17 - IKALAWANG SITWASYON

115 7 2
                                    


NANG HINDI NA masundan ng tatlong sanggano ang dalawang pulis, minabuti nilang huminto muna sa mga batuhang di kalayuan sa malaking batong puti na padausdusan at sa ilog. Dito ay nagsindi ng kanilang tuyong damo. Mabilis at maingat ang kanilang paghithit upang hindi mapansin. Ilang minuto ang lumipas... at halos isang oras ay saka nila narinig ang tinig ng mga bagong dating. Bagaman hindi sila sigurado kung isa sa mga ito ang hinahanap nilang testigo, malakas ang kutob ni Bembol dahil alam niya ang buong pangalan ng taong ito na kumampi sa Alex na yaon. Hindi na sila nagkaroon pa ng interes kay Alex dahil baka makasagupa pa nila ang dalawang pulis na yaon. Binuksan ni Bembol ang bag ni Alex, kinuha ang mga maskara, isinuot nila—maskarang kalahating mukha lang ang matatakpan na ito ay kanang bahagi na gaya ng sa Phantom of the Opera. Kinuha rin ni Bembol ang kutsilyong peke ngunit makapanininlang din naman kaya magagamit niya ito. Nang handa na sila ay saka pumunta na ang tatlo sa puwesto ng mga bagong dating sa pampang nitong ilog.

          Pagkababa nila ay mabilis na dinikitan ni Bembol ang isang lalaki na kinukutuban niyang ito nga.

          Pumwesto si Bembol sa likod ng lalaki at nagtanong ng, "Ikaw ba si Federico Salvador?"

          "Oo, bakit," sagot niya, habang papaharap sa nagtanong ngunit hindi na nagawa dahil niyakap na siya ng nagtanong.

          "Huwag kang magkakamali, laslas ang lalamunan mo," sabi ni Bembol na may mariing boses upang ipakilalang nasa kanya ang awtorisasyon. Ang kaliwang kamay niya na may hawak ng kutsilyong peke ay nakatutok sa gitnang bahagi ng leeg ni Federico, samantalang ang kanang kamay ni Bembol ay hawak ang kanyang rebolber at itinutok ang nguso nito sa kanang sintido ni Federico. At saka umatras si Bembol, yakap si Fedrico, papuntang ilog.

          Mula sa pagbabasa ni Ma. Anna ay napatingala siya at madaling tumayo habang sinasabing, "Sino ka? Anong gagawin mo sa kanya? Ferdie..." napasapo siya sa kanyang puson at napasandal sa haliging bato.

          "Hoy, sandali. Sino ka? Bakit mo ginagawa 'yan?" usisa ni Mang Domeng, tumayo.

          Sa likuran ng tanod na ito ay may sumulpot na dalawang lalaki na mayroon ding kalahating maskarang puti, may hawak na mga kalibreng baril, at isa sa kanila'y may hawak pang granada.

          "Walang makikialam! Todas ang makikialam!" sigaw ni Oscar, papunta sa ilog na nakatutok sa mga tao ang kanyang kalibre at nakataas ang granada. Gayon din ang sigaw ni Eddie at papunta rin ng ilog na halos magkakasabay silang apat kasama si Pedring.

          Ang mga naliligo ay nagsigawan lalo na ang mga kababaihan. Ang mga tanod na tour guide ay wala ring magawa kundi sumunod—wala silang armas laban sa tatlong lalaki na ito lalo na mayroong hostage. At isa lang ang maaaring makakilos sa kanila upang makahingi ng tulong sa barangay ito ay si Mang Domeng dahil mayroon siyang radyo na pantawag.

          "Lahat kayo, doon sa pampang! Bilis!" utos ni Oscar sa lahat habang nasa ilog na siya ngunit malapit pa rin sa pampang. Si Eddie ay nasa harapan ni Pedring, tinututukan ng kanyang kalibre ang mga naglalakad sa ilog, na nagmamadaling makaahon, kasama rito sina Lemery, Amelia at Norma.

          Huminto si Bembol sa pag-atras, may ilang dipa mula sa haliging bato sa kanyang likuran, dinig niya ang ligasgas ng munting bukal ng tubig sa ilalim ng batong ito. Tinantiya niya ang lahat ng mga tao na nasa pampang siguro'y wala pa sa tatlumpu kasama ang mga tanod at sa... "Hoy, Tatang! Bitawan mo 'yang radyo mo. Ihagis mo sa ilog. Bilis!" Utos ni Eddie.

          Nagulat si Mang Domeng. Nahugot niya kanina sa kanyang tagiliran ang radyo ngunit hindi nagawang matawagan ang kapitan ng Daraitan, inihagis ang radyo sa tubig.

PANGAKO NG SINGSINGTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon