12 - MUNTING MASKARA, MARAMING MUKHA

81 10 3
                                    


KUNG TUTUUSIN AY maraming ipinakikitang kaplastikan si Ma. Anna Camino kay Federico. Kabilang na rito ang pagmamahal na pagbabalatkayo. Kahit si Norma ay nahahalata na ito nang nasa kalagitnaan na ng relasyon ng pinsang si Pedring kay Rian. Hindi lamang kumikibo at hinahayaang maramdaman ng pinsan. Binanggit niya ito kay Amy ngunit winalang bahala noong una at nabigyan din ng atensiyon dahil nakahalata na rin kalaunan. At saka ipinaimbistiga ni Amy ang bagay na ito kay Lemery. Pumasok na rin ang pakikialam ni Alex, tinulungan ni Norma.

          Marami ring pinakitaan ng kabutihan si Jacob Ezekiel de Luna, na mas kilala sa Ezy Jake, lalo na sa mga babaeng nais niyang makuha at isa na rito si Ma. Anna. Maraming ipinakitang mga bagay na hindi alam ni Rian kaya lalong naakit ito sa lalaking kung ituring niya ay Prince Charming. Sinong hindi mahuhumaling sa kaguwapuhang taglay, pino ang kilos at gentleman. At mayaman lalo naman. Gamit ang nakahahalinang mukha at mabulaklak na mga salita ay nakuha niya si Rian. Ilang ulit na inangkin niya ang pagkababae ni Rian sa maikling panahon ng kanilang pagkakakilala. At nang sinabi ni Rian na buntis siya at siya ang ama, ay biglang naglaho na gaya ng bula. Kung paano ang bilis na makuha niya si Rian ay mas mabilis pa ang ito ay lisanin. At hindi na siya nakita ni Rian magmula noon.

          Humiga si Ma. Anna sa kanyang kama. Ang isang kamay niya ay hinawakan ang kanyang tiyan, hinimas-himas, at inihinto sa gitna. Ano ang gagawin sa sinapupunang may tatlong buwan na? Ipalalaglag? Itutuloy? Sino ang sasalo sa kanya ngayong nahuhulog na siya sa suliraning maselan pa sa isang may-asawa na. Wala siyang ibang pagpipilian kundi si Pedring na matiyaga, masikap sa kanilang relasyon, at higit sa lahat ay iginagalang ang kanyang pagkababae. Nakokokensensiya siya.

          Sa tuwing makikita niya ang aklat na How to Win Friends and Influence People by Dale Carnegie, na palagi niyang ipinapatong sa mesita, ay naalala niya si Prince Charming, sapagkat ibinigay niya ito sa kanya. Sa kabilang panig ng mapait na katotohanan ay binabasa pa rin niya ang aklat na ito, na ayon kay Ezy Jake ay malaki ang maitutulong sa kanya nito. Ngunit kahit na, naroon pa rin ang suliranin. Ipagtatapat ba niya kay Pedring na siya ay buntis? Sa kabila nito, matatanggap ba niya? Susubukin pa ba niya ang lalim ng pagmamahal sa kanya ni Pedring?

          Hindi na niya alam ang gagawin. Alam na ni Amy na siya ay buntis. Kutob niyang alam na rin ni Norma. Alam ba ni Lemery? Pihado.

          Sa pagpunta niya sa Daraitan sa makalawa ay iyon na ang pagkakataon na makausap nang sarilinan si Pedring. At siya na rin ang kanyang huling pag-asa. Huli at isang alas sa kanyang sugal na pag-ibig na maraming mukha. Tumulong bigla ang kanyang mga luha na hindi niya inaasahan.


          Samantala, habang si Ma. Anna ay nakahiga at nag-iisip, si Alex ay nasa isang section ng mga party needs sa National Bookstore sa Cubao. Naghahanap ng maskara para sa practical joke na gagawin sana pagpunta ng nobya ni Pedring sa makalawa. Bagaman ayaw na niyang ituloy pa ito dahil nabalitaan niyang pinaghahanap siya ng mga pulis-Angono, ayon sa teks sa kanya ni Tiya Clarita. Sa kabilang bahagi ng isipan ay nais niyang ituloy upang malaman na talaga kung mahal ni Ma. Anna ang kanyang nobyo na si Pedring.

          Kagabi ay nakituloy siya kay Mang Atoy, naging kaibigan niya sa Caloocan City Jail. Nang lumaya ito ay ibinigay ang address at sinabing dumalaw siya kung mayroong kailangan. Ipinahiram sa kanya ang kalibre nito at sinabing pamproteksiyon lang daw.

          Sa isang estante ay maraming mga maskara. Iba't ibang hitsura, kulay, hugis, at disenyo. Subalit ang humatak sa kanya ng atensiyon ay ang maskara ng Phantom of the Opera. Ito'y pahulma sa istruktura ng kalahati ng mukha at ito'y kulay puti.

          Nang mabayaran ito ni Alex ay lumabas at tumungo sa terminal ng mga dyip biyaheng Tanay. Nagpapahintay siya kay Pedring sa kanyang internetan sa Sampalok at doon na sila matutulog gaya ng nakagawian.

          Nakarating si Alex sa Sampalok bago magsara si Pedring. At kinabukasan ng umaga ay bumiyaheng mag-isa si Alex pauwi ng Daraitan ngunit hindi na siya umabot pa sa bahay ng kanyang Tiya Clarita ay tinambangan na siya ng tatlong lalaki.


          Habang si Ma. Anna ay nagmumuni-muni sa kanyang higaan at habang si Alex ay pumipili ng maskara sa National Bookstore sa Cubao, ay pinagkakaguluhan na ang bangkay ni Atty. Delos Santos sa tubig sa Wawa sa Angono. Ang kanyang bangkay ay nakabalot ng plastik, napupuluputan ng mga water lily, at lulutang-lutang sa ilog na ito.

          Kaya dali-daling bumalik sa Angono ang dalawang sarhento na nanggaling pa ng Daraitan, upang imbestigahan ang bangkay nitong abogado na dapat ay kausap nila kaninang tanghali.


          Si Bembol ay nakahiga sa puting sopa sa bahay nina Oscar at Eddie ay natutulog naman sa kani-kanilang silid, nakapikit ngunit gising ang diwa, habang sa mga oras na ito si Ma. Anna Camino ay nakahiga sa kanyang kama at tangan ang kanyang aklat at nagbabasa, at si Alex Pelayo ay tangan ang maskarang puti sa National Bookstore, at ang dalawang sarhentong pulis ay parating na Wawa sa Angono.

          Napabalikwas si Bembol, biglang napaupo sa puting sopa. Sa harapan niya ay may mga nakalutang na mga mukha—mga mukha ng kanilang pinaslang, kabilang dito ang mga mukha ng dalawang matanda na magulang ng kanilang pinaghahanap at ang mukha ni Atty. Delos Santos, na mga duguan at ang iba ay nagsisimula ng maagnas. Sa gitna ay ang mga mukha ng kanyang magulang na duguan din. Lahat ay bumubuka ang maga bibig na waring nagsasalita ngunit walang tunog na lumalabas. Isa lamang ang naririnig niyang tinig, o dalawang sabay, ewan niya. Ang tinig ay nangagaling sa magulang niya na mga salitang, 'Anak, magbago ka na...ayusin mo ang buhay mo...iwan ang barkada mo...magbago ka na...' na paulit-ulit!

          Pumikit siyang maiigi nang ilang segundo. Pinakalma ang paghinga. Pagkuwa'y dumilat. Nawala na ang mga ilusyong maskara. Mga peke kasi sila kaya mukhang maskara lang mukha nila, aniya sa isip.

          Napatingingin siya sa kanyang kaliwang hinliliit—nakasuot pa rin ang gintong singsing. Naalala niya si Grace.

          Huwag mong huhubarin ang singsing na iyan, kahit anong mangyari.

          Nasaan ka na ba, Grace? Bakit 'di mo sinasagot ang tawag ko, mga teks ko sa 'yo? Tanong sa sarili. Ano ba'ng k'wenta ng singsing na 'to kung wala ka?


PANGAKO NG SINGSINGTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon