Chapter XXIV

129 2 0
                                    

Christina's POV

Hindi ko ininda ang labis na pagkirot ng sugat sa aking binti. Ang mahalaga sa akin ay ang makaalis dito at ang makalayo sa kanya.

Marahas kong pinunasan ang luhang hindi pa rin tumitigil sa pag-agos.

Sumandal ako sa puno ng makaramdam ng pagkahilo. Ipinikit ko ang mga mata ko pero pagkadilat ko'y nanatiling umiikot ang paningin ko.

Naglakad akong muli kahit na hindi ko makita ng diretso ang aking dinadaanan. Naramdaman kong unti-unti akong nanghihina.

Pilit kong nilabanan ang nararamdamang panghihina at pagkahilo. Pero nakakailang hakbang pa lang ako ng tuluyan na akong nabuwal mula sa pagkakatayo.

Bago pa ako tuluyang mawalan ng malay, may nakita akong naglalakad patungo sa kinaroroonan ko. Hindi ko na magawang tignan ang mukha niya dahil tuluyan na akong nilamon ng kadiliman.

Nagising ako nang maramdamang may malamig na bagay ang tumutulo sa pisngi ko.

Iminulat ko ang mata ko at iginala sa paligid ang paningin ko. Nasa isa akong madilim na silid na tanging liwanag lang na tumatawid sa bintanang may bakal na rehas ang nagbibigay liwanag sa kinaroroonan ko.

Sinubukan kong tumayo pero sa unang subok ay agad din akong nabuwal. Nasapo ko ang aking sugatang binti nang kumirot ito dahil sa pagkakatumba.

Hinintay ko munang mabawasan ng kahit na konti ang nararamdaman kong kirot bago ko sinubukan muling tumayo.

Sa pangalawang subok ko ay nakatayo ako kahit nanginginig ang tuhod ko.

Naghanap ako ng pintuan pero wala akong makita, tanging isang bintana lang ang meron.

Lumapit ako sa bintana at sumilip sa labas. Nalula ako sa taas ng kinaroroonan ko.

Tanging ang tunog ng hampas ng alon lang ang maririnig.

"Nasaan ba ako?" Sambit ko sa sarili ko. "Paano ako nakarating dito?"

"Ako ang dahilan kaya ka narito."

Lumingon ako sa pinanggalingan ng boses. "Vera."

"Ako nga." Saad niya. "Mabuti na lang at wala si Alexander nung nakita kita kundi baka wala ka ngayon dito, dito sa magiging kulungan mo." Naglakad ito palapit sa akin. "At ngayong narito ka na, maaari ko nang gawin ang pinlano ko."

"Anong pinagsasasabi mo?" Nakaramdam ako ng kaba.

Nakita kong may bitbit siyang isang punyal habang papalapit sa akin. "Kung hindi niya ako kayang mahalin bilang si Vera, kukunin ko na lang sa'yo ang katawan mo." Sabi nito saka ako sinaksak sa tiyan.

"A-anong..." Hindi ko nagawang ituloy ang sasabihin dahil naramdaman kong parang sinusunog ang katawan ko.

Napasigaw ako sa sakit dahil para akong sinusunog ng buhay.

Tumagal ng ilang minuto ang ganong pakiramdam hanggang sa unti-unting umaayos ang pakiramdam ko.

Habol-habol ko ang aking hininga at tinignan ng masama si Vera na nakangising tinitignan ako.

Bumangon ako mula sa pagkakahiga. Nagtaka ako ng wala akong maramdamang sakit sa katawan ko.

Ineksamin ko ang sarili ko at nakitang wala na ang sugat ko sa binti pati na rin ang saksak na natamo ko mula sa kanya.

"Wala na ang mga sugat ko. Akala ko ba..." Tumingin ako kay Vera at nakita kong nakangisi ito at napatingin sa likuran ko.

Sinundan ko ang tingin niya at nagulantang ako sa nakita.

The Half SnakeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon