Chapter 6

31K 762 37
                                    


 SERMON pa yata mula sa kanyang Papa ang sasalubong kay Dixon sa pag-uwi niya sa Maynila noong hapong iyon. Mabait, maunawain at mapagpasensiya ang kanyang amang si Rene Rosales ngunit sumasabog din ito kapag napuno na. Ramdam niyang matagal na itong may gustong sabihin sa kanya tungkol sa kanyang pakikipag-ugnayan kay Haley ngunit nagpipigil lamang ito.

"Aatakehin ako sa puso sa iyong bata ka!" bulalas nito pagkababa pa lamang niya mula sa jeep sa car port ng kanilang bahay.

"Lilinisin ko ho ang kotse," sabi niya naman agad dito nang mapansing puno ng alikabok at marumi ang mga gulong ng owner-type jeep.

"Hindi ang sasakyan ang inaalala ko kundi ikaw, Dixon," anang ama.

"'Pa, sa Batangas lang ho ako galing, hindi sa Tawi-Tawi. Saka heto na ako ngayon sa harapan niyo, buong-buo." Eksaherado pa siyang marahang umikot sa harapan nito. "See? Walang labis, walang kulang."

Ngunit seryoso talaga ang kanyang Papa. "Hanggang saan ka dadalhin niyang kabaliwan mong 'yan kay Haley?"

Napatingin siya dito. Ito na nga yata ang hinihintay niya. "Kabaliwan— Ano hong ibig niyong sabihin? Ipinakilala ko na sa inyo nang maayos si Haley, hindi ho ba? She's my girlfriend. At seryoso ako sa nararamdaman ko sa kanya."

"Diyan nga ako natatakot, sa kaseryosohan mo sa kanya."

"'Pa, ano ba'ng gusto niyong tumbukin? Nasa isang relasyon ho ako, dapat lang naman na magseryoso ako, hindi ho ba?"

"You are acting like some lovestruck puppy, Dixon! Gabi-gabi na lang kung wala ka dito sa bahay at kasama si Haley—"

"Noon lang naman hong wala dito sa bansa ang Mommy niya."

"Bakit, dahil hindi alam ng kanyang ina ang relasyon niyo?"

Hindi siya nakapagsalita.

"Sa pagpunta mo sa Batangas, may nakilala ka ba sa kanyang mga kamag-anak bukod sa kanyang pinsan?"

Napasulyap siya sa kakambal na si Duncan na kalalabas mula sa side door ng bahay at naupo doon hawak ang cellphone na tila may nilalaro doon. Ngumisi lang ito sa kanya tanda ng pag-amin na tsinismis na nito ang usapan nila sa telepono kagabi sa kanilang ama.

"Tinatanong kita, Dixon," untag ng kanyang Papa.

Umiling na lamang siya't yumuko.

"Is this what I've been thinking?" dudang untag uli nito. "Hindi gusto ng ina ni Haley ang magkaroon siya ng hindi mayamang nobyo kaya hindi ka pa niya ihinaharap—"

"Tama ho kayo," putol niya sa litanya ng ama. Hindi na niya kayang marinig pang ipinapangalandakan sa kanya ang katotohanang iyon. It was painful and frustrating but that was the inescapable truth.

Not that he didn't had any doubts about it before. Iyon naman talaga ang unang iisipin ng kahit na sino sa kanilang sitwasyon ni Haley. Ngunit nagtiwala naman siya sa sinabi sa kanya ng dalaga na istrikto lamang ang ina nito kaya patago ang kanilang relasyon.

"Iho, siguro habang maaga pa'y pag-isipan mo na itong mabuti."

"Mahal ko ho siya, Papa. Ayaw kong mawala siya sa akin."

"Bata ka pa, marami pang puwedeng mangyari sa buhay mo. Marami ka pang ibang babaeng makikilala."

"Hindi na ho ako bata," mahina ngunit madiing sabi niya.

"You're only twenty-one years old, Dixon!" singhal ng ama.

"I'm already an adult!" gagad naman niya.

Old Flames (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon