VI

14 1 0
                                    

Po? Pero ano po kasi... eh, wika ng nangangatal na boses ni Arthur sa sinabi ng tatay ni Shai.

Bakit? Ayaw mo ba sa anak ko? Ikaw lang ang pinayagan ko na umakyat ng ligaw sa kanya.

Humarap si Shai sa kanyang tatay. Bawiin niyo ang sinabi niyo, Papa! Hindi naman siya nanliligaw eh. Magkaklase lang kami. At tsaka...

Bakit? Hindi naman masama ang sinabi ko. Ayaw mo nun? Hindi niyo na kailangang magtago sa akin dahil pinapayagan ko na kayo. Basta dito lang kayo sa bahay mag-uusap. Maliwanag?

Hindi nakapalag sina Shai at Arthur.

Nang makatapos silang kumain, inihatid ni Shai si Arthur sa harap ng kanilang bahay. Pasensiya ka na kay Papa. Huwag mo na lang pansinin ang sinabi niya. Mabiro lang 'yun.

Okay lang 'yun, Shai. Isipin na lang natin na hindi ito nangyari. Kahit nga ako eh nabigla din sa Papa mo.

Pero bago ka umalis, may mga gusto akong malaman.

Ano 'yun?

Nagtataka lang ako sa 'yo. Sa mga nangyayari kapag kasama ka, parang ibang tao ka. Ang kilala ko kasing Arthur eh isip-bata, mahilig makipaglaro, at tamad mag-aral. Pero sa nakikita ko sa 'yo eh ang exact opposite ng personality na alam ko. May itinatago ka ba sa akin?

W-wala. At kung meron man, malalaman mo din balang araw.

Noong hawak ko kasi 'yang smart phone mo, nagtataka lang ako kasi ang layo ng hitsura niyan sa mga celphone na alam ko.

Ano ka ba? Hindi mo kailangang mag-isip ng mga bagay tulad nito. Ordinaryong gadget lang ito.

Talaga?

Oo, Shai. Di mo kailangang mag-alala. Umakbay si Arthur kay Shai. Bigla siyang nakaramdam ng parang kuryente sa kanyang katawan. Agad na siniko siya ni Shai sa kanyang sikmura.

Sinabi ni Papa na puwede ka nang manligaw pero hindi niya sinabi na hawakan mo ako. Alisin mo nga 'yang kamay mo. Baka masapak pa kita eh.

Agad na lumayo si Arthur at lumapit sa kanyang bisikleta. Biglang naging seryoso ang mukha niya. Shai, bumalik na naman ang nararamdaman ko para sa 'yo. Ang tagal kong pinangarap na muli kang mahawakan, bulong niya sa sarili habang napabuntong-hininga ng malalim.

Lumapit si Shai at hinawakan ang kanyang kamay. Arthur, sana huwag kang magbago. Pakiramdam ko kasi na ibang tao ka na. Alam ko naman na palagi kang nandyan para sa akin dahil magkaibigan tayo simula pa noong elementary. Mag-iingat ka pauwi.

Oo. Ikaw din. Hinawakan ni Arthur ang balikat ni Shai at tinapik ng dahan-dahan. Pero hindi siya makatingin ng diretso.

...

Nakarating si Arthur sa bayan at tumigil siya sa harapan ng simbahan. Diyos ko, ano ba ang plano niyo sa akin? Kailangan ko ba talagang bumalik dito sa nakaraan para maitama ang mga pagkakamali ko kay Shai? Hindi pa din malinaw sa akin ang mga nangyayari.

Alam mo Arthur, may dahilan kung bakit ka nandito sa nakaraan. Napalingon siya sa boses na galing sa likod niya. Nakita niya ang matandang lalaki na nakasuot ng security guard.

Kung ganun Manong, ano ba ang dapat kong gawin?

Hindi ba't sinagot ko na yan? Ikaw ang bahalang tumuklas ng kung ano ang dahilan kung bakit ka narito.

Ayoko nang makipaglaro, Manong. Pwede ba na ibalik mo na ako sa panahon ko?

Kahit gustuhin ko man, hindi ko 'yun kayang gawin. Makakabalik ka kahit anong oras. Pero alam ko na hindi mo pa gustong bumalik sa panahon mo. Hindi mo kailangang magmadali. Manatili ka muna dito.

...

Nakatayo si Arthur sa isang pintuan sa kanilang bahay. Nakatingin siya sa kanyang orasan. 12:12:03 na ng hatinggabi. Dapat ba akong pumasok? Oo. Dapat akong pumasok ngayon para mapigilan ko pa ang mga bagay na puwede pang mabago. Ang kaso, saan naman ako dadalhin sa pagkakataong ito?

Eksaktong 12:12:12 ng hatinggabi nang pikit-matang pumasok si Arthur sa pintuan. Nang inimulat niya ang kanyang mga mata, laking gulat niya nang nasa computer laboratory siya ng school. Napaisip siya ng matagal. Ano na ang susunod na mangyayari? Bahala na...

Lumabas sa computer laboratory si Arthur. Laking gulat niya na may Intramurals ngayon sa school. Nakadungaw siya mula sa taas at kitang-kita niya ang mga nangyayaring sports events tulad ng basketball, volleyball, table tennis at marami pang iba sa Little Baguio, ang isang hagdang-hagdang hardin na tulad ng sa Burnham Park, Naalala niya na wala na ito sa kanyang panahon na napalitan na ng covered court.

Hindi ko na matandaan ang nangyari dito. Ano nga ba? Bumaba siya sa hagdanan. Hinarang siya ng dalawang CAT officer. Ano ang ginagawa mo dito? Bakit nasa labas ka, tanong ng isang officer.

Galing ako sa computer room. May ipinaayos lang 'yung computer teacher sa akin. Pinapasok ng mga ito si Arthur sa Little Baguio na kung saan ginaganap ang Intramurals. Napansin din niya na maraming pulang lobo na may korteng puso sa paligid. Ang ibang babaeng estudyante ay may mga dalang bulaklak, chocolates at stuffed toys.

Teka, ibig sabihin nito eh... Valentine's Day din ngayon? Naku po!

Bigla siyang tinapik ni Lex. Dude, saan ka ba galing? Kanina ka pa hinahanap ng tropa. Kailangan na natin gawin ang tradisyon natin kapag Valentine's Day!

Bumalik sa alaala ni Arthur ang sinasabing tradisyon. Magbibigay sila ng chocolates, bulaklak at stuffed toys sa babaeng gusto nila. Naisip niya si Karla, ang kanyang niligawan mula first year hanggang fourth year.

Kilala si Karla dahil isa siya sa mga magaganda at matalinong estudyante sa school. Naaalala niya na palagi siyang basted kapag naglalakas-loob siyang ipagtapat ang gusto niya. Pero mas gusto ni Karla ang mga varsity players at may kotse. Ngunit walang tumatagal na lalaki sa kanya. Kung ano man ang dahilan, walang nakakaalam.

Mula sa taas ay nakita niya sina Lex, Jeffrey at Ryant Roi na ibinigay ang kanilang mga dala sa mga babaeng gusto nila. Pero tulad ni Arthur, silang lahat ay basted.

Lex, bakit ba natin ito ginagawa kahit alam natin na basted tayo, tanong ni Arthur

Dude, mas mabuti na 'yung ginagawa natin ito dahil mahirap na pagsisihan sa huli kung hindi natin ipapakita ang tunay nating nararamdaman sa taong gusto natin. Alam mo 'yun dude? Gawain ng mga maginoo ito.

Para walang pagsisihan... biglang bumalik sa alaala niya ang nangyari noong araw na 'yon. Hindi na niya binigyan si Karla ng mga regalo bagkus ay ikinain na lang niya ang perang pambili sa Dunkin' Donuts.

Habang naglalakad, nakasalubong niya si Karla na nagmamadali papunta sa kanya.

Arthur, pwede ba kitang maging date ngayong Valentine's Day?

#TurnBackTime (The Chronicles of Arthur Lee)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon