SA MORGE NG Tanay Generel Hospital ay nakahiga ang mga bangkay ng mga nasangkot sa insidente kahapon sa Agos River. Ang dalawa rito ay sina Bembol dela Paz at si Alex Pelayo.
Nilapitan ni Norma ang bangkay ni Alex. Nakahiga ito sa isang mahaba at malamig na metal. Ilang tama ng bala sa katawan at isang tama sa kanang pisngi. Walang magawa ang dalaga kundi ang umiyak lamang. Hawak ang panyong nagsisimula ng mabasa at mababasa pa sa mga susunod na luhang lalabas habang nakatitig sa mukha na kanyang minamahal. Kung nasabi sana niya noong panahong nag-iimbistiga ito tungkol sa kalagayan ni Ma. Anna, marahil ay mapipigilan niyang pumaroon pa sa Daraitan at hindi madadamay sa trahedyang ito. Subalit ano pa nga ba? Ano pa ang kanyang magagawa? Isa na lang magagawa niya sa ngayon: Ang umiyak dahil sa kabiguang makamit ang pagmamahal ni Alex dahil wala na siya at hindi na babalik.
Nang lumaya si Alex ay nakipagkalas si Norma sa kanyang nobyo. Umaasa siyang mapapansin dahil umuuwi si Norma ng Daraitan tuwing linggo kung paano'y nagkikita sila sa bahay ng pinsang si Pedring. Huntahan sa umaga at pagkatapos ng tanghalian ay maliligo sa Agos River. Ilang linggo siyang nagsikap upang mahikayat ang damdamin ng binata ngunit nabigo siya. At ito ang malaking kabiguan dahil patay na si Alex.
Sa kabilang panig ng morgeng ito ay naroon ang bangkay ni Bembol na nakahiga rin sa mahaba at malamig na metal. Tuyo na rin ang mga dugo sa kaliwang braso, sa kaliwang balikat, at isa sa gitnang dibdib. Sa tabi niya ay nakatayo si Grace o Carmela, o anuman ang pangalan niya. Hawak din ang isang panyo na pilit ng pinupunasan ang mga luhang walang patid sa pag-agos kahit anong pigil. Sa isang kamay ay isang munting singsing na ginto.
Bakit mo hinubad ito, Bembol, bulong sa sarili na sa tantiya niya'y siya lamang ang nakaririnig at malayo ang isang babae na nasa kanyang likuran. Sinabi ko sa iyong nahihiwagaan ako rito sa singsing na 'to. Parang may agimat. Parang totoo ang sinabi ng matandang babae. Kapag suot mo ito hindi mamamatay ang pagmamahal mo sa akin. Hindi ba ibig sabihin n'yan, e, hindi ka rin mamamatay? Kaya, ba't hinubad mo, Bembol. Nagpunas muli ng mga bagong luhang tumutulo sa pisngi.
Hindi niya maiwan ang kabit na si Sgt. Rudy Jimenez alyas Kabong Pango, dahil binantaan siyang papatayin siya at ang buong pamilya. Natakot siya dahil alam niyang kayang gawin ng pulis na ito ang bantang iyon. Subalit ngayon dahil sa insidente sa Agos River ay mauungkat ang kaso at lilitaw ang pangalang Kabong Pango, Pepeng Ekis, Alex Pelayo, Bembol dela Paz, Eddie at Oscar at iba pa. Pati ang beer house sa Binangonan, kung saan ay dancer siya, na ginagawang lugar ng transaksiyon ng droga ay mauungkat kung paano ay maaari siyang tumestigo laban kay Kabong Pango.
Noong nagsimba si Grace o Carmela sa Quiapo, ay yaon ang panahon ng kanyang paunang paghingi ng tawad dahil balak niyang lasunin si Kabong Pango. Gagawin niya iyon alang-alang kay Bembol upang ayain na niyang magsama na sila kahit walang kasal. Dangan dumating ang isang matandang babae at lumapit sa kanyang kinauupuan sa loob ng simbahan ng Quiapo at inalok ang gintong singsing.
Pero, mas pinanghawakan ko ang sinabi ng matandang babae na nagbenta sa akin ng singsing na 'to, bulong uli niya sa sarili. Gusto kong maniwalang may sumpa ang singsing na 'to. Gusto kong maniwalang may pangako ang singsing na 'to. Kasi, naniniwala akong mahal mo ako. Wala akong nakilalang lalaki na magseseryoso sa akin dahil dancer ako sa beer house. At saka hindi Carmela pangalan ko, pakilala ko lang sa pulis na 'yon. Grace talaga totoo kong pangalan. Grace, ibig sabihin biyaya. Parang ikaw, biyaya ka sa akin, dahil sa pagtanggap mo sa 'kin kung ano ako at kung sino ako. At kaya lalo kitang minahal, Bembol, kahit hindi kita masyadong kilala.
Isinuot niya ang gintong singsing sa kanyang kaliwang palasingsingan, kumislap ito sanhi ng pagtama ng sinag ng fluorescent sa kisame. Bagaman maputla, dulot ng kaunting mga ilaw sa loob ng morgeng ito, ay nagbigay ng munting sinag ang kislap ng gintong singsing. Ang salsalabat na kislap ay tumama sa mukha ni Grace at ang ilan ay tumama sa mukha ni Norma na nagpupunas ng mga luha.
Ilang minuto pa ay lumabas na si Norma mula sa morge—sa maputlang silid ng morge. Marahan ang paglalakad palabas sa pasilyong patungong hagdanan. Bitbit niya ang dalamhating hindi nakapagtapat sa lalaking minamahal. Sa kabilang panig ng isip niya, makikipagbalikan na lamang sa dating nobyo at mangangakong mamahalin na niya ito nang tunay at hindi na makikipagkalas kailanman. Subalit pagdating niya sa paanan ng hagdanan ay napaupo siya sa ikatlong baitang at humagulgol. Palahaw ng pagsisisi sa kawalang halaga ng kanyang naging desisyon.
Si Grace ay nanatili pa ng ilang minuto sa harap ng bangkay ni Bembol. Nakatitig pa rin sa mukha ng bangkay ng nobyo. Pangako, Bembol, muling bulong sa sarili, mamahalin kita hanggang sa huling hininga ko. Pinunasan muli ang pisngi ng panyong basa na ng kanyang luha. Magka-asawa man ako sa hinaharap at magkapamilya, ikaw pa rin ang mamahalin kong totoo. At iyan ay pangako ko sa iyo kagaya ng singsing na ito. Minsang nagpunas ng mga pisngi, ibinulsa ang panyo sa kanyang itim na pantalong maong, inayos nang bahagya ang buhok na tila sinuklay, at saka tuluyang lumakad papalayo sa bangkay ni Bembol.
Mula sa ilang pasikot na pasilyong ito patungong labasan ng ospital, ang gintong singsing ay patuloy ang kislap sa tulong ng mga ilaw sa kisame. Hanggang sa makalabas na siya ng ospital na ito, ang singsing ay hindi pa rin humihinto ang pagkinang. Sa paglalakad niya harapan mismo ng Tanay General Hospital patungong sakayan ng dyip, tumatama ang sinag ng araw pang-umaga sa kanyang gintong singsing, at saka tumalbog ang mas masinag na kinang nito sa kanyang kaliwang braso at mukha. At sa isipan ni Grace, magpapatuloy siya. Aalis na siya sa pagiging mananayaw sa bahay-inuman. Maghahanap na siya ng mas marangal na pagkakakitaan. Magpapatuloy siya sa buhay na ito alang-alang kay Bembol. At isang pag-asa ang lagi niyang isasapuso na may magmamahal sa kanya na gaya ng pangako ng singsing.
BINABASA MO ANG
PANGAKO NG SINGSING
Mystery / ThrillerTatlong sumpa ng hindi mangingibig. Nagkrus ang daan sa isang di inaasahang malagim na sitwasyon. Sangkot ang dalawang pulis, tatlong sanggano, at isang inosente. Saksi ang isang ilog. Saksi rin ang pangako ng singsing. ITO PO AY HINDI PA NAREBISAH...