MULA SA GARAHE ni Oscar—kuya ni Eddie—ay inilabas ang tricycle na kulay itim na kalawangin na ang katawan ngunit bago ang motorsiklong nakakabit dito: Kawasaki Barako II. Sumakay sina Bembol at Eddie sa loob nitong tricycle at ang tig-isang bag ay bitbit nila, sumakay si Oscar sa Barako, pinaandar at sila'y lumarga papuntang Arveemar Homes Subdivision sa Angono.
Humimpil sila sa kanto ng Road 10 at Road 4 nitong Arveemar. Eksaktong tiyempo dahil ang poste na katabi ay walang ilaw. Bumaba sina Bembol at Eddie. Naiwan si Oscar.
Pagkatapat ng dalawa sa puntiryang bahay ay eksaktong may lumabas na isang babae na mukhang isang kasambahay na magtatapon ng basura. Kunwa'y magtatanong ang dalawa ngunit biglang dinakma ni Eddie ang bibig ng babaeat kinabig at yinakap ito saka muling pumasok sa loob ng bakuran na para sa garahe ng sasakyan. Isinara ni Bembol ang tarangkahan at silang tatlo ay pumasok sa loob ng bahay.
Ang bahay ay pangkaraniwang bungalow ngunit ito ay lumang modelo ang disenyo, maging ang muwebles. Sa salas ay nakaupo sa sopa ang isang lalaking nasa higit animnapung taon habang nanonod ng balita sa telebisyon. Sa kusina, na hindi kalayuan, ay isang matandang babae na may ganito ring edad ang nakatalikod at nagluluto.
"Hoy, tanda," tawag ni Eddie sa normal na tinig.
Lumingon ang matandang lalaki. Nakita niya ang kanilang kasambahay na kapit ang bibig ng isang kamay ng lalaking tumawag at ang isang kamay ay may hawak na baril na nakatutok sa sintido ng babae. Nanlaki ang mga mata ng matandang lalaki. Hindi siya makakilos habang sinusundan ng tingin ang mga ito na papalapit sa kanya pati ang isang lalaki na may sukbit na bag.
"Hoy, Ale!" tawag ni Eddie sa babaeng nasa kusina ngunit hindi iyon lumingon, kaya inulit niya ang pagtawag. "Hoy, Ale! Sabi ng..."
Saka napalingon ang matandang ale na hawak ang sandok.
"Halika dito, upo ka sa sopa!"
Habang lumalapit ang matandang babae ay nanginginig sa takot at pinilit magsalita. "Huwag n'yong sasaktan ang pamangkin ko. Maawa kayo." At naupo sa sopa katabi ang matandang lalaki.
Itinulak ni Eddie ang babae sa sopa na napaupo katabi ang matandang lalaki na siya namang napagitnaan ng dalawang babae. "Walang mangyayaring masama kung susunod kayo sa 'min!" Pabagsak na mga salita ni Eddie.
"Oo, sige, sige. Kunin na n'yo ang gusto n'yo. Kung pera at alahas meron d'on sa aparador sa kwarto namin. Sa pinakataas ng aparador merong isang box. Kunin n'yo na. Sa inyo na lahat 'yon. Huwag n'yo lang kami sasaktan," sabi ng matandang lalaki. Mabilis ang mga salita, nagmamadali at saka inakbayan ang dalawang babae sa kanyang magkabila.
Nagkatinginan ang dalawang lalaki. At sinabi ni Eddie kay Bembol, "Tama sabi mo!" saka tumawa nang malakas. Tumigil ng pagtawa, tumingin sa matandang lalaki at sinabing, "Gago! Hindi namin kailangan pera n'yo!" Lumapit siya sa tatlong nasa sopa at saka umupo sa dulo ng sopang ito samantalang nakatutok ang baril sa kanila.
Tinabig ni Bembol ang lahat ng nasa ibabaw ng mesitang malapit sa kanyang kinatatayuan. Nagbagsakan ang plorera, mga bulaklak na yari sa tela, ang abuhan ng sigarilyo, mga babasahin, at ang isang basong may lamang tubig na malamig na tumilapon sa kabinet sa ilalim ng telebisyon at nabasag. Inilapit ni Bembol ang mesita sa tatlong nakaupo sa sopa at siya naman ang umupo sa mesita. Inilapag ang bag mula sa kanyang balikat. Binuksan ang bag, kinuha ang isang tubong bakal na mahigit isang piye ang haba at ang bilog ay halos isang pulgada at ito ay bago pa. Bahagyang hinampas-hampas sa isang palad na waring may isang paslit na papaluin. Sa bawat paghampas ng tubo sa palad ay tinatamaan ang gintong singsing sa kaliwang hinliliit.
BINABASA MO ANG
PANGAKO NG SINGSING
Mystery / ThrillerTatlong sumpa ng hindi mangingibig. Nagkrus ang daan sa isang di inaasahang malagim na sitwasyon. Sangkot ang dalawang pulis, tatlong sanggano, at isang inosente. Saksi ang isang ilog. Saksi rin ang pangako ng singsing. ITO PO AY HINDI PA NAREBISAH...