"SANDALI!" SABI NI Lemery. Mahigpit pa rin ang kapit niya kay Oscar. "Amy, halika. Kunin mo ang maliit na box sa bulsa ko, sa kanan."
Ibinilin ni Amy ang kinakapatid kay Norma. Lumapit siya kay Lemery at dinukot ang maliit na kahong itim sa bulsa ng short pants nito. Alam na ni Amy ang tungkol dito, dahil nakita na niya ito sa kanyang apartment noong bago lumipat ang nobyo sa kanyang tinitirhan. Hindi niya binuksan ang kahon. Gustuhin man niyang mayakap ang nobyo subalit hindi magawa dahil sa sitwasyong nagaganap. "Lemery..." ang tanging nasambit na lamang nito.
"Mahal kita, Amy," bulong niya habang nakamatyag sa maaaring gawin ni Kabong Pango at sa lalaking nakasuot ng kalahating maskarang puti. "Ang singsing na iyan ang magpapatunay kung gaano kita kamahal. Isuot mo iyan habang nabubuhay ka. Ipangako mong hindi mo iyan huhubarin kahit anong mangyari. Kahit anong mangyari ngayon sa mga oras na ito."
"Pero, Lemery, sabi mo hindi aalis..."
"Lumayo ka muna," sabi ni Lemery.
Sa puntong ito ay nalilito na si Eddie kung ano ang gagawin. Sapalaran na, hinugot ang shotgun na nasa bag na nakasukbit sa kanya. Mabilis niyang naiporma ito sa kanyang kanang kamay, at itinutok sa mga tao na nagsigawan naman sa takot. Ang iba'y nagtakip ng mukha o ng tainga at napayuko pa.
Nang iniwan ni Amy si Rian na nakaupo sa kumot at nakasandal sa haliging bato, inaagasan ng dugo, nakahawak sa puson, at ngayo'y nahihilo na't nakatingin sa nobyong binihag ng lalaking nakasuot ng kalahating maskarang puti. Pinilit niyang tinatawag si Pedring ngunit kinukulang na talaga ng lakas.
"Rian," sabi ni Pedring. Pinipilit niyang lingunin ang nobya sa kanyang kanan kahit nahihirapan siya sa nakatutok na rebolber sa kanang pisngi na kanina ay nasa sintido. "Rian, hintayin mo ako. Irog ko," bulong niya.
Kanina pa nag-iisip ng paraan si Pedring mula nang makita niyang inagasan ng dugo si Rian. Alam niya ang kalagyan ng nobya kaya nais niyang tulungan ito. Alam niyang buntis ito sa ibang lalaki. Alam niyang ginawa niya ito sa panahon ng kanilang relasyon. Ito ay nalaman niya kay Alex kagabi nang dumiretso ito sa Federico Internet. Ipinagtapat sa kanya ng kaibigan ang lahat, detalyado. Sinabi ni Alex ang impormasyon ay nanggaling kay Amy na ipinaimbistiga sa dating nobyong pulis na si Lemery. Sinabi pa sa kanya ni Alex na kung maaari ay makipagkalas na siya dahil niloko siya at lolokohin pa rin siya sa susunod at sa susunod pa. Huwag ng magpakamartir. Iwan na niya ito at...
Kailangan na niyang makagawa ng paraan, naaawa na siya kay Rian, ang kanyang iniirog.
Isang paraan lang ang naiisip ni Pedring: Ang makawala sa lalaking pumipigil sa kanya. Maaaring hindi siya malakas ngunit kahit makayuko lamang upang magkaroon ng pagkakataon ang pulis na kung tawagin ang sarili ay Kabong Pango, tiyak babarilin niya itong isa. Ang kalkulasyon na ito ang pinamabisang magagamit niya sa mga oras na ito. Oo, gagawin ko ito dahil gusto kong madala sa ospital si Rian. Gusto ko siyang maligtas. Dahil mahal ko pa rin siya. Mahal ko pa rin ang aking irog. Ibibigay ko pa rin ang singsing sa kanya dahil siya pa rin ang pakakasalan ko. At ipinapangako kong siya ang mamahalin kahit hindi ipangako ng singsing.
Isang desisyon lang ito. Walang subok-subok. Pagdaka'y may narinig siyang ingay mula sa malayo, sa malayong likuran niya.
Napalingon si Bembol sa direksiyon ng ingay, lumuwag ang yakap sa kanyang bihag na hindi namamalayan.
Ito na rin ang hudyat, sa tantiya ni Pedring, kaya naisagawa na ang plano. At mabilis na nagpadausdos siya mula sa kaliwang braso ni Bembol, papaluhod sa tubig, saka tuluyang dumapa sa tubig.
BINABASA MO ANG
PANGAKO NG SINGSING
Mystery / ThrillerTatlong sumpa ng hindi mangingibig. Nagkrus ang daan sa isang di inaasahang malagim na sitwasyon. Sangkot ang dalawang pulis, tatlong sanggano, at isang inosente. Saksi ang isang ilog. Saksi rin ang pangako ng singsing. ITO PO AY HINDI PA NAREBISAH...