CHAPTER 22

78.5K 1.7K 9
                                    

Matapos salinan ng dugo si Dan-dan ay medyo gumanda ang pakiramdam ng bata. Nagpakarga na ito sa ama nito at nakipagkulitan. Si David naman ay ingat na ingat sa pagkarga sa anak na para ba itong babasaging kristal.

Nasa Reverse Isolation Room ang bata kung saan ay ipinagbabawal ang maraming taong bibisita sa kanyang anak. Dapat isa-isa lang ang pumasok sa kwarto at baka makakuha ang bata ng kung ano-anong sakit mula sa labas.

Mahirap na't mahina pa rin ang pangangatawan nito kahit nasalinan na ng dugo at ginagamot. Mabilis itong mahahawa ng sakit dahil mababa ang mga cells ng dugo nito na promoprotekta sa katawan laban sa mga mikrobyo.

Pinayagan sila ng Doctor na pumasok ng sabay ni David sa kondisyong magsusuot ng mask si Dan-dan, na siya namang inilagay nila sa bata.

Napatingin siya sa may pintuan nang marinig ang boses ng kanyang Mama sa labas. Nakikita niya ito sa maliit na glass window ng pinto.

"Madam, pasensya na po pero bawal po ang maraming tao sa loob," narinig niyang habol ng Nurse dito.

"Ganoon ba? Pasensya na, ineng. Sandali lang naman ako. Ibibigay ko lang itong paboritong ulam ng apo ko," sagot naman ng kanyang Mama.

"Sariwa po ba 'yan,Madam? Bawal po sa sariwa ang pasyente,dapat po ay luto," imporma naman ng Nurse.

"Ay ganoon ba? Hayaan mo, pancit naman ito na may mainit na sabaw. Para mainitan ang tiyan ng apo ko."

Napakamot na lang sa ulo ang Nurse at hinayaan ang kanyang ina na pumasok.

"Saglit lang po kayo sa loob, ha? Mapapagalitan po ako ng Head Nurse ko,eh," pahabol uli ng Nurse.

"Oo, ineng, huwag kang mag-alala. Mamaya bibigyan kita nitong mainit na pancit dahil mabait ka!" nakangiting sabi ng kanyang ina saka pumasok na sa loob.

"Lola!" salubong ni Dan-dan sa lola nito.

Nagmano naman sila agad ni Dan-dan sa matanda. Si David ay nagmano rin, na siyang ikinagulat niya. Hindi ito nagmamano sa mga magulang nito, humahalik lang ito sa pisngi. Iyon yata ang paraan nang paggalang ng mga mayayamang tao sa mga magulang.

"Na-miss mo ba ang Lola,apo?" agad na tanong ng mama niya sa bata. Bilang sagot ay yumakap si Dan-dan nang mahigpit sa Lola nito.

"Hindi lang po miss, miss na miss!" bibong sagot ng bata.

"Talaga? Na-miss din kita apo ko. Kumusta ang pagtira mo sa mga lolo at lola mo?" tanong ng mama niya sa bata.

"Ayos naman po. Mababait po sila, Lola, parang si Tatay lang din po. Kaso, ingles sila ng ingles, nakaka nosebleed,"

Natawa silang lahat sa tinuran ng bata.Ginulo naman ni David ang buhok nito.

"Don't worry, baby, from now on...magtatagalog na kami ng madalas," anito sa bata. Napatingin siya sa lalaki dahil sa sinabi nito. Nakakatuwang isipin na handa naman pala itong magkompromiso para sa anak nito.

Umiling naman agad ang anak niya. " Wala pong kaso sa akin iyon,Tay. Kahit po mag Japanese o Korean kayo, iintindihin ko po sa abot ng aking makakaya,"

Natawa na naman sila. Napakabibo pa rin ng anak niya sa kabila ng iniinda nito sa katawan. Nagpapasalamat naman sila ni David at hindi ito masyadong nag-uusisa sa sakit nito.

"O siya,apo, dinalhan kita ng paborito mong ulam. Ako'y lalabas muna at baka mapagalitan ako ng Nurse," anang kanyang Mama.

"Samahan ko na po kayo,Ma," aniya sa ina. Nakita niyang kinuha ni David ang mga bitbit nitong supot.

"Leave this to---ako na pong bahala dito,Ma," anang lalaki sa kanyang Mama.

Nanlaki ang mga mata niya sa tinuran at ikinilos nito. Kailan pa ito naging ganoon kagalang? O baka magalang naman talaga ito at sa kanya lang barumbado? At tinawag pa nitong Mama ang kanyang ina!

"Maraming salamat, anak. Lalabas muna kami ng asawa mo," nakangiting sabi ng kanyang Mama sa lalaki.

"Sige po, basta ba ibabalik niyo siya agad sa akin,ha?" nakangiting sagot nito sa kanyang Mama saka siya kinindatan.

Natigilan naman siya sa ginawa nito. Anong hangin ang nalanghap nito at biglang naging ganoon?

"Ay naku, kayo talagang mga bata kayo,oo! Huwag kang mag-alala at wala nang aagaw diyan sa asawa mo dahil kasal na kayo! Iyong-iyo siya!" natatawang sabi ng kanyang Mama.

"Thanks,Ma. Kaya love kita,eh," kuwelang sabi ng lalaki sa kanyang ina.

"Kuu...pilyong bata ito!" Mahinang tinampal naman ito ng kanyang Mama sa balikat.

Napamaang lang siya sa mga ito. Bakit ganoong ito kaamo sa kanyang ina samantalang sa kanya ay napakabastos nito? At kalian pa ganing ganoon ka-close ang mga ito? Dahil ba doon sa palaging pagtambay ng lalaki sa restaurant nila dati?

Hindi na siya nakapag-isip pa nang hinila na siya ng tuluyan ng kanyang ina palabas. Napalingon siya kay David para sana magpaalam ngunit nahuli niya ang mga titig at ang makahulugang ngiti nito sa kanya bago siya tinanguan. Pinamulahan siya ng mukha saka tumango rin. Ang lakas ng kabog ng dibdib niya. Iyon ang unang beses na ngumiti ito sa kanya nang walang pang-uuyam!

------------------------------------------

"Sasama ka ba kay David sa Amerika, Anak?" agad na tanong ng kanyang Mama sa kanya nang tuluyan na silang makalabas ng silid ni Dan-dan. Napangiti siya dahil Dabid ang pagkakabigkas nito sa pangalan ni David.

"Opo,Ma. Kailangan na po naming maipagamot si Dan-dan sa lalong madaling panahon," sagot niya.

Bumuntong hininga ito saka pinakatitigan siya. "Ikaw ang bahala. Basta sa ikabubuti ng apo ko, walang kaso sa akin. Tinatrato ka ba ni David ng mabuti?"

Hindi. "O-opo,Ma. Mabait naman po siya sa akin at pati na rin po ang mga magulang niya," kaila niya.

Ayaw niyang aminin dito ang totoong estado ng pagsasama nila ni David at baka magwala ito. Baka hindi pa ito makatulog sa gabi na lalong ikatataas ng presyon nito sa dugo. Sapat nang siya lang ang nakakaalam at nahihirapan.

"Mahal mo na ba uli siya?" untag nito.

Nag-iwas siya ng tingin saka yumuko. Pumintig ng malakas ang puso niya sa tanong nito.

Mahal mo na nga ba uli,Resha? Hindi, diba? Wala siyang ibang ginawa sayo kundi hamakin ang pagkatao mo!malakas na sigaw ng utak niya ngunit bakit parang tumututol ang kanyang puso? Nanumbalik na ba uli ang damdamin niya sa lalaki?

"Wala naming kaso kung magmahalan kayo, mag-asawa na kayo. Mas mainam nang magmahalan kayo upang maramdaman ni Dan-dan na may buo siyang pamilya. Sa ganoon ay magkakaroon ng pag-asa ang bata at mapapabilis ang paggaling niya," patuloy na sabi ng kanyang Mama.

Nanatili siyang tahimik. Kung alam lang ng kanyang ina. Natatakot nga siyang mahalin muli ang lalaki at baka masaktan na naman siya.

"Tumawag ka kapag nakarating na kayo roon,ha? Huwag ka ring magpapabaya sa kalusugan mo't baka ikaw naman ang magkasakit. Mahirap na, dalawa na kayo ni Dan-dan na alalahanin ko."

Biglang namasa ang kanyang mga mata sa sinabi ng kanyang Mama. Namimiss na niya ito. Ito lang at ang mga kaibigan niya ang tinuturing niyang sandalan sa tuwing humaharap siya sa ganoong kalaking problema.

Yumakap siya rito at pinalaya ang masasaganang luha. Parang nagkaroon siya ng lakas habang yakap yakap ang ina. Hinagod naman nito ang likod niya. Inilabas na niya ang lahat ng luha niya na para bang mailalabas ding kasabay niyon ang bigat ng kanyang kalooban.

Natigilan siya nang makitang mariing nakatingin si David sa kanya mula sa window glass ng pintuan. Blangko ang ekspresyon ng mukha nito pero mukhang hindi naman ito galit. Agad naman itong umalis doon at mukhang nilapitan ang kanilang anak. Kumalas siya sa kanyang ina saka pinahid ang mga luha.

SHOTGUN MARRIAGE  (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon