NGAYONG BAKASYON LANG. Ngayong bakasyon lang naman. Ito ang paulit-ulit na umuukilkil sa isipan ni Ma. Anna Camino.
Para ano pa? Para saan pa? Para maduktungan ang paghihirap ko? Sarili niyang palusot sa sariling isipan. Minasdan ang repleksiyon sa kaharap na salamin nitong banyo. Sa hitsura niyang bilugan ang mukha, maliit na mga mata at tamang sukat na mga labi ay walang magkakagusto sa kanya na isang guwapo at mayaman at matalino na gaya ng kanyang ipinapantasyang magkatotoo isang araw. Ang kanyang tuwid na buhok na lampas balikat ay hindi pinaaayos maliban sa paminsan-minsang pagpapaputol sa kaibigan niya ay lalong hindi makahahatak ng manliligaw. Sino nga naman ang papatol sa kanya na dalawapu't anim na taong gulang na. Lalo siyang nababahala hindi lamang dahil sa kanyang kutis na morena kundi sa pangangatawang hindi nakaaakit. Hinubad ang kamiseta, tiningnan ang katawan. Diretso mula sa ilalim ng kilikili hanggang gilid ng hita. Hindi lumubog sa baywang. Hindi gaya ng bote ng Coca Cola.
Ngayong bakasyon lang naman. Please. Ngayong bakasyon lang. Muling bumalik sa isipan niya ang mga salitang ito. Sino nga namang magnanais lumapit sa kanya na ibang lalaki upang manligaw? Hindi na maaari, sapagkat mayroon na siyang boyfriend. At ang lalaking ito ang nagungulit sa kanya na magkita sila ngayong bakasyon. Dahilan na magpaukilkil sa isipan niyang lito. Lito dahil nais na niyang makipaghiwalay rito. Nais niyang kumawala upang mayroon manligaw sa kanya ng isang guwapo at mayaman at matalino na isang araw ay sasagutin niya ng matamis na oo at makakapiling niya at magsasama sila hanggang sa magpakailan man. At ang kasunod nito ay isang malaking buntong-hininga na kasabay ang paboritong salita na Prince Charming. At kasunod ang nais matawa sa sarili dahil sa edad niyang ito ay nahihilig pa sa ganitong uri ng kaisipan. Ang katwiran niya, ang iba nga ay nahihilig pa sa koreanobela kahit lampas kuwarenta na. Kaya, hindi masama, makahiligan man niya ang pantasya.
Nakikiusap ako sa iyo, ngayong bakasyon lang. Sumagi uli ang tinig ng kanyang nobyo. Mabuti kung payagan ako ng manager na mag-leave ako. Bakit hindi na lang siya ang pumunta rito sa apartment ko? Siguro ay nagsasawa na siya. Laging katwiran na abala sa kanyang negosyo. Negosyo bang masasabi ang internet café?
Buntong-hininga at Prince Charming.
Naghilamos siya, nagsipilyo at nagsuklay, at lumabas ng banyo. Nagbihis at saka nagpulbo ng mukha. Patungo na siya ng pintuan nang mapansin ang isang aklat sa ilalim ng lampshade sa mesitang katabi ng kanyang higaan—How to Win Friends and Influence People by Dale Carnegie. Ito ay regalo sa kanya ng isang kaibigan na nakilala sa birthday party ng kanyang pinsan. Nang tanungin niya, bakit siya nireregaluhan ng libro? Gusto ko lang mag-share sa iyo ng ganitong self-help book. Walang atubili ni anumang usisa pa at tinanggap naman niya ang aklat na ito hindi dahil sa kailangan niya ito kundi ang nagbigay ay isang guwapo at mayaman at matalino. Eksakto para sa Prince Charming. Siya si Jacob Ezekiel de Luna. Pero, mas kilala siya bilang Ezy Jake at ito ay lampas treinta anyos na. Well, sa isip ni Ma. Anna, okey lang. Pwede pa rin naman siyang... buntong-hininga at Prince Charming. Dinampot niya ang aklat at saka umalis.
Kahit ngayong bakasyon lang na ito, please, Rian.
Magakatabi silang nakaupo sa isang mesa sa gawing gitna nitong malawak na fastfood ng SM Cubao. Inaya siya ni Amelia na kanyang kinakapatid. Kapuwa sila nagtatrabaho sa Organized Happyness—isang grupo na nag-aasikaso ng mga kasiyahan nais idaos ng mga kliyente.
"So, anong plano mo, ate?" tanong ni Amelia.
Sumulyap si Ma. Anna at isinara ang kanyang aklat na How To Win Friends. "Makaate ka parang ang laki ng tanda ko sa 'yo. Two years lang ang tanda ko sa iyo, a. Joke lang." Bahagyang pinisil ang pisngi ng kinakapatid.
BINABASA MO ANG
PANGAKO NG SINGSING
Mystery / ThrillerTatlong sumpa ng hindi mangingibig. Nagkrus ang daan sa isang di inaasahang malagim na sitwasyon. Sangkot ang dalawang pulis, tatlong sanggano, at isang inosente. Saksi ang isang ilog. Saksi rin ang pangako ng singsing. ITO PO AY HINDI PA NAREBISAH...