Prologue

301 13 6
                                    


Isa akong nilalang na kinatatakutan ng lahat. Nilalayuan. Isang nilalang na kapahamakan lang ang dala sa kanila. Lahat gusto akong patayin. Lahat sila gustong mawala ang isang kagaya ko rito sa mundo.

Ni minsan hindi ako nanghamak o nakasakit ng tao. Lagi akong nagtatago at hangga't maaari'y lagi akong lumalayo.

Minsan kahit yung lugar na naging tahanan ko ng matagal ay kinakailangan kong lisanin dahil sa kahit saan ako magpunta, hinahabol nila ako.

Wala akong magawa kundi ang lumayo ng lumayo. Ni minsan hindi nila naisip na may pakiramdam din ako at nasasaktan sa trato nila.

Hindi ako lumalapit sa mga tao. Lagi lang akong nakatanaw sa malayo at hinihiling na sana ay magawa ko rin ang mamuhay ng matiwasay at mapayapa gaya ng mga tao pero hindi, dahil kahit kailan ay hindi ko na maibabalik ang dati kong buhay. Na kahit kailan ay hindi na ako magiging tao.

Napaluha ako sa naisip ko. Sa dalawang taong pagiging taong ahas ko, hindi ko na naramdaman pa ang maging masaya.

Lungkot. Yun ang laging lumulukob sa puso kong nangungulila sa pag-aaruga at pagmamahal. Na minsan naiiyak na lang ako sa isiping habang buhay ay mag-isa na lang ako, na wala nang magtatangkang makasama at magmahal sa isang tulad ko.

Tahimik kong nilisan ang kinalalagyan ko at bumalik sa abandonadong tirahang tinitirhan ko sa matagal na panahon.

Humiga ako sa malamig na sahig, ipinulupot sa katawan ko ang sarili kong katawang ahas para mabigyan ng init ang nanlalamig kong likod.

Bago ako makatulog, isang butil ng luha ang kumawala sa mata ko. Ganito kasaklap ang buhay ko. Na ang tangi kong nagagawa ay ang umiyak hanggang sa matulog.

Sa dalawang taong pagiging ganito, hanggang ngayon hindi pa rin ako nasasanay. Namimiss ko na ang pamilya ko. Ni hindi nila alam ang kinahinatnan ko, dahil natakot ako. Natakot akong pati sila ay katakutan ako. Natakot akong hindi nila tanggapin ang bagong ako. Isang nakakatakot na halimaw.

Nung minsang magmahal ako, akala ko ay matatanggap na niya ako. Na kahit ano pang maging anyo ko ay wala lang sa kanya, pero nagkamali ako.

Nang minsang ilantad ko ang anyo ko, bigla na lang siyang lumayo. Bakas ang takot sa kanyang magandang mukha. Kung gaano siya nagimbal sa pag-amin at paglantad ng pagkatao ko.

Tumakbo siya palayo at iniwan akong luhaan at durog ang puso.

Siya mismo ang nagsumbong sa mga taong naghahabol sa'kin sa kinaroroonan ko at halos mapatay nila ako sa tama ng bala.

Pero imbes na magalit, iniyak ko na lang iyon. Kasalanan ko din naman na umasa akong may tatanggap pa sa'kin. Lalo na't ganito ang itsura ko.

Alam ko sa sarili ko na kahit ganito ako, ni minsan hindi ko nagawang manakit ng tao dahil alam kong 'di hamak na lamang ako ng ilang porsyentong lakas laban sa kanila. Na isang hampas ko lang sa kanila gamit ang buntot ko ay maaari ko silang mapatay na ayokong mangyari.

Halimaw man ang tingin sa'kin ng lahat, hinding hindi ako papatay para lang iligtas ang sarili ko... maliban na lang kung taong mahal ko ang damay dito.

The Half SnakeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon