Nilagpasan ko si Queenie at hindi ko siya pinansin. Ano bang kailangan ng babaeng 'to? Tungkol kay Iñigo na naman ba? Tss. Sira na nga araw ko, sisirain pa lalo ng bwisit na 'to.
"Chloe—" Bigla niyang hinawakan ang braso ko kaya napahinto ako at tinignan ko siya nang sobrang sama. Napabitaw agad siya sa akin at umatras.
"Pwede ba, Queenie, wala akong pakialam sa inyo ni Iñigo kaya huwag mo sa aking itanong kung may kinalaman ba ako sa break-up niyo."
"Pero hindi ba talaga kayo nag-uusap—"
"Ilang beses ko bang sasabihin na hindi nga kami nag-uusap? At kung kakausapin man niya ako, hayaan mo, para sa ikatatahimik ng kaluluwa mo, hindi ko siya papansinin. Masaya ka na?"
Natahimik siya at parang maiiyak na. Ang nakakainis pa, ang daming estudyante ang nakatingin sa amin ngayon. Bwisit na 'yan, paawa effect naman siya ngayon? Ako na naman ang lalabas na masama.
Bago pa tuluyang lumabas ang sungay ko ay nagmadali na akong lumakad palayo sa kanya. Isa pa 'yang Iñigo na 'yan. Dahil sa kanya napagkakamalan akong third party nila.
"Bakit gano'n ka magsalita sa kanya?" 'Di ko naman napansin na kasabay ko palang maglakad ang isa pang perwisyo sa buhay ko.
"Pakialam mo ba? At sa pagkakaalam ko, babysitter ka ng mga kapatid ko, hindi reporter para tanungin ako." Inirapan ko siya at nagmadali akong pumunta sa unang class ko.
Habang naglalakad ako ay huminga muna ako nang malalim dahil feeling ko ay konti na lang, sasabog na ako sa sobrang inis sa mga tao sa paligid ko. Pagdating ko sa room ay umupo agad ako sa gilid sa may tabi ng bintana at nilagay ko ang bag ko sa upuang katabi ko para walang umupo. Sobra naman ang seats kaya okay lang. Tsaka ayaw ko ng may katabi. Well, mukhang wala rin namang tatabi sa akin.
Bigla namang tumingin sa direksyon ko ang mga babae sa kabilang side ng room kaya napakunot ang noo ko. Ano na namang problema ng mga 'to sa—oh wait. Parang hindi sa akin nakatingin kundi sa bintana . . .
"Chloe."
Boses niya pa lang ay alam ko kung sino na. Leche siya. Siya ang dahilan kung bakit ang daming galit sa akin ngayon. Ang kapal din ng mukha ng Iñigo na 'to na iharap ang pagmumukha niya sa akin.
Nasa corridor siya at nakahawak sa bintana na nasa tabi ko. Pero dahil sinabi ko kay Queenie na hindi ko kakausapin ang kumag na 'to ay hindi ko siya pinansin. Bahala ka dyan.
"Alam kong galit ka sa akin—"
"Alis," sabay tinignan ko siya nang masama. Mukhang nakuha niya naman 'yon at wala na siyang sinabi ulit saka naglakad palayo. Tumingin ako sa mga babae na nakatingin pa rin sa akin ngayon. Sus. Alam ko namang fans sila ng kung tawagin ay Queeñigo couple. Yuck. Ang baduy pakinggan.
"O ano? Masaya na kayo?" sigaw ko sa kanila at napatingin na lang sila sa magkakaibang direksyon. Mga takot din pala.
Dumating ang prof namin at lalo akong nabadtrip dahil bigla siyang nagpa-quiz. Walanghiya naman, o. Kung kailan hindi ako nag-aral tsaka may ganito! Bwisit lang dahil Advanced Calculus ang subject na 'to at kahit kailan ay hindi ko nagustuhan ang Math.
Pagkatapos ng quiz at discussion ay dinismiss na kami. Buti nga at naka 10 out of 20 pa ako, at least nakakalahati. Nung iniscan kasi ni Ma'am ang papers no'ng pinasa na ay may nakita akong zero at nakita ko 'yon dahil naglakad siya malapit sa pwesto ko.
May one-hour vacant period ako kaya naglakad-lakad muna ako pero mukhang maling desisyon 'yon dahil nakita kong nakatambay sa bench si Jazer at may hawak-hawak siyang papel. Liliko na sana ako pero bigla niyang inangat ang ulo niya at nakita niya ako. Dumiretso ako ng lakad at balak ko sanang umupo na lang sa ibang bakanteng bench pero occupied na lahat at siya na lang ang walang katabi. Nakita kong nakatingin siya sa akin at parang mapapahiya naman ako kung aalis ako rito kaya padabog akong umupo sa tabi niya.
BINABASA MO ANG
The Forgotten's Envy (Masquerade Girls, #1)
Teen Fiction𝗠𝗮𝘀𝗾𝘂𝗲𝗿𝗮𝗱𝗲 𝗚𝗶𝗿𝗹𝘀 𝗦𝗲𝗿𝗶𝗲𝘀, 𝗕𝗼𝗼𝗸#𝟭 || Formerly known as 𝗕𝗮𝗯𝘆 𝗠𝗮𝗱𝗻𝗲𝘀𝘀 || All her life, Chloe felt abandoned and forgotten by her parents. She lived with their house helpers while her parents would only come home once...