SA ISANG SILID, sa isang kama ng Tanay General Hospital ay nakahiga si Lemery. May mga kableng nakadikit sa dibdib, tubo ng suwero sa isang kamay, tubo ng oxygen sa ilong, at siya ay nakakumot hanggang tiyan. Sa isang panig ng kama, malapit sa uluhan, nakatindig ang mga monitor na nakakonekta ang mga kable sa katawan ni Lemery. Sa kabilang panig ay nakaupo sa isang silya si Amelia, tangan ang libreng kamay ng nobyo. Sa isang kamay ni Amelia, sa kaliwang palasingsingan ay suot ang argolya na diyamante na ang tawag ay Promesa.
Ang saksak na tinamo ni Lemery sa tiyan ay hindi malalim at maswerteng hindi nasugatan ang alinmang bituka. Ang punglo sa kanang dibdib ay tumama sa buto at hindi rin napinsala ang kanyang baga. Naging matagumpay ang kanyang operasyon at ligtas na si Lemery. Nangangailangan lamang ng sapat na panahon sa pagpapahilom ng mga itinahing sugat. Sa ilang oras na operasyon kagabi ay hindi sigurado kung magigising na siya ngayong umaga.
Gumising ka na sana, Lemery, gusto na kitang makausap, sa isip ni Amelia. Nakaupo sa silya, ang kanang pisngi niya ay nakahimlay sa kanyang kanang kamay na nakapatong sa gilid ng kama. Gusto kong itanong sa iyo kung kailan tayo magpapakasal. Kailan tayo pupunta ng Palawan. Kung doon ang honeymoon natin, payag ako. Gumising ka na. Ito ang ilang ulit na umiikot sa kanyang isipan mula pa kagabi nang ilang oras sa loob ng operating room, ngunit naghihintay pa rin na magising ang...
"Mi-Miam..." mahinang bulong ni Lemery, kasabay ang marahang pisil ng kamay sa kamay ni Amelia.
Napaangat ng ulo, napatayo si Amelia sa narinig. Naupo sa gilid ng kama, yumuko upang mailapit ang kaliwang tainga sa bibig ng nobyo, samantalang nakahawak pa rin ang kaliwang kamay na may singsing sa kaliwang kamay ng nobyo. "Lemery... adobo ko."
"Mi-Miami koh," mahina at ngarag ang tinig, ngunit para kay Amelia sapat na ito marinig lamang ang nobyo. "We-Wearing... ring?"
Itinaas ni Amelia ang kamay niya na hawak pa rin ang kamay ng nobyo, ipakitang suot niya ang singsing. Pagkaangat ng kanilang mga kamay ay kuminang ang diyamante—nanghiram ng liwanang ng pang-umagang araw na sumilip sa bintanang nasa gawing kanan ni Amelia—munting sinag na salasalabat na lumapat sa kanilang mga mukha. Hindi man nakasisilaw ngunit...
"Mi-Miami, t-totoo sumpa ng singsing. Mabubuhay ako para sa iyo. Tinulungan tayo ng singsing. Totoo ang pangako ng singsing..."
"Don't talk too much. Just take a rest." Hindi maunawaan ni Amelia kung ano ang sinasabi ng nobyo, kaya niyakap na lamang niya ito. Ang kanyang kamay na may singsing na diyamanteng Promesa ay nasa kanang balikat ni Lemery. Hinalikan ni Amelia ang mga tuyong labi ng nobyo at saka sila nagtitigan na malapit ang mukha sa isa't isa. Waring nag-uusap ang mga mata samantalang ang mga salasalabat na kinang ng Promesa ay umiikot nang napakamarahan na lumalapat sa kanilang mga mukha.
Sa kabilang silid ay nagising si Ma. Anna. Iginala niya ang mata sa paligid. Sa kanyang kaliwa ay ang bintanang nakahawi nang bahagya ang kurtina. Sa kanyang kanan ay ang mesitang may isang bungkos na bulaklak sa isang mataas na basong may tubig, sa ibaba nito ay may ilang pirasong prutas. Katabi ng ng mga prutas ay may isang sobreng puti na nakasulat ang Ma. Anna Camino at sa ibabaw nito ay may isang munting kahong itim. Dinampot niya ang dalawang ito.
Sa tingin pa lamang ay masisiguro na ni Ma. Anna na singsing ang laman nitong munting kahong itim. Ito ang ipasusuot sa kanya sa araw ng kasal? Sa kasal na binanggit minsan sa kanya ni Pedring? Paano pa mangyayari ang kasalan kung wala na siya?
Dinampot ni Ma. Anna ang munting kahong itim at iniangat niya ang ibabaw nito... dahan-dahan, sumilay sa kanya ang singsing na nakaupo sa loob nito. Ginto ang argolya, ang ibabaw ay pulang rubi. Mula sa sinag ng pang-umagang araw ay sumilip sa bintana sa gawing kaliwa ng silid na ito at tumama sa pulang rubi. Kuminang ang rubi na pula rin ang ibinigay sa kanyang mukha. Sa isang mata niya ay lumabas ang isang munting luha na tinamaan din ng kinang na pula. Walang atubili, inilapag ang sobre sa kanyang kandungan, kinuha kaagad niya ang singsing at isinuot sa kaliwang palasingsingan. Ngayong suot niya ay tumatama pa rin ang sinag ng araw mula sa bintana kaya patuloy rin ang pulang sinag sa kanyang muka, leeg, at dibdib. Kinuha ang sobreng nakalapag sa mesita at saka binuksan.
Ang laman ng sobre ay hindi talaga isang sulat. Isang pirasong papel na may nakasulat na isang tula. Ang tula ay sinimulang isulat ni Pedring nitong nakaraang linggo at natapos nitong gabi bago mangyari ang insidente sa Agos River. Binasa ni Ma. Anna ang tula.
Habang binabasa niya ito ay may panibagong tumutulong luha na nagkukulay pula sanhi ng pagtama ng sinag ng pulang rubi. Marahan ang pagbabasa niya. Sa talambuhay niya ay hindi siya nakatanggap ng anumang tula. Lalo namang ganitong uri ng tula na ang lumikha mismo ay nagawan niya ng kasalanan—isang malaki at nakahihiyang kasalanan. Ang bawat salita sa tulang ito ay lumalagos pa sa kanyang kalooban. Ramdam ang bawat hagkis ng salita, bagaman nakalimbag sa papel, ay lalong nanlulumo sa panghihinayang dahil hindi man lang siya nakahingi ng tawad. Dapat ay nasabi na niya noong kahapong naglalakad sila sa tabi ng Agos River. Nang matapos na niyang mabasa ay inulit niyang muli sa umpisa. Nais pa niyang damhin ang katapatan ng...
"Ma. Anna," ang sabi ng tinig na nagmumula sa pintuan ng silid-ospital na ito.
Napaangat siya ng ulo. Nang masino ang tumawag ay biglang umigkas ang dalawang braso na nananabik sa mainit na mga yakap. "Ferdie... Ferdie. My Ferdi," tawag niya.
Lumapit si Pedring. Mayroong siyang kapirasong benda sa leeg sanhi ng manipis na hiwa ng pekeng kutsilyo na itinutok sa kanya kahapon sa gitna ng ilog.
Niyakap ni Pedring si Ma. Anna. "Tumigil ka na ng iyak mo. Narito na ako."
"Patawarin mo ako sa nagawa kong kasalanan sa iyo. Pangako kong hindi na mauulit. Pangako kong ikaw lang ang mamahalin ko mula ngayon hanggang kahit kailan. Pangako ko sa iyo 'yan, Ferdie. This, I promise to you with all my heart, my Ferdie." Yakap ang nobyo, mukha niya'y nasa leeg ng nito. Ang tula ay nasa isang kamay at nasa kabila ang singsing na patuloy pa rin ang pulang kinang."Shh. Alam ko na ang lahat. Naipagtapat na sa akin. Wala kang aalalahanin pa. Anuman iyon, kalimutan mo na. Narito ako para sa iyo," sagot ni Pedring.
"Salamat sa poem. Nagandahan ako. Naramdaman kita."
"Ang laman ng tula ko'y kapiraso lang ng puso ko. Pero, ngayon buong puso ko ay maaari mo na ring maangkin. Mahal kita, Ma. Anna. Mahal na mahal kita, irog ko."
"No. I love you more. And more that I will love you for the rest of my life. That my life is worthless to live without you, my Ferdie. I love you more, my Ferdie."
"Huwag mong huhubarin ang singsing. Totoo ang sumpa ng... Totoo ang pangako ng singsing."
"Whatever you say, my Ferdie. Whatever you say. Oo, irog din kita."
At nagyakapan pa sila ng ilang sandali. Lumuha pa si Ma. Anna ng luhang sanhi ng kagalakan. At si Pedring ay kumawala na rin ang isang patak ng luha. At ang pulang sinag ay umiikot pa rin ngunit sa buong silid na ito. Maninipis datapuwat halatang pula ang kinang na naglalaro sa puting kesame, sa buong apat na puting dingding, sa puting kumot, sa buong paligid pa nitong silid-ospital, at sa kanilang dalawa. At sa kanilang dalawa lamang.
W A K A S
BINABASA MO ANG
PANGAKO NG SINGSING
Mystery / ThrillerTatlong sumpa ng hindi mangingibig. Nagkrus ang daan sa isang di inaasahang malagim na sitwasyon. Sangkot ang dalawang pulis, tatlong sanggano, at isang inosente. Saksi ang isang ilog. Saksi rin ang pangako ng singsing. ITO PO AY HINDI PA NAREBISAH...