Chapter 13
Leo's POV
Hindi ko mai-alis sa aking isipan kung paano ginawa iyon ni Franco. Hindi ko mapagtanto kung paano niyang nagawang patayin ang mandirigmang iyon nang hindi manlang lumalapat ang kanyang kamay sa katawan nito. Gamit ang liwanag na nagmumula sa kanyang daliri, nagawa na niyang talunin at bawian ng buhay ang isang mandirigma na muntik nang makapatay sa akin.
Kakayahan ba iyon ng mga Elite? Ganoon ba kalakas ang kapangyarihang mayroon kami?
Kung iyon ang totoo, lubha palang mapanganib ang aming kapangyarihan..
"Huwag mong masyadong isipin ang iyong nasaksihan, Leo." Bulong ni Franco habang pinupunasan ang kanyang kamay na may bahid ng dugo. Ngumiti lamang ako sa kanya. Mahirap ang ninanais niya. "Magpatuloy na tayo." Tumango ako sa kanya at nag-umpisa na kaming naglakad papasok sa kagawaran. "Leo, subukan mong itago ang iyong presensya."
"Ha? Subalit, paano?" Nagtataka kong tanong.
"Ikulong mo ang iyong enerhiya sa iyong sarili." Sinubukan ko ang kanyang sinabi. Ipinilit ko ang aking mata at inipon ang aking enerhiya sa loob ng aking sarili. Nang dumilat ako, nakatutuwang kaharap ko si Franco subalit hindi ko siya nararamdaman. "Magaling," napangiti ako sa aking narinig. Dahil si Franco ang pinakahinahangan ko. Hinahangaan ko siya kahit marami kaming pagkaka-iba. Siya ang gumagabay sa akin bilang Elite at marami akong natututunan mula sa kanya.
Dahan-dahan kaming naglakad at isa-isang sinisilip ang bawat silid na aming madaraanan. Taban ko parin ang aking bagong sandata. Nakatutuwang isipin na nagkaroon ako ng ganito. Ayon nga sa pananalitang itinuro sa akin ni Riziel, 'Cool!'
"Nakakatakot ang epidemyang kumakalat sa distrito." Napahinto kami ni Franco. Sinenyasan niya ako na makinig muna sa mga lalaking nag-uusap sa may pasilyo.
"Tama. Nagkaroon na rin ng ganoong sakit ang aking mga kapatid. Kung hindi sila malulunasan, maaari rin silang matulad sa karamihan na namamatay na lamang." Nagkatinginan kami ni Franco. Hinintay na muna namin na makalagpas ang dalawang lalaki na narinig naming nag-uusap bago kami nagpatuloy sa paglalakad. Hanggang sa marating namin ang isang malaking silid. Napupuno ito ng mga nakahilerang may sakit. Halos mapuno na nila ang buong silid.
"Umalis na tayo." Bulong sa akin ni Franco kaya't tinahak na namin ang daan pabalik sa tahanan nila Kalirgo.
--
"Nasaan na si Riziel?" Agad ba hinanap ni Franco si Riziel kila Agore na naabutan naming abala sa pag-aalaga sa mga may sakit.
"Nakita ko siya kanina sa labas. Hinihintay niya kayong makabalik." Sagot sa kanya ni Akilla habang inaalalayan ang isang bata sa pag-higa.
"Wala siya sa labas." Sagot ko. Dahil kung nasa labas lamang siya, dapat ay nakita namin siya.
"Tsk. Saan na naman kaya naglusot ang babaeng iyon." Bulong ni Franco bago lumabas ng silid. Sinundan namin siya nila Agore at Akilla. "Saan mo siya huling nakita, Akilla?"
"Dito." Itinuro pa ni Akilla ang maliit na upuang nakalagay sa harap ng isang kubo. "Binalaan ko pa siya na huwag pupunta sa bahaging iy--" hindi na niya naituloy ang kanyang sasabihin, bigla na lang siyang tumakbo papunta sa dulong bahagi ng kumunidad.
"Anong mayroon doon?" Tanong ko kay Agore na masyadong seryoso ang mukha.
"Kailangan nating hanapin si Ate Riziel. Hindi maaaring napunta siya sa bahaging iyon ng kagubatan."