SINAMPAL NI EDDIE ang isang lalaking nakabarong tagalog na nakatali sa isang puting silyang bakal na disenyong dekada setenta. Ang mukha nitong higit kuwareta anyos ay duguan mula sa kanang kilay at kaliwang bahagi ng mga labi. Ang kanang mata ay kulay ube na, namamaga na't hirap makadilat. At ang barong niya ay duguan na rin sa talsik at tulo mula sa mukha niya. Kaninang umaga ay dinukot nila ito at kaagad dinala rito sa bahay ni Oscar.
"Kung hindi ka magsasalita siguradong tsugi ka ngayon!" At isang sampal pa gamit ang likod ng kamay na dumapo sa kanang pisngi ng lalaking nakabarong tagalog. "Hindi ka na sisikatan ng araw," sabi pa niya na nag-ala-Pando ang porma at boses, saka sinuntok ng sunud-sunod sa katawan ang lalaking naka-barong tagalog at saka pinompiyang ang dalawang tainga nito sa pamamagitan ng kanyang dalawang palad.
Tumawa nang malakas si Oscar.
"Dapat ka ng kalusin!" Isa pang akto at pormang Pando at isa pang pompiyang.
Mas malakas ang tawa ni Oscar ngayon.
Nagsimulang kumanta ni Eddie na tungkol sa pitong gatang, habang sumasayaw na paikot sa nakaupong lalaking nakabarong tagalog. Ang sayaw ni Eddie ay nakataas ang dalawang kamay na kahawig sa Pearly Shell. Pagkatapat sa likuran nito ay tapos na rin ang inikliang kanta na ang panghuli ay tungkol sa walang labis, walang kulang at saka muling pinompiyang ang dalawang tainga nito.
Ito na ang pinakamalakas na tawa ni Oscar. Namimilipit pa sa kinauupuang puting sopa na yari sa bakal na disenyong dekada setenta, habang hawak ang tiyan. Ang pakiramdam niya ay tumutulo ang kanyang luha sa katatawa ngunit wala naman at tuyung-tuyo ito pati kanyang bunganga dahil nakahithit ng tuyong damo. Kahit anong lakas ng tawa ni Oscar ay hindi maririnig dahil mas malakas ang patugtog nila ng dvd player. Bago sila magsimula ng interogasyon ay isinalang na nila ang mtv ng Metallica at siyempre, kasama ang telebisyong nakabukas din. Sa kaliwang dulo nitong puting sopa ay nakaupo si Bembol, nanonood lang sa ginagawa ni Eddie at nangingiti sa inaarte nito.
Tiningnan ni Bembol ang gintong singsing sa kanyang hinliliit at naalala si Grace.
Huwag mong huhubarin ang singsing, kahit anong mangyari.
"Ano pa kailangan n'yo sa 'kin? Pinagtapat ko na lahat gusto n'yong malaman, a. Pakawalan n'yo na 'ko," sabi ng lalaking nakabarong tagalog, nagpupumiglas sa pagkakatali sa silyang puti.
"Nasaan si Alex Pelayo?" tanong ni Eddie, nagsindi ng rinolyong tuyong damo at ipinasa kay Oscar na namimilipit pa rin sa katatawa ngunit kaunti na lang ang tunog ng tawa.
"Sinabi ko na sa inyo kanina pa, hindi ko alam kung saan dinala ng parents n'ya. Ba't 'di n'yo tanungin ang parents n'ya."
Kinutusan siya ni Eddie, malutong ang tunog. Kumuha ng isang silyang plastik, ipinuwesto malapit sa lalaking nakabarong tagalog. "Parang inuutusan mo na kami n'yan, a." Isang kutos pa, malutong uli.
Ipinasa ni Oscar ang tsongke kay Bembol na kinuha naman, hinithit at ipinasa kay Eddie. "Alam mo attorney, alam na alam namin ang karakas mo," sabi ni Oscar, umayos nang pagkakaupo, humupa na ang pagtawa. Ang tinutugtog naman ng Metallica ang Wherever I May Roam na sinasabayan niya ng pagtango-tango at pagtapik sa kanyang hita.
"Abogado ka ba talaga o abogago?" tanong ni Eddie. Natawa si Oscar. "Nasaan si Alex Pelayo?" Inubos ang tsongke at kinain pa ang kapirasong natira.
BINABASA MO ANG
PANGAKO NG SINGSING
Mystery / ThrillerTatlong sumpa ng hindi mangingibig. Nagkrus ang daan sa isang di inaasahang malagim na sitwasyon. Sangkot ang dalawang pulis, tatlong sanggano, at isang inosente. Saksi ang isang ilog. Saksi rin ang pangako ng singsing. ITO PO AY HINDI PA NAREBISAH...