1: Corvus

1.7K 41 23
                                    

1: Corvus

Maraming duguang katawan ang nagkalat. Lahat ay biktima ng nangyaring aksidente. Tumaob ang isang panggabing bus dahil sa lakas ng ulan at dulas ng kalsada.

Kaya ngayon ay marami ang nananaghoy. Marami ang umiiyak. Puno ng dalamhati ang kadiliman ng gabi. 

Puno ng pagtangis ang pinangyarihan ng aksidente. Ang kanilang mga dugo at luha, humahalo sa tubig-ulan na walang patid sa pagbagsak.

Pero wala syang panahon para sa mga bagay na iyan. Kailangan nyang gawin ang kanyang trabaho.

Dire-diretso sya sa paglalakad. Hindi nya inalintana ang ulan. Hindi rin naman sya nababasa. Iisa lamang ang kanyang tinutumbok. Ang babaeng nakahandusay sa damuhan. Duguan at nakapikit. Pero humihinga pa rin. Mabagal. Mabuway. Mahina.

Pati ang tibok ng puso nito'y bumabagal na rin. 

Malapit na.

Marahang napadilat ang babae ng maramdaman nito ang presensya nya sa gilid nito. Pilit nitong inaaninag ang mukha nya, kapagkuwan ay mabuway itong ngumiti. 

Pumwesto sya sa gilid nito at tinukod ang isang tuhod sa damuhan. Tiningnan nya ang babae sa mga mata. Tanging pagpapaubaya at kapayapaan ang nakikita nya sa mga ito. 

Tanggap na nito ang sariling kapalaran.

Nasabi na lamang nya sa kanyang sarili nang yumuko sya papalapit sa nagpapaubayang babae.

"Sinasabi ko na nga ba at makikita rin kita rito, Ginoong Corvus."

Umangat ang mukha nya mula sa mukha ng wala ng buhay na babae, saka bumaling sa nagsalita. 

Napakadalisay nitong tignan sa suot nitong puting bestida. Lutang na lutang ang kasuotan nitong tila kumikinang sa kadiliman ng gabi. 

Kabaligtaran nya. Na ang kasuotan ay parang hinulma ng kadiliman.

"Binibining Nyctea." Ngumiti lamang ito sa kanya at tumingin sa babaeng nasa paanan nya.

"Iisa lamang ba ang susunduin mo sa lugar na ito?" Napatango naman sya bilang sagot. Sanay na ito sa kanya, kaya sigurado inaasahan na nitong ganoon ang kanyang magiging sagot.

"Mabuti ka pa, iisa lamang ang kailangan mong sunduin. Ang sa akin naman ay lima." At biglang lumungkot ang ekspresyon nito. "At ang isa roon ay isang bata." At lumingon ito sa isang direkson na sinundan rin nya ng tingin. Nakita nya ang isang inang lumuluha habang kalong-kalong nito ang isang batang lalaki. Parehas silang duguan, pero ang bata ay wala ng buhay.

"Lubhang napakalungkot ang mawalan ng isang minamahal. Lalo na kung nawala ito sa murang edad pa lamang." Napatingin sya kay Nyctea at nakita nya ang kalungkutan sa mga mata nito. "Hindi ba, Ginoong Corvus?"

The Death God's Wish: Miracle (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon