III

17 1 0
                                    

Saglit lang, Manong! Marami akong itatanong sa 'yo, habol ni Arthur sa guwardiya na papunta sa barracks nito sa likod ng canteen.

Sa wakas at nakuha ko ang atensiyon mo, Mr. Lee.

Bakit ako nandito sa panahon na ito? At tsaka paanong nangyari na ikaw lang at ako ang nakakaalala ng lahat. Time travel ba ang nangyari sa akin?

Isa-isa lang ang sagot, Mr. Lee. Kaya ka nandito dahil may hiniling ka noong nasa loob ka ng banyo. Natatandaan mo pa ba?

Napaisip si Arthur. Hindi ko na matandaan. Ang gusto ko lang naman ay makahingi ako ng tawad kay Shai bago uli kami magkita...

Jackpot! 'Yan ang dahilan kung bakit ka nagbalik dito. Ang iyong kagustuhan na maayos ang nakaraan at gawin ang bagay na sana ay noon mo pa ginawa ang nagtulak sa 'yo upang mapadpad dito.

Pero mula sa taong 2015 papunta sa 1998? Ano ba ang dinaanan ko kung bakit ako napunta dito, tanong ni Arthur.

Ah! Kung ganun ay isa ka sa may kakayahan na mag-time hop!

Time hop? Ano 'yun?

Naupo ang guwardiya at nagsindi ng sigarilyo. Sa oras na magkapareho ang mga numero sa orasan mo at dumaan ka sa pintuan ay makakarating ka sa panahon na hihilingin mo. Halimbawa, kung ang oras ay 4:44:44 PM sa 'yong orasan, puwede kang mapunta sa panahon na iyong gugustuhin kung dadaan ka sa isang pintuan, paliwanag ng matanda.

Hindi ko maintindihan. Pero posible ba talaga 'yun manong?

Gusto mong subukan? Tingnan mo ang oras sa 'yong relo. Napatingin si Arthur sa relo. Ang oras ay 5:55 at tumatakbo ang segundo papunta sa limampung segundo. Ayun ang pinto ng barracks. Pumasok ka ng eksaktong 5:55:55 PM.

Pumunta si Arthur sa harap ng pinto. Tiningnan niya ang kanyang relo. Dalawang segundo bago ang hinihintay na oras.

5:55:54...

Hinawakan niya ang doorknob ng pinto at pinihit para mabuksan.

5:55:55...

Pumasok si Arthur sa barracks. Ngunit ang nadatnan niya ay ang isang billards at arcade house na kung saan nakita niya na naglalaro ang mga estudyante sa iba't-ibang school. Teka, ito 'yung tambayan namin noong high school kami...

Kita mo na? Eh di naniwala ka na sa akin, tanong ng lalaki na nakatayo sa may pintuan na lumalapit kay Arthur. Ang iyong dinaanan ay isang lagusan na nag-uugnay sa kasalukuyan at nakaraan. At ikaw ay isa sa may kakayahan na dumaaan doon.

Lumabas ang dalawa sa arcade house at nag-usap sa isang fishball at kikiam stall na malapit sa palengke. Kung ganun, hindi ako makakaalis hangga't hindi ko nagagawa 'yung dahilan kung bakit ako narito, wika ni Arthur na hindi makapaniwala sa nangyayari.

Siyempre puwede kang bumalik sa kahit anong araw o oras mo gustuhin. Gawin mo lang 'yung sinabi ko sa 'yo kanina at makakabalik ka sa panahon na gugustuhin mo, paliwanag ng matanda.

Napatingin si Arthur sa kanyang relo. 6:47:33 na ng hapon. Naku! Hindi ako makakabalik sa oras na gugustuhin ko. Kailangan ko pang maghintay ng 11:11:11 ng gabi. Paglingon ni Arthur sa tabi ay napansin niya na panay ang kain ng lalaki sa kikiam at fishball. Kung ganun Manong, may posibilidad na maayos at mabago ko ang nakaraan?

'Yan ang hindi ko masasagot. Dahil sa oras na may ginawa ka na mali, mababago ang takbo ng iyong buhay sa hinaharap. At hindi ko alam ang puwedeng mangyari sa 'yo sa hinaharap. Kaya nga dapat ay mag-ingat ka sa mga ikikilos mo, paliwanag ng matanda.

Napaisip si Arthur. Kung ganun, ang gagawin ko lang ay wala akong gawin o galawin sa panahon na ito? Paano 'yun? Para naman akong walang silbi kapag nagkataon.

Mali ka Arthur, kailangan mo pa din sumabay sa agos ng panahon na kung nasaan ka. May mga bagay na dapat kang matutunan at maalala noong kabataan mo. Kaya ako narito ay dahil para tulungan ang mga tao na katulad mo.

Kung ganun, ano dapat kong gawin?

Gusto mo ba mabago ang lahat? 'Yung tipong wala kang pagsisisihan para bukas at mga sususunod na araw, tanong ng matanda.

Oo. Marami akong bagay na pinagsisisihan ko na hindi ko nagawa... lalo na kay Shai. Siya nga pala, Ilang beses ko lang ito dapat gawin?

Pitong beses...

Pitong beses lang?

Oo. At nagamit mo na ang dalawa.

Ha? Kung ganun, limang beses na lang?

Tama. Kaya kailangan mong gamitin ang limang time hop mo sa tama at kailangang walang makaalam ng mga nangyayaring ito.

...

Naglalakad pauwi si Arthur habang iniisip ang pinag-usapan nila ng matanda. Ano ba 'yan? Bakit kasi nagkaganito ang nangyari. Hindi ko naman ito ginusto.

Habang naglalakad ay napansin niya na nakatayo si Shai sa kanto malapit sa kanilang bahay. Hindi niya alam ang gagawin na pag-iwas dahil wala siyang lulusutan. Napabuntong-hininga siya at binagalan ang paglalakad.

Arthur! Kanina pa kita hinihintay. Saan ka ba galing, tanong ni Shai.

Galing lang ako sa sa isang computer shop. Nag-Facebook.

Facebook? Ano 'yun?

Patay! Wala nga palang Facebook sa panahon na ito. Naku lagot na, bulong ni Arthur.

Alam mo, nagtataka ako sa mga ikinikilos mo kanina sa school. Ang weird mo talaga! May problema ba, tanong ni Shai.

Wala. Wala naman akong problema. Actually, maayos ang lahat sa plano. Everything is fine.

Plano? Anong plano?

Mahirap ipaliwanag eh. Teka, bakit ka nga pala nandito.

Isasauli ko lang sa 'yo 'yung hiniram ko. Iniabot ni Shai ang dalawang cassette tape.

Ano 'to, tanong ni Arthur.

Nakalimutan mo na agad? 'Yan 'yung Love Train Love Songs collection mo na hiniram ko. Actually, ni-record ko 'yung ibang kanta diyan. Thank you ha.

Napatingin ng matagal si Arthur sa mukha ni Shai na nakangiti sa kanya. Parang kailan lang 'nung nangyari ito. Pamatay talaga ang ngiti niya. Parang gusto kong sumigaw sa sobrang kilig na nararamdaman ko. Na-miss ko siya. Sobra, bulong ni Arthur sa sarili.

Hoy Arthur, anong titig 'yan? Parang gusto mo akong kainin, basag ni Shai sa katahimikan ni Arthur.

Naku sorry Shai. May naalala lang ako.

Gusto ko sanang magtagal pa at makipagkwentuhan pero gabi na. Uwi na ako. See you tomorrow, Pumara ng tricycle si Shai at sumakay pauwi.

Lagot na. Paano ba ako magsisimula, bulong niya sa sarili.

#TurnBackTime (The Chronicles of Arthur Lee)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon