Chapter 15
Third Person's POV
Isang kakaibang lamig ang bumalot sa buong katawan ni Riziel nang tuluyan na siyang bumagsak sa mga bisig ni Franco.
'Marahil hindi niya kinaya ang aking kapangyarihan..' Bulong ni Franco sa kanyang sarili. Hindi lingid sa kanyang kaisipan na higit na mas malakas ang kapangyarihan niya kumpara sa ibang mga Elite. Maingat niyang binuhat ang nahihimbing na dalaga para makabalik na sila sa tahanan nila Kalirgo.
"A-anong nangyari kay Riziel?" May halong pag-aalala ang tinig ni Leo habang sinasalubong sina Franco. "Sa iyo nanggaling ang malaking liwanang kanina, hindi ba?" Hindi naman nag-abalang sumagot si Franco sa tanong ni Leo. Dumiretso na siya sa loob ng kubo kung saan niya inilapag ang dalaga.
'Magpahinga ka nang mabuti, Riziel. Kakailanganin mo ng sapat na lakas sa gagawin nating paglalakbay.'
"Franco, hindi ka tumutugon sa aking nga katanungan." Seryosong tanong ni Leo matapos iharang kay Franco ang kanyang espesyal na kulay dilaw na espada. "May karapatan akong malaman ang nangyayari sa dalagang itinakda."
"H'wag kang mabahala, Leo. Hindi siya napahamak." Matipid na ngiti ang ibinigay niya dito bago ito lampasan.
"Kuya Franco!" Nakangiti pang lumapit sa binata si Agore. "Kailangan namin ang iyong tulong."
"Sige." Tumango pa si Franco bago sumunod kay Agore. "Ano'ng tulong ba ang kailangan niyo?"
"Alam namin na malapit na tayong magtungo sa distrito ng Nashi." Pag-uumpisa ni Akilla. "At nais sana naming magpaturo sa'yo upang mas magamit namin ng husto ang aming kapangyarihan."
"Oo nga, Kuya Franco. Malinaw na sa amin na ikaw ang higit na karapat-dapat upang maging guro namin." Nakangiti namang turan ni Agore. "Nakita at naramdaman namin ang iyong kapangyarihan at natitiyak naming isa ka ring Elite."