SA ISANG SILID-OSPITAL nitong Manila East Hospital sa Taytay, itinuly si Neneng matapos ang operasyon. Pagkatapos na magpakilalasa isa't isa ang dalawang pulis-imbestigador na sina Sgt. Roberto Calim at Sgt. Pablo Sandoval at si Aling Clarita na nanay ni Neneng, ay kinausap na nila ang biktima ngunit binigyan nila ito ng isang ballppen at papel na inipit sa clipboard.
"Kilala mo ba ang mga pumasok sa bahay n'yo?" tanong ni Sgt. Roberto Calim.
Umiling si Neneng. Ang magkabilang pisngi niya ay natatapalan ng makakapal na gasa, na sa gitna nito ay namumula dahil sa bakas ng bagong dugo pagkatapos ng pagtahi kagabi.
"Ilan ang pumasok sa bahay n'yo?"
Sinulat ni Neneng na 2 sa papel.
"Lalaki, bata o matanda, hitsura?" si Pablo Sandoval naman ang nagtanong.
2 lalake pereho payat – isa puti isa kolot, ang isinulat ni Neneng sa papel.
"Matatantiya mo ilang taon na sila?" Si Pablo uli.
Tinatapik ni Neneng ang dibdib.
"Kasing-edad mo?" tanong ni Roberto.
Umiling si Neneng ngunit tinatapik pa rin ang dibdib.
"Mas matanda sa 'yo?" tanong uli ni Roberto. Muling umiling si Neneng. "Mas bata sa 'yo?"
Tumango si Neneng nang mabilis.
"Mas bata sa kanya," sabi ni Pablo at siya naman ang nagsulat sa kanyang maliit na kuwaderno. "Nakita mo anong klaseng baril ang ginamit?" tanong niya.
Itinuro ni Neneng ang baywang ni Roberto. Lahat sila ay napatingin. Hinawi ni Roberto ang kanyang dyaket at tumabad ang baril nakasukbit sa baywang niya. Hinawi rin ni Pablo ang dyaket niya at ipinakita ang baril nakasukbit sa kaliwang tagiliran kay Neneng. Umiling si Neneng at hindi inaalis ang pagturo sa baywang ni Roberto.
"Thirty eight revolver o basta anong revolver lang siguro," sabi ni Pablo habang nagsusulat sa kuwaderno niya. "Ano'ng kailangan ng dalawang lalaki na 'to? Pera? Holdap?"
Nagsulat si Neneng, si koya alix hanap nela.
Nabigla si Aling Clarita at, "Hindi," ang sambit.
"Sino 'tong Alex? Anak din n'yo?" tanong ni Pablo.
"S-Si A-Alex. Hindi ko s'ya anak. Kuya lang ang tawag n'ya. Pinsan n'ya 'yun. S'ya 'yung anak ng dalawang matanda. S'ya 'yung nakulong dahil nasangkot sa isang patayan n'ung nakaraang taon," sagot ni Aling Clarita.
Nagkatinginan ang dalawang pulis.
"'Pag 'di ka umaamin, ibabalik kita sa loob," sabi ni Pablo sa nakaupong isang lalaking payat.
"'Wag po, Tata. 'Di talaga 'ko gum'wa n'un. Lukawt lang 'ko n'un. Si Pepeng Ekis ang gum'wa n'un. Tsaka si Kabong Pango," sagot ng lalaking payat. Halata na ang parilya sa katawan sa suot na sandong nanlilimahid.
Kinutusan ni Pablo ang ulo ng lalaking payat. "'Tado ka. Mandadamay ka pa ng isang pulis. Kilala namin si Kabong Pango. Pulis-Binangonan 'yun. Malinis na parak 'yun gaya nitong pakner ko." Kinutusan uli ni Pablo ngunit mas malakas na, dinig ang lagutok ng bungo ng lalaking payat. "Si Pepeng Ekis, pwede pa 'kong maniwala. Notoryus 'yun at taga-Pasig. Nasa listahan namin 'yun. Si Kabong Pango?" Isang kutos pa na sinlakas nitong ikalawa. "Gago! Kami pa gagaguhin mo, e, nakakasama namin sa mga raid si Kabong Pango. Gago!" Kukutusan pa sana ni Pablo ngunit naawat ni Roberto.
BINABASA MO ANG
PANGAKO NG SINGSING
Misteri / ThrillerTatlong sumpa ng hindi mangingibig. Nagkrus ang daan sa isang di inaasahang malagim na sitwasyon. Sangkot ang dalawang pulis, tatlong sanggano, at isang inosente. Saksi ang isang ilog. Saksi rin ang pangako ng singsing. ITO PO AY HINDI PA NAREBISAH...