04 - MALAKING OSPITAL, MUNTING BANYO

240 11 6
                                    


DAPIT-HAPON NA NANG makarating si Bembol sa ospital.

          Ang St. Luke's Hospital ay isa sa pinakaprestihiyosong ospital sa buong Pilipinas. Ito ay malaki at may modernong pasilidad. Malaki rin ang bayad sa serbisyo ng mga doktor at mahal ang upa ng silid-pagamutan. Balewala ito para sa mga kapatid ni Bembol na pagtulung-tulungan. Kung sa gastusin ay kakayanin, lamang ay kailangan nila ng magbabantay sa kanilang lola. At si Bembol lamang ang makukuha sa kanila na maaari. Hindi siya tumanggi habang ipinapaliwanag sa kanya ito ng isang ate niya na kasama sa bahay. Lahat sila, mga kapatid ni Bembol, ay magtatrabaho at siya, si Bembol, ang magbabantay, makikipag-ugnayan sa mga doctor at sa mga nars, at sa pagbili ng anumang gamot na kakailanganin. Pumayag siya dahil wala naman siyang trabaho at walang pagkakaabalahang ibang bagay. Siya ang magbabantay sa kanyang lola na inataki ng stroke.

          Pagkagarahe ni Bembol ng kanyang motorsiklo, dumiretso na siya sa ikalawang palapag gamit ang hagdan. Pinalitan niya ang bayaw niyang nagbantay. At naiwan si Bembol, at anglola niyang nakahiga sa kamang pang-ospital.

          Kinabukasan ay pinaliguan niya ang kanyang lola.

          Iniupo ni Bembol ang kanyang lola sa natakipang kubeta. Tinanggal niya ang buhol ng damit pang-ospital ng matanda, isinampay ito sa katabi ng tuwalyang inihanda niya kanina, kinuha ang hose na pampaligo—na may uluhang gaya ng pandilig—mula sa pagkakasabit sa kabilang dingding, pinihit ang gripo upang timplahin ang temperatura ng tubig, at saka binalikan ang kanyang lola na tangan ang hose. Nadatnan niyang nagkaroon ng likidong kulay dilaw ang ibabaw ng natakipang kubetang kinauupuan ng matanda. Naihi na pala! Tumingin sa kanya ang matanda at ngumiti na ngiting hindi buo—ang kaliwang bahagi ng mukha ang nakangiti ngunit ang kanang bahagi ay hindi sumunod, nanatiling bagsak at walang ekspresyon, ito'y dulot ng stroke. Napangiti si Bembol sa kanyang lola. At sinimulan na itong paliguan.

          Kumpleto ang gamit na ipinadala rito kaya walang problema sa pagpapaligo sa matanda. Shampoo, sabon, sipilyo at toothpaste. Sa kalagitnaan ng pagpapaligo niya sa matanda ay dinukot niya ang tsongke mula sa bulsa ng pantalon. Isa ito sa kinuha niya sa ibaba ng puno ng langka sa ibaba ng Padis Point sa Sumulong Highway kahapon. Sinindihan ito, hinithit. Inipit muna ang usok sa kanyang baga. Isa, dalawa, tatlo, lima, sampung segundo ang ipinalipas saka ibinuga nang marahan ang usok na maputi na lumalabas sa kanyang mga labi na inawangan nang maliit na bilog. Inulit pa niya ang ganitong proseso na makalawa. Habang ginagawa niya ito ay nakatapat ang tangang hose na pampaligo sa katawan ng lola na pabalik-balik mula sa dibdib hanggang mga paang nakalapat sa baldosa o tiles nitong banyo, na ikinatutuwa naman ng matanda na gaya ng isang paslit na nakikipaglaro pa sa buga ng tubig na waring lubid.

          Tinapos ni Bembol ang tsongke. Pinatay niya ang hose at muling isinabit. Sa gawing itaas nitong banyo ay mayroong maliit na bintana, binuksan niya ito upang lumabas ang usok at amoy ng tuyong damo. Kinuha ang tuwalya, pinunasan ang matanda at saka ibinalabal sa katawang hubad. Inilabas ni Bembol mula sa likurang bulsa ng pantalon ang isang sigarilyo, sinindihan at saka hinithit. Tiningnan niya ang matanda na nakangiti pa rin pala sa kanya. Sa ilalim ng sabitan ng tuwalya ay may isang upuang plastik na sadyang inilagay ng ospital para sa mga pasyente, dito umupo si Bembol, isinandal ang likod saka tiningnan ang lola na katapat niya habang nakaupo ito sa natakipang kubeta—nakangiti pa rin sa kanya. Parang ngiti ng isang baliw, sa isip ni Bembol.

          Ang banyo ay katulad ng pangkaraniwang makikita sa mga ganitong kalaking ospital. Sa tantiya ni Bembol ay mayroon itong limang metro-kuwadrado. Ito ay mayroong kubeta na may lababo na kalahating dipa ang agwat, isang puwestong paliguan na may kurtinang plastik, at sabitan ng tuwalya na nasa ulunan ni Bembol. Ang banyo ay dinidingdingan ng mga puti at makintab na baldosa hanggang dibdib ng tao, sa itaas nito hanggang kesame ay pader at pati kesame ay piniturahang puti. Ang sahig ay natatakpan din ng baldosa ngunit magaspang na kulay puti pa rin. Ang kurtinang plastik ay puti rin. Ang kubeta at takip nito, ang sabitan ng tuwalya, ang silyang plastik na kanyang kinauupuan, ang pinto ang bintana, at ang ilaw—lahat ay puti. Pagtingin niya sa kanyang lola ay puti na rin! Kasing puti ng pulbo! Ang kalahati ng puting mukha ng matanda ay nakangiti sa kanya. At ang kalahating ngiti ay unti-unting naging tawa. Kalahating tawa na walang tunog!

          Napayuko si Bembol, sinalo ng dalawang palad ang kanyang dalawang mata. Alam niyang malakas na naman ang tama niya dulot ng tuyong damo. Alam niyang ilusyon ang nakikita niya.

          Mula sa kanyang daliri ay nalaglag ang sigarilyo sa baldosa at ang usok ng sigarilyo ay kumapal, umipon, naghugis tali at nagkulay pula. Gumapang ang usok/tali simula sa kanyang binti papaitaas sa hita, sa katawan, sa leeg, at sa batok at sa ulo ay naglaro ang pulang usok. Dala ng usok na ito ang isang awiting pinamagatang Usok. Umukilkil sa kanyang tainga ang awiting ito na sinasabing ang buhay niya ay parang usok: nawawala, nalilito, unti-unting naglalaho.

          Bumalik si Bembol sa pagkakasandal sa upuan. Sa kanyang harapan ay ang matandang puti na patuloy ang pagtawang walang tunog. Bagaman nakaiilang ang hitsura ng matanda ay alam ni Bembol na ito ay isang ilusyong dulot ng tuyong damo—dulot ng Usok, unti-unting naglalaho. Mula sa namumulang mga mata ni Bembol, tumulo ang mga luha.

          Ang tatlong dingding ay biglang umingit...hindi, umigik! Tunog na gaya ng baboy na nais matulog. Pagdaka'y unti-unting gumalaw, umusad, umabante sa kanya. Lahat ng tatlong dingding ay papalapit sa kanya, oo, ang isa rito ay ang dingding na kinatitindigan ng kubeta kung saan ay nakaupo ang matandang puti. Oo, umaabante sa kanya ang matandang puti, itinutulak ng dingding na puti. Ang dalawa pang dingding na puti sa kanyang kaliwa't kanan ay umuusad na rin papunta sa kanya. Sabay-sabay ang tatlong dingding na puti na umaabante sa kanya, na ngayo'y isang metro na lamang ang distansiya. Ngayo'y kalahating metro...at nakadikit na sa kanyang mukha ang mukha ng matandang puti! At dalawang dingding na puti ay nakadikit na sa kanyang magkabilang balikat! Ipinikit niya ang mga mapulang mata. Pagkapikit ay napisil ng talukap ng mga mata ang luha kaya tuluyang umagos na sa kanyang mga pisngi.

          Ganito ang trato nila sakin dahil wala akong pinag-aralan. Dahil high school lang ako. Dahil sayang lang daw kung mag-aaral pa ako. Mahina naman daw ang utak ko. Bantayan na lang daw ang bahay, maghatid-sundo ng mga anak nila. Mamalengke para sa kanila, magluto ng pagkain nila, maglinis ng bahay nila, ng bakuran nila, ng kotse nila, ng banyo nila, ng aso nila, ng put...

          Nanatiling nakapikit ang mga mata. Patuloy ang pagtulo ng mga luha.

          Mabigat si lola pagbuhat ko papunta rito sa banyo, pero mas mabigat ang loob ko. Inaasikaso ko si lola sa malaking ospital na ito, pero maliit ang mundo ko maliit pa sa banyong ito. Mabuti pa ang ospital na ito ay maraming tao, sa mundo ko ay ako lang ang tao. Sa ospital na ito ay may nag-aasikaso sa mga maysakit, pero ang sakit ko sa banyo walang umaasikaso. Sa laki ng ospital na ito, kakap'raso ang banyo ko.

          Dumilat siya. Ang tatlong dingding ay bumalik na sa dating puwesto ngunit ang matandang puti ay tumatawa pa rin ang kalahating bunganga, na walang tunog. Sa kanyang likuran ay kinuha ang isang tuwalya at pinunasan ang mukha.

          Wala rin namang kuwenta ang buhay ko, ipaghihiganti ko na lang ang mga magulang ko. Aalamin ko kung ano ang tunay na nangyari. Hindi ko na paaabutin saan mang malaking ospital, isisiksik ko na lang sa maliit na banyo!

          Huwag mong huhubarin ang singsing, kahit anong mangyari, sabi ng tinig ni Grace.

          Nasaan ka na, Grace? Sa isip ni Bembol. Natapos ang isang linggo... dalawang linggo, hindi natupad ang pangako mo.

          Huwag mong hubarin ang singsing, may pangako ang isngsing.




PANGAKO NG SINGSINGTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon