18: Kalangitan
"Saan ka ngayon pupunta?"
Hindi makapaniwalang nakatingin siya ngayon sa Death God na nasa harapan nya. Nakaupo pa rin ito sa sidewalk sa labas ng bahay nila at nagmumuni-muni. Si Grus ay nasa tabi niya at hindi mapakali.
"Miss Eydis, ulitin mo yung tanong. Hindi nya narinig." Sabad naman ni Grus na sige pa rin sa pabalik-balik na paglalakad. Lumapit sya at umupo sa tabi ni Corvus. Parang wala lang naman dito na nawala ang kapangyarihan nito at naging tao uli ito.
"Corvus?" Hindi masyadong malakas ang boses nya pero sapat ang diin sa pagkakabigkas ng pangalan nito para makuha nya ang atensyon nito. Bumaling ang blangkong tingin nito sa kanya. "Saan ka pupunta ngayon? Hindi mo ako pwedeng bantayan sa ganyang anyo."
"At bakit naman hindi pwede?" Biglang ngumising balik-tanong nito sa kanya. "Nawala lang ang kapangyarihan ko, pero ako pa rin si Corvus. Ang itim na alagad ni Kamatayan. At hinding-hindi iyon magbabago."
"May punto siya Miss Eydis. Hindi pa rin naman nawawala ang mga kakayahan na natutunan nya bilang isang Death God, kahit na wala syang kapangyarihan at ordinaryong mortal lamang sya. Pero hindi siya pwedeng magbantay sayo bilang isang Death God sa kanyang anyo. Magtataka ang mga kauri mo kung bakit may nagbabantay sayo." Napakagat-labi siya. Tama si Grus. Siguradong magtataka sina Cody at Bea kung bakit binabantayan siya nito. At isa pa, nakita na nung dalawa si Corvus. Siguradong puputaktiin siya ng mga tanong ng dalawa. Tumingin siya uli sa mukha ni Corvus at nakita nyang mataman itong nakatingin sa kanya. Bumuntung-hininga siya at tumayo saka hinila rin ito sa kamay para tumayo.
"Halika. May pupuntahan tayo." Kinaladkad nya ito palayo sa bahay nila. Di bale nang ma-late siya. Natawagan na rin naman niya sina Bea at Cody na mali-late siya. May mas mahalagang bagay na kailangan nyang gawin.
"Ano'ng ginagawa natin dito?" Hindi niya pinansin ang tanong nito. Nakita nya sa gilid ng mga mata nya na nakasunod rin si Grus sa kanila. Dinala niya ito sa may treehouse sa kabilang bahagi ng park na iyon. Dito sila noon parating tumatambay noong bata pa siya.
"Dito ka na muna. Kapag nagutom ka," Dumukot siya ng pera sa bulsa niya at binigay dito. "Bumili ka na lang dyan sa may tyangge. Basta wag ka na lang aalis dito."
"Eydis Castillo." Parang nawawalan ng pasensya na tawag nito sa pangalan niya. "Ano bang tingin mo sa akin? Limang taong gulang na bata na baka mawala malingat ka lang?" Nakasambakol ang mukha nito at parang inis na inis na sa kanya. "Kaya ko ang sarili ko." Humakbang ito papuntang hagdan ng treehouse at tumingala. "Umalis ka na, isama mo si Grus. Babalik na lang ako sa bahay mo mamayang gabi." Pagkasabi nito noon ay umakyat na ito ng treehouse. Napabuntung-hininga naman siya. Sana nga ay okay lang ito. Napahawak siya sa mini-hourglass na nasa leeg nya. Hindi pa rin umaandar ang oras nya.
Third Person's POV
"Anong ginawa mo?" Dumagundong ang boses ni Thanatos sa madilim na lugar na iyon na napapalibutan ng usok. Matalim ang tingin nito kay Hypnos na napapalibutan ng mga paruparo. na pangdepensa nito sa galit na galit na kakambal na napapalibutan naman ng mga uwak. Magkaharap ngayon ang dalawa at napapagitnaan nila ang umiilaw na sahig ng kanilang sangktwaryo na salamin nila sa mundo ng mga tao.
BINABASA MO ANG
The Death God's Wish: Miracle (Completed)
FantasyCorvus is a Death God. A reaper who has no memories of his mortal life before becoming an entity who reaps souls. And he felt empty and lost without it. A being with little existence. But everything will change the moment his eyes meet Eydis' smili...