nahingalay ang kanyang isipan, katawan, dibdib, at ang dating lumalagablab na paghihiganti. At naglakbay pa minsan ang kanyang isipan.
Ang isipan na naglakbay sa pagkakataon na ito ay sa ibang dimensiyon siya napunta.
Ang malawak na ilog ay unti-unting umangat sa itaas ng ilang metro. Sa gitna ng tubig ay mahahalata ang mga iba't ibang mga isda na lumalangoy... hindi, nakikipaglaro, nakikipaghabulan, nakikipagharutan, nakikipaglandian sa kapwa isda.
Ang ilog ay nagsimulang lumipad at dahan-dahang lumalapit sa kanya. Ngayo'y tumigil ang napakalaking ilog sa kanyang itaas. Tumingala siya at nakita ang mga iba-ibang isda na may iba-ibang kulay na rin pala. Walang tigil ang paglangoy ng mga isda na nag-iiwan ng kulay sa hulihan: kung pula ay pula, kung dilaw ay dilaw rin ang iiwan sa hulihan, at gayon ang lahat ng mga isda da kanilang kulay. Ngunit mayamaya ang mga isda ay nagkakabundulan na. Sa bawat pagkakabundol ay sumasabog ang kanilang kulay at ang kulay na ito ay muling nabubuo at muling babalik sa pagkaisda. Languyan pa habang naghahabulan, naglalaro, naghaharutan at nagbubundulan at sumasabog ang mga kulay. Ngunit ngayon, habang dumarami ang nagbubudulan at sumasabog ang mga kulay ay nag-iiwan na ng mga kulay sa ilog at hanggan ang ilog ay nagkulay na ng iba't iba. Magpangalan ka ng kulay na nalalaman mo, tiyak mayroon ito.
At ang ilog na ito ay gumawa ng mga patak—hindi ulan, patak lamang. Upang ipatak sa natutuyong lupa, nauuhaw na mga puno at halaman, at naghihingalong mga damo sa kanyang paligid. At ang isang espesyal na patak para kay Bembol. Ang mga patak na iba't-ibang kulay. At ngayo'y naglalaglagang isa-isa sa kanyang mag paa, binti, hita, katawan, kamay, braso, dibdib, mukha at ulo. Ang iba't ibang kulay ng mga patak ay naghalo na sa kanyang buong katawan at mukha. Sinubukan pa niyang lasahan ngunit wala... matabang.
Sa malayo ay may naririnig siyang isang tinig... munting tinig. Tinatawag ang kayang pangalan. Manipis ang tinig sa una ngunit lumalakas na na tila papalapit ang may-ari ng tinig. Kaunti pa ay tila katabi na niya ang tinig. At saka narinig niya nang malinaw ang kanyang pangalan na nakatapat sa isang tainga.
"Bembol!" malakas ngunit sapat lang sa pandinig. "Bembol!"
"Bembol!"
Napabalikwas si Bembol mula sa kanyang kinauupuan at sa pagkakasandal sa katawan ng puno ng langka. Pagkadilat niya, ang akala niya ay kung nasaan na siya dahil madilim ang paligid maliban sa mga maliliit na liwanag ng ilaw.
"Ano, Bembol?" sabi ni Eddie. "Ayos ka lang?"
Tiningnan niya ang kumakausap sa kanya at saka naalala kung nasaan siya. Naramdaman niyang basang basa ang mukha at dibdib. Napansin niyang tangan ni Eddie ang isang tabong tubig at isang labakara. Ngayon ay alam na niya. Nakalampas na naman siya ng kanyang limitasyon ng paglilibang o paglalakbay. Nang damputin niya ang kanyang backpack ay napansin niya ang gintong singsing sa kanyang kaliwang hinliliit. Huwag mong huhubarin ang singsing, kahit anong mangyari.
Pagkalipas ng mahigit isang linggo ay naglakabay uli siya sa isang lugar na kung tawagin Agos River. Dito sila muling nagkita ni Grace.
BINABASA MO ANG
PANGAKO NG SINGSING
Mystery / ThrillerTatlong sumpa ng hindi mangingibig. Nagkrus ang daan sa isang di inaasahang malagim na sitwasyon. Sangkot ang dalawang pulis, tatlong sanggano, at isang inosente. Saksi ang isang ilog. Saksi rin ang pangako ng singsing. ITO PO AY HINDI PA NAREBISAH...