Inilibot ni Resha ang paningin sa bahay ng pamilya ni David sa Memphis, isang siyudad sa Tennessee kung saan matatagpuan ang Cancer Institute na pagdadalhan nila kay Dan-dan.
Nakarating na sila sa America at halos lumuwa ang mga mata niya sa ganda at linis ng lugar. First time niyang makarating ng America at talagang namamangha siya.
Malaki, maaliwalas at malinis ang bahay nina David ngunit pakiramdam niya ay masyadong malaki ang bahay para sa kanilang tatlo. Wala raw katulong doon at tanging isang caretaker lang ang nakabantay sa buong bahay.
Nayakap niya ang sarili habang nanunuot ang lamig sa kanyang katawan. Nakasuot na siya ng makapal na jacket pero nilalamig pa rin siya. Mukhang magwi-winter na sa lugar.
"There's a Hearth inside, if you feel cold, we can ignite the fire," sabi ni David sa kanya habang karga-karga ang tulog na si Dan-dan. Hindi niya namalayang nakalapit na pala ito sa kanya.
Kasunod nito ang binayarang mga tao para dalhin ang mga maleta nila sa loob ng bahay. Ayon dito, mananatili sila sa bahay na iyon hanggang sa gumaling si Dan-dan. Wala raw itong pakialam kung aabutin ng taon basta makasiguro silang mabubuhay ang anak nila.
Ganoon ito kapursigidong mabuhay si Dan-dan. Hindi ito tumitigil hanggat hindi nakukuha ang gusto nito o nangyayari ang nais nitong mangyari. Kung sana'y may ganoon din siyang tibay ng loob.
Napagtanto niyang kahit nakamtan na niya ang gusto niyang marating sa buhay ay nananatili pa rin ang kahinaan ng kanyang loob.
Takot siyang sumubok, takot siyang mabigo. Kung wala marahil ito sa tabi niya ngayon ay baka hindi na niya alam ang gagawin niya. Ito ang nagsisilbing gabay niya sa pagpapagamot kay Dan-dan.
Ipinangako niya sa sariling hindi na ito susuwayin o aawayin. Tatanggapin na lang niya lahat ang gagawin at sasabihin nito sa kanya, makabayad lang siya sa utang na loob niya rito dahil sa pagpapagamot kay Dan-dan.
"M-may kusina ba rito?" wala sa loob na tanong niya. Bigla kasing naisipan niyang ipagluto ito. Sa ganoong paraan ay magkasilbi man lang siya kahit paano dito.
Nakita niyang kumunot ang noo nito sa tanong niya ngunit sinamahan naman siya papuntang kusina. Napamaang naman siya sa laki at lawak ng kusina nito.
Lumapit ito sa mga tokador at binuksan isa-isa ang mga iyon.
"If you want anything; recipe, plates, caserrole or something...you can find it in every corner of this room. If something's lacking, just tell me and I'll buy it for you. Cook whenever you want," pagpapaubaya nito.
Tahimik na tumango siya. Iginala niya uli ang mga mata sa loob ng kusina. Napapangiti siya sa dami ng mga kagamitan doon.
Nang mapansing titig na titig si David sa kanya ay nag-iwas siya ng tingin at nagkunwaring tinitingnan ang credenzias sa kanyang tabi.
Mayamaya'y lumapit ito sa kanya hanggang sa tumayo ito mismo sa kanyang harapan. Tila bigla siyang kinapos ng hininga saka napayuko. Amoy na amoy niya ang panlalaking pabango nito.
Hindi niya kayang salubungin ang mga titig nito na siyang ikinakainis niya sa sarili. Kailan pa siya naapektohan ng ganoon sa lalaki?
Nagulat siya nang biglang hawakan nito ang baba niya saka iyon itinaas upang masalubong niya ang mga mata nito. Nag-init ang kanyang mukha sa ginawa nito.
"Can we have a truce, Resha?"
Bigla siyang naumid at hindi makasagot.
Nagpatuloy ito.
"Let's be civil with each other. Both of us needs respect and teamwork to help Dan-dan."Gusto sana niyang sabihing ito lang naman ang hindi rumerespeto sa kanya at laging nakasinghal kahit hindi naman dapat. Pero nanatili siyang tahimik at piniling tumango na lamang sa sinabi nito.
Mukhang nakontento naman ito sa pagtango niya at binitiwan na ang kanyang baba. Nakahinga siya ng maluwag.
-----------------------------------------Na-promote si Resha. Imbes na sa lapag ay sa malaking couch na siya nakahiga. Si David ay sa malaking kama pa rin na kasya ang tatlong katao. Hindi na siya nagreklamo, titiisin niya ang lahat para sa kanyang anak.
Ito rin ang nag-offer sa kanya ng couch kahit nagsisimula na siyang humiga sa lapag kanina. Hindi uli siya nagkomento para hindi na lumawig pa ang diskusyon. Pabor din sa kanya iyon dahil masyadong matigas ang lapag, sumasakit ang likod niya. Ilang araw na niyang iniinda iyon.
Napatingin siya sa lalaki. Nasa gilid lamang ng kama nito ang couch na hinihigaan niya kaya kitang-kita niya ang side profile ng mukha nitong mahina nang humihilik. Humiga siyang paharap dito at pinagmasdan ang mukha nito.
Sa anggulong iyon ay kamukhang-kamukha nito si Dan-dan. Napakagwapo talaga nito. Hindi niya ikakaila iyon dahil totoo naman. Pero ang bibig nito'y wala talagang preno. Napakabrutal nitong magsalita.
Pero kahit ganoon ang lumalabas na mga salita sa bibig nito ay walang kasing husay naman iyong humalik. Bigla siyang pinamulahan ng mukha sa kanyang naiiisip. Pinukpok niya ang ulo, nagbabasakaling mawala ang kahalayan sa utak.
Ano ba, Resha? Nakakahiya ka! Pinagnanasaan mo ang asawa mo! Malamang pinatulan ka lang niyan dahil wala na siyang choice. Wala si Jessica! Hindi dahil maganda ka o naaakit siya sa'yo, wala lang talaga si Jessica! Tapos!
Nalungkot siya nang maalala ang babae. Sino kaya si Jessica? Malamang ay mayaman at maganda rin ito. Siyempre hindi naman pipili si David nang hindi nito ka-level. Pipiliin nito ang babaeng papantay sa estado nito nang sa ganoon ay hindi ito mapahiya sa sirkulong kinabibilangan nito. Minalas lang ito at sa kanya ito bumagsak.
Nahigit niya ang hininga nang makitang gising si David at kunot-noong nakatingin na sa kanya. Nag-init ang kanyang mukha.
"You know, if you want to make love to me, you can easily jump into my bed. I'll be happy to do you the honor," panunudyo nito, pigil ang ngiti.
Lalong nag-init ang mukha niya sa sinabi nito saka mabilis na tinalikuran ito. Hindi pa siya nakontento at itinalukbong ang kumot sa ulo. Hiyang-hiya siya at nahuli siya nitong nakatingin dito habang tulog. Baka pag-isipan na naman siya nito ng masama.
Narinig niya ang matunog na halakhak nito sa kanyang likuran. Lalo siyang namula. Napangiti rin siya kapagkuwan. Biglang pumintig ng malakas ang puso niya sa tila musikang pagtawa nito.
Sana ganoon lagi ito, nasa light mood. Sana tumigil na rin ito sa pang-aakusa sa kanya. Sana mamuhay silang mapayapa at hindi nag-aaway.
Sana mahalin rin niya ako...
BINABASA MO ANG
SHOTGUN MARRIAGE (COMPLETED)
General FictionIsang shotgun marriage ang nangyaring kasal ni Resha. At ang masaklap, sa ex-boyfriend niya pang nanloko sa kanya 9 years ago! Paano niya pakikisamahan ito sa iisang bahay kung araw-araw ay inaakusahan siya nitong baliw na baliw pa rin dito at ang s...