ANG NAKAGIGIMBAL NA susunod na mga mangyayari ay nasa tatlong sitwasyon.
Ang ilog na tinutukoy ay ang Agos River na dinatnan ng limang magkakaibigan kung saan ay maliligo sila rito.
Pagkatapos ng mahabang lakbayin ay nakarating na sila sa wakas sa ilog na kilala kung hindi man sikat na tourist spot dito sa Bayan ng Tanay sa Lalawigan ng Rizal. Subalit kung titingnan sa mapa, ito ay nasasakop sa hurisdiksiyon ng Lalawigan ng Quezon. Datapwat hindi nabibigyan ng atensiyon ng taga-Quezon kaya ang mga taga-Daraitan ang nag-aasikaso rito katulad ng pagbabantay sa mga turista at pagmimintina ng kalinisan at kaayusan ng Agos River.
Ang tubig mismo ay hanggang dibdib o leeg ng pangkaraniwang taas ng tao, ang lalim nito sa normal na panahon. Ang lapad ng ilog ay lima o anim na metro o kung minsa'y nasa dalawang metro lamang, depende sa bahagi ng ilog dahil ito ay mahaba. Ang haba ng ilog ay mula sa hilaga ng Quezon hanggang Daraitan, Tanay na may pasikot-sikot habang paiba-iba ang lapad at lalim nito. Ang magkabila ng ilog na ito ay may mga batong puti na simputi ng tisa na panulat sa pisara, subalit matigas na gaya ng pangkaraniwang bato. Minsa'y may mababanaag na mga guhit na manipis na kulay pula, dilaw, asul at abuhin na gaya ng sa marmol. Subalit sa pinuntahan mismo ng magkakaibigan ay isang bahagi ng ilog na ito na madalas pagpaliguan dahil sa kaaya-aya't nakaaakit na lugar. Ang magkabilang gilid ng ilog ay tila binakuran ng mga mataas na haliging bato.
Sa isang panig, (hindi sa panig ng malaking batong pinagdausdusan nila) ay nakatindig ang mga malalapad at matuwid na mga batong puti ngunit sa ibang bahagi ay mapula. Ang buong katawan nito ay may mga maninipis na guhit mula sa itaas paibaba, na mga kulay dilaw, asul, abuhin, at berde kung minsan. Sa ibabaw ng haliging bato na ito ay mayabong ang mga halaman at puno. Sa ibaba nama'y may isang ukab na singsukat ng pangkaraniwang kama, na dito ay maaaring maglatag ng banig at makapagpahinga. Sa isang panig pa ng haliging bato na ito ay may isang bukal na tubig na kung tawagin nila ay natural mineral water, na kung saan ay maaaring sumalok ang sinuman.
Sa panig naman ng malaking batong puti na pinagdausdusan nila ay mayroon ding haliging bato na mataas, na kasintulad ng hitsura sa kabila. Ang itaas nito ay may mga puno at halaman din na kanilang dinaanan kanina bago ang malaking batong puti. Ang pagkakaiba lamang ay mayroon itong buhangin na may limang metro ang layo sa tubig, kung saan ay nagiging himpilan ng mga turistang maliligo. Dito rin ang lugar na maaaring magsikain lamang. At dito pumili ng isang lugar si Pedring upang kanilang maging pansamantalang puwesto. Inilapag nila ang mga bag nila. Si Pedring ay naglatag ng isang makapal na kumot upang doon isagawa ang pag-aayos ng kanilang kakainin ngunit ipinaupo muna niya si Ma. Anna.
Tinanong ni Federico si Ma. Anna kung ayos lang.
Tumango lamang, umayos ng pagkakaupo at sumandal sa haliging bato. Hindi na rin tinanong kung nais maligo dahil napansin niyang masakit ang tiyan dulot ng pagkakadausdos kanina.
Ang araw na nasa ikadalawa ng hapon ay mainit subalit hindi makapapaso dahil sa lilim na dulot ng haliging bato sa panig na ito at ang mga punong nakapaligid. May paminsang hangin na umiihip sapat na magpalamig ng katawan kung aahon mula sa tubig. May ilan ng mga turistang nanggaling sa karatig-bayan at ang iba ay halatang mga taga-Maynila dahil sa kasabikan ng ganitong uri ng paliguan—natural at kaaya-ayang ilog. Ang mga tanod na tour guide din ay matamang nagmamatyag din sa mga nakatokaang mga turista.
"Bakit hindi muna kayo maligo habang inaayos ko ang tanghalian natin?" alok ni Pedring sa mga kaibigan na sumunod naman ang mga ito.
BINABASA MO ANG
PANGAKO NG SINGSING
Mystery / ThrillerTatlong sumpa ng hindi mangingibig. Nagkrus ang daan sa isang di inaasahang malagim na sitwasyon. Sangkot ang dalawang pulis, tatlong sanggano, at isang inosente. Saksi ang isang ilog. Saksi rin ang pangako ng singsing. ITO PO AY HINDI PA NAREBISAH...