CHAPTER 3

99.5K 2.1K 24
                                    

Halos takbuhin ni Resha ang entrance door ng building ng TV station kung saan nagtatrabaho si Ian. Limang minuto na lang ay mag-uumpisa na raw ang interview nito kay Ms.Amanda Scott.

Kanina pa siya tinatawagan nito para sana ay makapag-usap sila ng ginang bago ito sumalang sa interview pero mukhang hindi talaga siya aabot. Nagpa-reserve na lang siya ng upuan sa front seat para makita niya ito ng malapitan.

Naipit kasi siya sa traffic kanina. Maaga sana siyang nakaalis kung hindi dahil sa biglaang pagkakasakit ni Dan-dan. Nagkalagnat ito bigla, na siyang pinagtatakhan nila ng mama niya dahil malusog naman ito kahapon. Walang senyales na magkakasakit ito.

Pinainom agad niya ito ng gamot at sa awa ng Diyos ay bumaba naman pagkatapos ng ilang oras ang temperatura nito. Pinagpahinga muna niya ang bata at mukhang mahina pa ito.

Ayaw niya sana itong iwan ngunit pinilit siya ng mama niya. Ito na lang daw ang magbabantay kay Dan-dan. Nagpasalamat naman siya sa mama niya at nangakong babalik agad pagkatapos ng show ni Ian. At iyon na nga, naipit pa siya sa matinding traffic.

Nagulat si Resha nang makitang ang daming nakapilang mga babae sa mga elevators. Ang iba sa mga ito ay tantiya niya'y mga nasa middle 30s at 40s ang edad. Pawang may dalang mga libro, pictures at kung an-ano pang banner para kay Ms.Amanda Scott. Hula niya ay mga fans ng babae ang mga ito.

Mukhang hindi yata siya makakarating bago magsimula ang interview sa dami nang nakapila sa mga elevators kaya naisipan niyang dumaan na lang sa hagdanan.

Nagsisisi siya at nagsuot siya ng open toe pumps. Nasa 11 cm ang heels niyon kaya nahihirapan siyang tumakbo. Nasa 6th floor pa naman ang studio nina Ian. Makakapasok siya doon kahit hindi siya pumila dahil kilala siya at ang mga kaibigan niya ng mga staff nina Ian.

Bahala na! Ang tagal kong pinangarap na makita si Ms. Amanda! Kaya ko ito! Pinalakas niya ang kanyang loob.

Humihingal na siya habang tinatahak ang hagdanan papuntang 5th floor. Sumasakit na rin ang mga binti niya. Ayaw niyang isiping bibigay ang pumps niya pero mukhang iyon nga ang mangyayari. Nagdahan-dahan na lang siya sa sa pag-akyat para hindi iyon mabali habang hindi pa siya nakakarating sa Studio R, ang studio kung nasaan ang show ni Ian.

Halos kapusin na siya ng hininga nang sa wakas ay umabot siya sa huling baitang ng 6th floor. Napakapit siya sa handrail ng hagdanan at pinaypayan ang sarili gamit ang hawak niyang libro ni Ms.Amanda.

Tuwang-tuwa siya kahit hapong-hapo na. Para siyang nakaabot sa tuktok ng Mt. Everest na naka high-heels. Nagpahinga muna siya ng isang minuto bago nagpasyang takbuhin ang hallway para hanapin ang Studio R.

Inabot pa siya ng ilang minuto nang sa wakas ay makita ang studio. Hindi pa man siya tuluyang nakakalapit sa pinto ay biglang bumigay ang pumps niya saka siya nawalan ng balanse.

Ikinaway-kaway niya ang mga kamay upang hindi matumba ngunit mukhang hindi nakikisama sa kanya ang gravity dahil nararamdaman na niyang magda-dive na siya sa sahig.

Ipinikit na lang niya ang mga mata at inihanda ang sariling mag epic-fall ngunit laking gulat niya nang biglang may humawak sa braso niya upang pigilan siya sa pagbagsak.


"Are you okay, Miss?" tanong ng baritonong tinig ng lalaki sa kanyang likuran.


Biglang nanigas ang likod niya nang marinig ang pamilyar na boses na iyon. Sandaling natigil ang pag-inog ng kanyang mundo. Imbes na sa sahig na muntik na niyang bagsakan at sa pumps niyang nabali masentro ang isipan niya ay inagaw ng boses na iyon ang buong atensyon niya.

Kilalang-kilala niya ang boses na iyon kahit pa nagkaroon iyon ng karakter sa kanyang pandinig. Sunod-sunod siyang lumunok dahil sa lakas ng kabog ng kanyang dibdib. Parang may pumipigil sa kanyang lingunin ang lalaking may hawak ng kanyang braso.


SHOTGUN MARRIAGE  (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon