"THIRTY MINUTES NA lang magsasara na ako," sabi ni Federico. Malakas ang tinig niya ngunit hindi pasigaw, sapat lang na marinig ng ilang mga gumagamit ng kompyuter sa kanyang internet café na negosyo. Napaungol ang iba at ang iba nama'y napasambit ng "Ah", "Eh", "Teka", "Extend pa ako thirty minutes".
Ang Federico Internet na ito ay makitid ngunit pahaba. Katulad ng pangkariwang ayos, sa makabilang dingding nakahilera ang mga kompyuter. Kung ang titingnang anggulo ay mula sa puwesto ni Federico, sa kaliwang panig ay walong kompyuter samantalang sa kanang panig ay pito lamang dahil sa sebisyong pintuan. Sa bawat kompyuter, may kapirasong haligi sapat na hindi magkakitaan ng monitor ang magkakatabi at siyempre may silyang monoblock.
Ang puwesto ni Federico ay may haliging itinindig na pantay-dibdib mula sa isang hamba ng pinto padiretso hanggang kabilang dingding na kung saan ay may makitid na pintuan. Sa loob nito ay may mesang makitid para sa kanyang sariling kompyuter, printer, at telepono. Sa kanan ay may nag-iisang kabinet na maliit na yari sa kahoy. Sa likuran, sa gawing kaliwa, ay naroon ang aircon.
Mayamaya ay sinabing, "Twenty five minutes." Walang umangal sa mga iilang gumagamit ng kompyuter. Bumalik sa kanyang puwesto at naupo sa harap ng kanyang kompyuter. Binuksan ang paborito niyang website na travel and tours na nagbibigay ng diskuwento sa maagang magpareserba. Nag-iisip siya kung saan ang mas magandang puntahan sa panahon ng pulut-gata subalit hindi pa niya naipapahayag nang buo na nais niyang magpakasal na sila ng kanyang nobya.
Bahagyang tumingala at sinabing, "Twenty minutes." Walang nagreklamo."
Sa kanyang kanan ay may kabinet, binuksan niya ito. Hinila niya ang panggitnang kahon, kinuha ang isang kwadernong kulay itim, at inilapag ito sa kanyang harapan. Binuklat ang kwadernong ito at binasa ang mga nilikha niyang mga tulain. Marami na rin itong kanyang nalikha. May maiikli, mahahaba, may nakametro, ang iba'y nasa malayang taludturan. Iba-ibang konsepto na rin ang kanyang naisulat, gaya ng tungkol sa kalikasan, tungkol sa isang bagay, tungkol sa magkasintahan, at karamihan ay tungkol sa pag-ibig. Hindi ito alam ni Ma. Anna. Hindi niya ipinaaalam. Marami ng pagkakataon na nais niyang sabihin ang bagay na ito ngunit nangingimi siya dahil baka pagtawanan. Palibhasa ay tubong Maynila si Ma. Anna at siya, si Federico, ay tubong Daraitan, Tanay. Isang probinsiyanong mahilig sa mga tula. Sumandal siya sa kanyang upuan at sinabing, "Fifteen minutes." May isang kabataan, tumayo at nagbayad ng renta.
Itinuloy ni Federico ang isang tula na kailangan pa ng isang saknong at kaunting repaso. Nang matapos niya ang tula ay tumindig, tiningnan ang wall clock na nakasabit sa dingding sa kabilang panig mula sa kanya, 9:58, ang sabi nito. At mula sa ibaba ng wall clock na ito ay may isang gumagamit ng kompyuter na ito ay itinaas ang isang kamay at saka ikinaway. Ito yaong nagsabi ng 'mag-extend pa ng thirty minutes' kanina.
"Patayin mo na 'yan," sabi ni Federico sa tamang lakas ng boses.
Tumayo ang lalaking nasa ibaba ng wall clock, lumapit sa puwesto ni Federico. Dumikit sa dingding at sinabing, "Kumusta na ang kaibigan kong makata?" tanong ni Alex Pelayo.
Ngiti ang iginanti ni Federico. Isinara ang itim na kwaderno, ibinalik sa kabinet at saka kinandadong muli ito. "Nangungumusta ka pa, kanina ka pa riyan?"
"Sinabi mo na ba sa kanya?" tanong ni Alex kaysa sumagot.
Tinitigan ni Federico si Alex. Kaibigan niya ito. Kababata niya rin ito ngunit tila tumanda ng ilang taon ang hitsura dahil nakulong sa Caloocan City Jail nang may sampung buwan. Umiling si Federico. "Nahihiya ako."
BINABASA MO ANG
PANGAKO NG SINGSING
Mystery / ThrillerTatlong sumpa ng hindi mangingibig. Nagkrus ang daan sa isang di inaasahang malagim na sitwasyon. Sangkot ang dalawang pulis, tatlong sanggano, at isang inosente. Saksi ang isang ilog. Saksi rin ang pangako ng singsing. ITO PO AY HINDI PA NAREBISAH...