TOTOO nga'ng walang lihim ang hindi nabubunyag dahil hindi nagtagal ay nalaman din ng Mommy ni Haley ang ugnayan nila ni Dixon.
"Answer me, Haley Dane!" Dumadagundong ang boses ng biyuda sa buong kabahayan nang gabing iyon.
May nagsumbong daw ditong nakakita sa kanila ni Dixon na magkasama sa mall nang hapong iyon— isang kapitbahay, or katulong ng kapitbahay, hindi na niya alam. At useless ding alamin pa ang naghatid ng balita sa kanyang ina dahil sukol na sukol na siya sa kanyang gulat at takot na reaksiyon pa lamang. Hindi niya naman maitatangging walang bahid ng romansa ang pakikipag-ugnayan niya sa kasamang lalaki dahil akbay-akbay siya nito, kundi hawak sa kamay sa tuwing naglalakad-lakad sila. At alam ng inang hindi siya nagpapahawak ng ganoon sa kahit na sinong lalaki.
"Sino ang lalaking kasama mo?" kastigo pa ni Lucille.
Nagtungo siya ng ulo at pinisil-pisil ang mg daliri sa kamay bago nagawang sumagot. Useless na para itago pa ang lahat. "B-boyfriend ko, Mom."
"Bakit hindi mo sinasabi sa aking may boyfriend ka na pala?"
Hindi siya sumagot. Nanatili siyang nakatungo.
"Is he rich?"
Noon na siya nag-angat siya ng ulo. Is he rich? Ganito ba talaga ka-matapobre ang kanyang ina at iyon agad ang tanong nito sa kanya? Hindi ba dapat ang itinatanong nito agad sa kanya ay kung mahal ba siya ng lalaking kasama niya?
"No."
"Bullshit, Haley!" tili nito na napasabunot pa sa buhok. "Iyan na nga ba ang pinangangambahan ko sa iyo noon pa! Sinabi na kasing iwasan mo ang makisalamuha sa mga hampas-lupang—"
"He's not poor, either!" pagtatanggol niya kay Dixon. "College graduate siya at may trabaho. Saka disente ang pamilya niya, Mommy."
"Anong trabaho niya?"
"Finance clerk sa isang insurance company."
"A clerk?" halos lumuwa ang mga matang bulalas ng biyuda. "Ang inaasahan ko pa naman ay manager or a CEO of a big company!"
"Mommy, kaka-graduate niya lang sa college last year, you can't expect him to be a boss right away!"
"Of course he can't be a boss. And he will never be a boss! Kung may pag-aari lamang siguro siyang negosyo—"
"Please Mom, I don't wanna argue with you about this."
"Itigil mo na ang kabaliwan mong ito, Haley," may halong bantang pangmamando ng ina.
"But I love him!"
Tumaas na nang tumaas ang boses ng ina. "At anong nalalaman mo tungkol sa pag-ibig?"
"Nararamdaman ko 'yun!"
"Puwes, puwede kang malinlang ng iyong nararamdaman. Hindi mo naisip na maaari kang mapahamak sa ginagawa mong 'yan? Gaano na kayo katagal magkakilala ng lalaking 'yan?"
"Almost two months."
Humawak ito sa noo. "Dios mio!"
"He feels the same way for me. Mahal din niya ako."
"Dahil iyon ang sabi niya sa iyo at pinaniwalaan mo naman? How could you be so sure, Haley? How? Dahil sa matamis niyang pananalita sa iyo? Dahil pinangakuan ka niya ng masayang buhay? Dahil pinatikim ka niya ng mga halik? Mga yakap? Por Dios, por santo— huwag mong sabihing... May nangyari na ba sa inyo?"
Umiling na lamang siya bilang kasagutan.
"How could you do this? This is so stupid and reckless! Parang hindi ka nag-iisip!"
BINABASA MO ANG
Old Flames (COMPLETE)
RomancePublished under PHR in 2012. Mild SPG scenes. My first attempt in drama. Charot. Haha! Kung kilala ninyo ang playboy na si Duncan, this is the story of his twin brother Dixon. Spin-off ito ng Dreams of Passion: Duncan and Melina. Enjoy reading! ^_^