Chapter XVIII

174 6 2
                                    

Christina's POV

Napapikit ako muli dahil sa nasilaw ako sa liwanag ng araw na tumatagos sa tubig na bumabagsak mula sa talon.

Bumangon ako't nilingon si Alexander na mahimbing pa ring natutulog. Tumayo na ako at pinagpag ang damit kong nadikitan ng alikabok at ilang tuyong dahon.

Lumabas ako. Sumalubong sa akin ang malamig na simoy ng hangin kaya napayakap ako sa sarili ko. Pinagmasdan ko ang paligid at bumungad sa akin ang isang napakagandang tanawin.

Ang kulay bughaw na tubig na galing sa talon na dumadaloy patungo sa kadugtong nitong ilog, ang mga matataas at berdeng-berde na mga puno, ang ilang makukulay na bulaklak na makikita sa paligid ng talon at ang ilang mga paru-parong lumilipad at dumadapo sa mga bulaklak.

Nilibot ko ang paningin ko sa paligid. Nakita kong may isang makipot na daanan sa kanang bahagi ng talon na patungo sa ibaba ng talon. Para itong hagdan kung saan bato ang nagsisilbing steps.

Dahan-dahan akong bumaba dahil sa baka gumuho yung daanang yun o 'di naman kaya'y madulas ako pababa.

Nang makarating ako sa baba ay nakita kong may balsa roon na gawa sa kawayan. May nakakabit ditong tali na nakasabit sa isang kahoy na nakapasak sa lupa at isang mahabang kahoy na sa tingin ko ay gamit sa pagtulak ng balsa.

Sumampa ako sa ibabaw ng balsa. Muntikan pa akong mapasubsob dahil sa biglaan kong pagsakay na naging dahilan para maging magalaw ito.

Inalis ko ang tali ng balsa na nakakabit sa nakapasak na kahoy saka ko inabot ang mahabang kahoy at nagsimulang itulak palayo ang balsa kung saan ako nakasakay. Nang marating ko ang gitna ay tumigil na ako sa pagtulak. Umupo ako roon habang tinitignan ang paligid hanggang sa naisipan kong tumayo. Kalmado lang naman ang tubig kaya hindi naman siguro ako matutumba. Mahina lang din ang pagdaloy ng tubig.

Lumingon ako at nakita kong nahulog sa tubig ang dulo ng lubid ng balsa. Akmang aabutin ko ang dulo nito ng biglang naramdaman kong bumangga ang sinasakyan ko. Nawalan ako ng balanse hanggang sa naramdaman ko na lang ang pagsalpok ng katawan ko sa tubig.

Sinubukan kong iangat ang sarili ko pero naramdaman kong pinulikat ang kanang binti ko. Nauubusan na ng hangin ang baga ko at konti na lang ay papanawan na ako ng ulirat.

Bago ko tuluyang maisara ang mata ko'y nakita kong may lumalangoy palapit sa kinaroroonan ko, pagkatapos non ay tuluyan na akong nilamon ng kadiliman.

Alexander's POV

Nagising ako ng may isang mabalahibong bagay ang humahampas sa mukha ko. Nung una inignora ko lang ito pero nung naulit pa ay inis na dinilat ko ang mata ko. Bumungad sa akin ang mukha ng squirrel. Nagsimula na itong magtatatalon.

"Buti na lang gising ka na. Kanina pa kita ginigising pero tulog mantika ka." Sabi nito na may pagkakataranta.

Agad kong napansin na wala sa tabi ko si Christina. "Si Christina?" Tanong ko.

"Yun na nga. Nahulog siya sa tubig. Hanggang ngayon 'di pa rin umaahon." Sabi nito na nagtatatalon pa din.

Agad akong napabangon sa narinig ko mula sa squirrel. Patakbo akong lumabas at halos talunin ko na ang daan pababa sa sobrang pagmamadali.

Nakita ko sa may dulong parte ng talon kung saan maraming naglalakihang bato ang balsang gawa sa kawayan.

Tumakbo ako sa palapit roon saka tumalon sa tubig.

Sa unang subok ay 'di ko siya nahanap. Huminga ulit ako ng malalim saka sumisid at ilang sandali lang ay nakita ko na siya sa may kalalimang parte at wala nang malay.

The Half SnakeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon