PrologueMalamig na ihip ng hangin ang humahalik sa aking pisngi. Kasabay ng nag-uunahang paghampas ng mga alon sa dalampasigan ay ang pagpanhik muli ng mga alaala sa aking isipan.
"Hindi po ako sasama, tita." sagot ko, hindi man lamang iniaalis ang tingin sa sketch pad na kanina ko pa ginuguhitan.
"Tumigil ka nga Rielle. Pumanhik ka na at mag-impake ng damit dahil magpapalipas tayo roon ng mga isang buwan o higit pa." maawtoridad na utos ni Tita Yoli habang patuloy na naglalagay ng mga gamit sa malaki niyang travel bag.
Pagsimangot na lamang ang aking nagawa dahil sa oras na magdesisyon si tita ay hindi na ako makakaalma pa.
Mahabang pila ang bumungad sa amin sa terminal ng bus sa Cubao. Maraming kasabayang luluwas ng Batangas at ang iba marahil ay patungong Lucban.
Bago tuluyang sumakay ay 'di nakaligtas sa akin ang karatulang nakapaskil sa harapan ng bus.
'Batangas'
Si Tita Yoli ay tubong Batangas. Sa lugar na iyon siya lumaki at ayon sa kanya'y maging ang aking Ina, na lumuwas lamang sa Maynila at roon nakilala ang aking ama.
Mayroong ancestral house ang pamilya nina Tita Yoli sa Batangas na sa wari ko ay nirerenovate taon-taon upang mapanatiling maganda ito't hindi maging abandonado.
Kami na lamang ni Tita Yoli ang mayroong access sa bahay na iyon. Sa totoo'y ipinamana iyon kay mama ng kanilang mga magulang dahil siya ang panganay sa kanilang ni Tita Yoli ngunit dahil wala na si mama, si Tita Yoli ang pumalit upang pangalagaan. Si Tita Yoli na rin ang tumayong pangalawang ina ko dahil mag-isa lang rin siya sa buhay dahil hindi na nag-asawa.
Dumungaw ako sa bintana habang pinagmamasdan ang mga taong nakapila pa sa labas ng bus at naghihintay ng kanilang pagkakataong makasakay. Maya-maya pa't payapa ng sinimulan ng bus ang kanyang biyahe.
Sa totoo lang ay walang binanggit na kahit ano si Tita Yoli kung bakit kami ay uuwi ng Batangas. Hindi na ako nagtanong pa dahil hindi ko rin naman alam kung para saan pa. Isa pa'y wala naman akong ibang mapagpipilian kundi ang sumama't bumuntot sa kahit saan lakad ng aking tiyahin.Ilang beses na hikab ang aking pinakawalan bago tuluyang mailapat ang aking mga paa sa lupain ng Batangas. Mahigit ilang oras rin ang biyahe mula Maynila upang ganap na makarating sa aming pupuntahan.
Ang jeep na sinakyan namin ni tita upang makarating sa baranggay na aming destinasyon ay kamangha-mangha. Ngayon na lamang kasi ako nakakita ng pampasaherong jeep kung saan ang mga pasahero'y maaaring sumakay sa bubong nito. Nakakamangha dahil ang ganitong bagay ay hindi mo matatagpuan sa Maynila.
Tiningala ko ang second floor na bahay kung saan kami tutuloy. Namangha ako sa lokasyon ng bahay na sadyang napakalapit sa dalampasigan ng karagatan ng Batangas. Kaunting lakad lamang at mararating na ang nakakapigil-hiningang tanawin sa baybayin ng karagatan.
Ang hitsura ng bahay nina tita ay ganoon nga, tulad ng kwento noon ni mama at tita, makaluma nga ang disenyo nito. Tila isang avid fan ng mga antique, kawayan at mga kahoy ang nagdisenyo nito. Sabi ni Tita Yoli ay ni minsa'y hindi iniba ang disenyo nito dahil nais nilang manatili ang bawat alaalang mayroon ang bahay simula pa ng itayo ito taong 1989.
"Iakyat mo na sa itaas ang mga gamit mo. Gamitin mo ang ikalawang silid sa kaliwa." sabi ni tita at dumiretso sa kusina.
Nagkibit- balikat na lamang ako at sinunod ang kanyang sinabi. Iginala ko ang aking mata ng makaakyat sa ikalawang palapag. Ibang-iba ang pakiramdam kumpara sa bahay na kinasanayan ko sa Maynila.
Tahimik.
Payapa.
Walang busina ng mga sasakyan sa halip ay hampas ng alon sa dalampasigan lamang ang nananaig sa aking mga tainga.
Pinasok ko ang silid na itinuro ni tita at napagtantong iyon pala ay silid ni mama. Maraming litrato sa mga estante at maliit na lamesa sa tabi ng kama. Karamihan sa mga litrato ni mama ay kuha sa tabing dagat.
Mahigit isang oras ako bago natapos sa pagliligpit at pag-aayos ng gamit. Matapos iyon ay bumaba na ako at tumulong kay tita sa pag-aayos ng pagkain.
Papalapit na ang takipsilim at napagdesisyunan kong panoorin ang paglubog ng araw. Habang naglalakad sa dalampasiga'y nakasumpong ako ng magandang pwesto upang mamasdan ang napakagandang pag-aagaw ng liwanag at dilim.
Parang noong nakaraan lang ay pinagmamasdan ko ito sa pagitan ng mga nagtatayugang gusali at ngayo'y dagat na lamang ang pagitan at tila maaabot ko na ang pagtatagpo ng dilim at liwanag.
"Bakit napakarami mong hinuling isda, Seo?" napigtas ang pagmumuni-muni ko nang biglang makarinig ng tinig mula sa di-kalayuan.
Lumingon ako sa pinanggalingan niyon at tumambad sa akin ang tatlong binatilyong bumababa mula sa bangka. Ang isa'y may hawak na timba at ang dalawa nama'y may hawak na lambat.
"Sabi ni Mama, may bagong lipat riyan sa kabilang bahay, at nais niya raw itong bigyan." baritono ang boses ng lalaking sumagot. Iyong may dalang timba na tingin ko'y may mga laman pang buhay na isda.
Dahil sa sinag ng araw na tumatama rin kung nasaan sila, hindi ko rin masyadong maaninag ang kanilang mga mukha. Ngunit sa hubog ng kanilang mga katawa'y halatang medyo matanda sila kumpara sa akin.
Nanaig na ang dilim kaya't bahagya ng nag-iba ang kulay kahel na langit. Muli kong pinagmasdan ang pagpapalit kulay ng panganorin kaya't nawaglit na rin sa aking isipan ang mga lalaking nakita ko kanina.
Maya-maya pa'y pumanhik na muli ako sa bahay dahil madilim na. Naabutan ko si tita na naghihiwa ng gulay na lulutuin para sa hapunan.
"May maitutulong po ba ako?" masiglang tanong ko kay Tita. Napansin niya marahil na wala akong ginagawa kaya pinagpunas niya ako ng mga plato na galing sa mga tukador.
Sa gitna ng pagiging abala sa kanya-kanya naming ginagawa ay may biglang kumatok.
Hindi na nag abala pa si tita na ako ang utusang buksan ang pintuan sa halip ay siya na labg mismo ang tumungo at nagbukas nito.
Tila may sariling isip ang aking leeg at dinungaw nito kung sino ang kumatok, tutal ay tanaw naman ang pintuan at labas nito mula sa kusina.
"Tita Yoli, mga bagong huling isda po ito, pinaaabot ho ni mama." sabi ng pamilyar na boses. Baritono ngunit hindi nakakatakot.
Mas lalo ko pang dinungaw ang aking ulo upang .makita ang mukha sa likod ng boses na iyon.
"Naku, Seo! Nag-abala pa kayo. Ipaabot mo sa iyong ina ang aking pasasalamat, ha." saad ni tita.
"Walang anuman po." sagot naman nung lalaki.
Umalis agad ito kaya hindi ko nakita ng maayos ang mukha sa malayuan. Di bale, malamang ay kapitbahay lang namin iyon kaya magkukrus pa rin ang aming landas kahit hindi pa sa tabing dagat.
BINABASA MO ANG
Somewhere In Batangas (Isla Verde #1)
Teen FictionS SERIES #1 - Completed ✓ Rielle Serrano, a Manila girl encountered changes in her life when they moved in Batangas. She met a man named Seo, known as the hottest fisherman in their place. Can Rielle finally found the man of her dreams, somewhere i...