Nanginginig ang mga kamay at hilam ng mga luhang tinanggal ni Resha ang puting kumot na nakatakip sa mukha ng kanyang anak.
Wala na si Dan-dan.
Cardiac arrest at multiple organ dysfunction umano ang ikinamatay nito dahil sa sepsis o impeksyon sa dugo. Dulot umano iyon ng panghihina ng kalusugan nito dahil sa chemotherapy.
Hindi na siya nagtanong dahil nawala na siya sa kanyang sarili. Si David na lang ang hinayaan niyang makipag-usap sa mga doktor at pinasok agad ang silid kung saan naroon ang mga labi ni Dan-dan.
Nang makita ang nakapikit na mga mata ng anak niya at pangingitim ng mga labi nito ay hindi na niya napigilang pumalahaw ng iyak. Hinila niya ang ulo nito at niyakap ng mahigpit. Na para bang sa paraang iyon ay maibabalik niya pa ang buhay nito. Lagi kasi niya itong niyayakap sa tuwing may iniinda itong sakit dati.
Wala na ang anak niya.
Ang dinala niya sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan...
Ang naging buhay niya sa loob ng walong taon...
Ang nagbigay kulay sa mundo niya noong iniwan siya at sinaktan ng ama nito...
Parang kailan lang ay nakikipagkulitan lang ito sa mga kaibigan niya sa cellphone. Naalala niya pa ang huling sinabi nito sa kanya sa cellphone nang huling makausap niya ito.
"Nay, alagaan n'yo po ang sarili ninyo. Ayoko pong nalulungkot kayo,'Nay. Ayoko pong nasasaktan kayo. Namimiss ko na po kayo, bumalik po kayo agad. Hinintay ko po kayo..."
"Dan, bakit mo naman iniwan si Nanay? Akala ko ba hihintayin mo si Nanay? Mag-isa na lang si Nanay, Anak. Wala na akong kakampi..." mapait na sabi niya sa pagitan ng pagluha. Hinalikan niya pa ang ulo ng anak gaya ng ginagawa niya bago ito matulog.
Naramdaman niyang may mga maiinit na bisig ang yumakap sa kanya mula sa kanyang likuran. Lalo siyang napahagulhol. Alam niyang si David iyon. Nararamdaman niya ang tahimik nitong pag-iyak sa kanyang likuran.
Hindi niya magawang ipagtabuyan ito sa mga oras na iyon. Sa huling pagkakataon ay kinailangan niya ito upang kanyang masasandalan sa pinakamapait na oras na iyon ng kanyang buhay. Alam niyang kung nasasaktan siya ay nasasaktan din ito. Pareho nilang minahal ang kanilang anak.
Inilayo niya ang mukha ng kanyang anak at pinakatitigan iyon sa huling pagkakataon. Hinaplos niya ang mukha nito saka hinalikan sa pisngi.
"Magpahinga ka na,Anak ko. Bantayan mo kami ng kapatid m---ng lola mo d'yan sa langit ha? Ikaw sana ang magsisilbing gabay namin, 'Nak."
Naramdaman niyang kumalas sa pagkakayakap si David sa kanyang likuran at lumapit sa bangkay ni Dan-dan. Ito naman ang umakay kay Dan-dan at humagulhol.
Mapait na ngumiti siya. Sa palagay niya'y sinadya ng Diyos na kunin si Dan-dan upang matuldukan na ang pagsasama nila ni David. Alam niyang nahihirapan na ito sa sitwasyon nila. Kailangan na niyang palayain ito. Iyon na ang hudyat upang itigil na nila ang pagpapanggap. At hindi kailanman malalaman nito na may panibago silang supling na isisilang sa mundo.
--------------------------
Maayos na naiuwi ni Resha at David ang mga labi ni Dan-dan sa Pilipinas. Kasalukuyang pinaglalamayan nila si Dan-dan sa bahay niya.
Doon niya pinaderetso ang kabaong ni Dan-dan at hindi sa mansyon nina David.Pakiramdam niya kasi ay wala na siyang karapatang tumapak sa tahanan ng mga ito. Pinutol na niya ng tuluyan ang relasyon nila ni David. Kung magpapadala ito ng papel para sa annulment ay kaagad niyang pipirmahan iyon.
BINABASA MO ANG
SHOTGUN MARRIAGE (COMPLETED)
General FictionIsang shotgun marriage ang nangyaring kasal ni Resha. At ang masaklap, sa ex-boyfriend niya pang nanloko sa kanya 9 years ago! Paano niya pakikisamahan ito sa iisang bahay kung araw-araw ay inaakusahan siya nitong baliw na baliw pa rin dito at ang s...