Chapter XVII

191 9 0
                                    


Christina's POV

Sinunod ko ang sinabi nung hunter. Pumunta ako sa lugar na sinabi niya sa oras na binigay niya.

Nanginginig ang kamay ko habang tinatahak ang daan patungo sa lugar kung saan nakakulong si Alexander.

Kasama ko ang leon at squirrel. Hindi ko alam kung bakit nagkusa ang mga ito na sumama. Siguro dahil na rin sa kaibigan rin sila ni Alexander.

Kumabog ang dibdib ko nang matanaw ko na ang isang malaking kulungang gawa sa matitibay na bakal na hindi madaling sirahin dahil sa kapal.

Lumapit ako roon at tinignan ang loob nito. Napatakip ako ng bibig ng makita ko si Alexander. Pigil ang hikbi ko habang tinitignan ko siya na nasa ganoong kalagayan. Makikitang nanghihina na siya at may ilang sugat din siya sa kanyang katawan na siguradong kagagawan ng mga hunters. May ilang paso din akong nakikita sa kanyang kalahating katawang ahas.

Hindi ako sanay na makita siyang ganito. Ni minsan hindi ko naisip na makikita ko siya sa ganitong estado, na hinang-hina at halos hirap nang gumalaw.

Nakita kong dahan-dahang dumilat ang mga mata niya. Nakita ko ang gulat sa mukha niya ng makita niya ako.

"Christina..." Halos pabulong niyang sabi. Nakita ko ang pagguhit ng ngiti sa labi niya na lalong nagpakirot sa puso ko. "Nandito ka."

Gumapang siya palapit sa akin. Awang-awa ako sa kanya nang makita kong pilit siyang gumagapang palapit sa akin sa kabila ng panghihina niya.

Nang makalapit siya'y umupo ako para mapantayan siya.

Nginitian niya ako. "Akala ko... akala ko 'di na kita makikita." Halos pabulong niyang saad.

"Alexander." Naiiyak kong saad.

Napaiyak ako lalo ng masuyo niyang sinapo niya ang mukha ko. Hinawakan ko ang kamay niya na nasa pisngi ko.

Gustong-gusto ko siyang yakapin pero 'di ko magawa dahil sa rehas na bakal na nakaharang sa amin.

"Shh. Huwag ka nang umiyak." Sabi niya saka pinalis ang luhang lumalandas sa pisngi ko. "Nalulungkot ako kapag nakikita kitang umiiyak."

"Alexander, sorry." Humihikbing saad ko. "Sorry kung iniwan kita. Sorry kung tumakbo ako palayo. Sorry dahil kung hindi kita iniwanan hindi ka nila mahuhuli at hindi ka sana nasadlak sa ganitong sitwasyon. Sorry."

"Wala kang kasalanan. Natural lang ganon ang naging reaksyon mo. Sino ba naman ang hindi matatakot pagkakita sa itsura ko?" Sabi niya saka malungkot na ngumiti. "Ang importante nakita na ulit kita, kahit sa huling pagkakataon." Sabi niya.

Hinawakan niya ang kamay ko saka diretso akong tinignan. "Gusto kong lumayo ka na pagkatapos nating mag-usap. Gusto kong magsimula ka ulit. Gusto kong mamuhay ka ng normal. Umuwi ka sa inyo, ayokong iwan kang nag-iisa rito. Sasamahan ka nina leon hanggang sa bayan. May naitago akong pera na nasa mga gamit ko. Gamitin mo iyon para makauwi ka. Ipangako mo sa akin na aalagaan mo ang sarili mo." Mahinang sabi niya na mas lalong nagpaiyak sa akin.

Inilapit niya ang mukha ko sa kanya saka dinapian ng isang magaan na halik ang noo ko. "Mahal na mahal kita Christina. Gusto kong malaman mo na masaya ako at nakilala kita, na dumating ka nung araw na iyon sa buhay ko. Ikaw ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko. Sa konting panahon na nakasama kita, pinaramdam mo sa akin kung paano ulit sumaya. Na pwede din pala akong magmahal at mahalin. Na kahit ganito ako at tao ka, pwede din pala tayo. Hindi man tayo habangbuhay na magkakasama alam kong habangbuhay kitang mamahalin. Mahal na mahal kita at kung mabubuhay ako ulit sa ibang panahon, ikaw pa rin yung gusto kong makasama at mahalin kahit panandalian lang o kahit maging ganito ulit ang kahihinatnan non."

The Half SnakeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon