09 - SI ALEX PELAYO

96 10 4
                                    


TUWING ARAW NG ng linggo at dalaw Rito sa kulungan ay nalulungkot si Alex Pelayo na natutuwa rin sa parehong pagkakataon. Nalulungkot siya dahil hindi niya makikita ang magulang. Bihira dumalaw ang mga ito sa kanya dahil inaasikaso, ang wika, ang kanilang maliit na pinagkakakitaang puwestong manukan sa palengke ng Angono. Kailangan kasi ng pandagdag sa mga gastusin sa kasong nilalakad lalo na sa abogado, minsan pang sumagi sa kanyang alaala. Ang isang matiyaga sa pagdalaw tuwing linggo ay ang kaibigan na si Pedring.

          Nagkakilala sila ni Pedring noong mga bata pa sila (tila walong taon sila noon, ayon sa natatandaan ni Alex) noong minsang nagbakasyon siya sa tiya Clarita sa Tanay. Kapitbahay nila siya, naging kalaro, kasamang naliligo sa ilog, at nagkapalagayan ng loob. At naging matalik na magkaibigan. Kahit nang mag-Saudi si Pedring ay mayroon pa rin silang komunikasyon. Isang pagkakataong umuwi ng Pilipinas si Pedring upang magbakasyon, ay halos araw-araw pa silang magkasama. At ngayong araw ng linggo at dadalaw muli ang kaibigan.

          Sa isang silid na may ilang mga mesa't upuan ay naroon ang mga dumadalaw sa mga preso. Naroon na rin si Pedring, katulad palagi, may hatid na pagkain at balita. Maraming ibinabalita si Pedring sa kanya at marami ring ikinukuwento samantalang si Alex ay nakikinig lamang. Sa mga kuwento at balita ay hindi masyadaong nasisiyahan si Alex maliban sa dalawang balita: Na makalalaya na siya at balak ng mag-asawa ni Pedring.

          "Ha?! Ikaw? Kailan mo pa naiisip 'yan?" usisa ni Alex, nabigla sa mga salitang kakaiba sa pandinig.

          "Naiisip ko nga kasi tutal mabait naman siya tsaka marunong umunawa," sagot ni Pedring. "Kunin kitang bestman."

          "Ha?! Ako pa kukunin mo'ng bestman? Nakakulong pa ako." Tumawa si Alex na gaya ng nakaiinsulto dahilan upang matawa rin si Pedring.

          "Seryoso ako sa kanya." Inilabas ang pitaka, binuklat, at isang larawan ang bumungad. Silang dalawa ni Ma. Anna, nakaupo sa isang sopa.

          "Klasik ka talaga, ha. Nauso na ang picture sa smart phone, pero ikaw nagpapa-print ka pa tsaka isasaksak sa wallet mo." Sabay tawa.

          Tiniklop niya ang pitaka at ibinulsa ito. "Bukas na uli ang huling araw ng pagdinig sa kaso o baka bukas na malalaman ang kung..." Hindi na itinuloy ni Pedring. Alam niya na kapag nahatulan ito ng guilty ay ililipat siya sa Bilibid at doon na siya maghihintay ng petsa ng pagbitay. "Pero, huwag kang mawalan ng pag-asa. Nakailang upo na ako sa testigo. Palagay ko ay maniniwala sa atin ang hurado at ang huwes. At saka mahusay ang abogado nakuha ng magulang mo, si Atty. Delos Santos, mahal nga lang ang bayad. Pero, magaling naman."

       "Kung sakali, ikaw na bahala sa mga magulang ko," sabi ni Alex. Ramdam niya na matatalo sila sa kaso. Nasasaksihan niya kung paano kalakas ang mga ebidensiya laban sa kanya dahil lagi siyang presente sa bawat pagdinig.

          "Huwag kang magsalita ng ganyan. May awa ang Diyos."

          Tiningnan niya nang taimtim si Pedring. Naramdaman niyang muli ang pagiging tunay na kaibigan. "Alam mo, hindi mo naman kailangang tumestigo, e. Malayo ka sa pinangyarihan at wala ka roon sa mga lugar na binanggit mo sa korte. At tsaka nasa shop ka buong araw na 'yon at doon ka pa natulog," pabulong ni Alex. Maingat, baka may makarinig at mayroong pang dalawang cctv nakakabit sa mga sulok ng silid na ito.

          "Huwag mong intindihin 'yun. Basta maghanda ka na lang bukas. Manalangin ka mamaya bago ka matulog. At manalig kang papanigan tayo ng batas. May awa ang Diyos," sagot ni Pedring sa normal na boses na tila ipinapadinig pang normal ang paksang pinag-uusapan nilang dalawa.

          Nangiti si Alex sa mga narinig. "Salamat, pare." Kinamayan ang kaibigan. "Patingin nga uli ng picture ng sinisinta mo? Ginawan mo na ba siya ng tula mo? Ibinigay mo na?"

          "Hindi pa, pero igagawa ko siya ng tula," sagot ni Pedring habang iniaabot niya ang pitaka kay Alex.

          "Pwede mong i-recite yun sa kasal n'yo."

          "Gagawa rin ako ng mga salitang ibibigkas ko sa kasal namin."

          "Talagang buong-buo na ang desisyon mo." Nangiti si Alex.

          "Buo at sigurado na ako." Gumanti ng ngiti sa kaibigan.

          "Ngayon pa lang," sabi ni Alex, habang iniabot ang isang kamay sa ibabaw ng mesa. "Congratulations!" At saka sila nagtawanan. Bagaman hindi malakas ngunit nakakuha ng pansin sa ilang mga tao sa loob ng silid-dalawan.

          At pinag-usapan pa nila ang tungkol sa kasal at ang sa huling pagdinig bukas at ang tungkol kay Ma. Anna at sa iba pang bagay. Ang hindi nila pinag-uusapan ay ang tungkol sa tunay na nangyari kung bakit siya nakulong. Minsan lang ikinuwento ni Alex kay Pedring noong ikalawang pagdalaw nito sa kanya dahil solong nagpunta rito sa kulungan at iyon ang araw na sinabi sa kanyang tetestigo siya upang makatulong sa pagpapalaya sa kanya.


          Ang gabi bago mapawalang bisa ang kaso ni Alex ay hindi siya makatulog. Naiisip ang tunay na pangyayari sa insidenteng yaon. Bagaman mahigit walong buwan na ang nakalipas ay sariwang-sariwa pa rin sa kanyang alaala ang lahat at bawat detalye ng pangyayaring yaon. Kung tutuusin ay siya dapat ang maging saksi sa pangyayaring yaon at hindi akusado.

          Umaayos siya ng pagkakaunat sa higaang yari sa bakal. Sinapinan ng makapal na karton at kumot, inilagay ang magkasalikop na kamay sa ilalim ng kanyang ulo at saka pumikit. Pinipilit niya ng makatulog sa kabila ng mga hilik ng ibang kasama niya sa seldang ito. Pinilipit pa niyang ipikit ang mga mata.


          Naglalakad na si Alex isang hapon sa P. Bonifacio St. papalabas ng Tuazon Avenue ng Lungsod ng Malabon. Galing siya sa bahay ng kaibigan ng tatay niya sa Mango Road upang maghatid ng ilang katay na manok at perang pambayad nang biglang may tumakip sa kanyang ilong ng isang makapal na panyo at nawalan ng malay. Paggising niya ay madaling-araw na, nasa isang sementeryo, may katabing dalawang bangkay ng matandang duguan dulot ng tama ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan. Maraming taong nakapaligid sa kanila, may mga barangay tanod, at apat na unipormadong pulis na nakatutok ang mga baril sa kanya. Tiningnan niya ang kanyang kamay: Duguan at may hawak na baril.


          Kinabukasan, pinalad na mapawalang-bisa ang kaso laban kay Alex. Pagkalipas ng ilang linggo ay tuluyan na siyang nakalaya. Minabuti ng kanyang magulang na manirahan muna sa Tiya Clarita sa Daraitan hangga't hindi nahuhuli ang tunay na salarin. Isang paraan na rin upang makasama niya ang kaibigang si Pedring.


          Sa isang katulad ni Pedring ay hindi dapat lokohin. Kaya, naisipan niyang usisain ang babaeng ito sa tulong ng pinsan ni Pedring na si Norma at ang babaeng nagngangalang Amelia Pineda.

          Bukod sa isang practical jokes na naisip niya na isang hostage-taking na gaganapin sa loob ng bahay ng Tita Clarita, upang mailinaw kung ano ang totoong damdamin nitong Ma. Anna para kay Pedring, nais niyang malaman kung totoong mahal nito ang kaibigan. Nitong nakaraang ilang linggo ay nais magduda ni Alex tungkol kay Ma. Anna.

          Hindi na niya kailangang pilitin pa si Norma na tulungan siya sa kanyang plano at balakin dahil susunod ito sapagkat may lihim na pagtingin ito sa binata noon pa. Nakitulog ng ilang gabi sa kanila habang isinasagawa ang plano. Pagkalipas ng ilang araw ay nakausap niya nang masinsinan si Amelia at inamin din ang lahat ng nalalaman niya tungkol kay Ma. Anna.

          Sa karamihang nalaman ni Alex tungkol kay Ma. Anna Camino na ipinagtapat ni Amelia sa kanya, ay isang bagay ang nagpabara sa kanilang pag-uusap at nagmarka sa kanyang isipan. Ayaw pa niyang maniwala noong una, humingi siya ng isa pang katibayan. Mga litrato ang ipinakita sa kanya ni Amelia. Lalo na ang isang litrato ng isang guwapo at bakas ang pagiging matalino at mayaman sa mukha nito. Mga katibayan na si Ma. Anna Camino ay buntis sa lalaking ito.


PANGAKO NG SINGSINGTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon