Untitled Part 2

799 18 4
                                    



CHAPTER 2

"Ganito pala ang pakiramdam ng Pasko. Nakakatuwa."

Iyon ang naisip ni Danaya habang magkakasalo sila sa isang piging. Ideya ni Lira at ng batang ligaw na si Paopao na ipagdiwang nila sa Encantadia ang Pasko, isang masayang okasyong nagmula sa mundo ng mga tao. Nataon pa ito sa pagbabalik ng alaala nila tungkol kay Lira, ang kanyang hadiya na ngayon ay masayang hinahandugan sila ng isang awitin. Sa gabing iyon ay pansamantala nilang iwinaglit sa isip ang tungkol sa mga Hathor at kay Pirena. Sa halip ay binusog nila ang mga sarili sa mga masasarap ng pagkain at pagpapalitan ng matatamis na ngiti. Ngayong gabi, hindi sila basta magkakapanalig lang at tagapagtanggol ng Encantadia kundi isang pamilya. Isang pamilyang binubuklod ng pagmamahal.

Napansin niya na bahagyang nahaluan ng lungkot ang mukha ni Paopao. Naiisip pala nitong muli ang pamilyang naiwan sa mundo ng mga tao. Hindi man magsalita, alam ni Danaya na nasasabik na si Paopao na makapiling muli ang mga mahal sa buhay. Parang kinurot ang kanyang puso habang pinagmamasdan ang matabang paslit na napamahal na rin sa kanya. Hahaplusin niya sana ang ulo ng bata bilang pagdamay dito ngunit hindi lamang pala siya ang nakaisip na gawin iyon. Nagkasabay sila ng kilos ni Aquil na nakaupo sa kaliwang panig ni Paopao. Parang may kakaibang init na nanulay sa kanyang katawan sa sandaling pagkakadaiti ng kanilang mga palad. Napatingin siya sa lalaking buong tiim na nakatitig din pala sa kanya. Napayuko siya at sa mahinang boses ay pinagalitan ang mashna.

"Ano ba, Aquil? Napakagulo mo."

Bumuntong-hininga ito at buong pagpapakumbabang sumagot. "Patawarin mo ako sa aking kapangahasan, sang'gre Danaya. Hindi na mauulit."

"Dapat lang. I love you ka talaga."

Dahil nakayuko, hindi nakita ni Danaya ang pigil na ngiti at kakaibang kislap sa mga mata ni Aquil.

Ilang sandali pa ay abala na si Danaya sa pagkuha ng paneya at pagpapahid ng matamis na pulot sa ibabaw nito. Nakangiting inilapit niya ito sa bibig ni Paopao. Alam niyang hindi tuluyang malulunasan ng pagkain ang kalungkutang nararamdaman nito pero kahit kaunti ay gusto niya itong maibsan. Bahagya siyang natawa nang mabilis na kinuha ng bata ang paneyang hawak niya at maganang kinagatan iyon.

"Thank you po, ate Danaya." nakangiting sabi ni Paopao matapos lumunok. Nangingintab ang gilid ng bibig nito dahil sa pulot at may maliit na piraso pa ng paneya na nakadikit sa pisngi nito. Akma na niyang pupunasan ang mukha nito pero naunahan siya ni Aquil. Buong giliw na nilinis ng lalaki ang mukha ng batang ligaw. Sa mga sandaling iyon, hindi imahe ng isang magiting na mashna ang kanyang nakikita kundi isang mapagmahal na ama na inaalagaan ang kanyang anak. Hindi niya napigil ang pilyang bahagi ng kanyang utak na bumubulong na sana ay siya ang masuwerteng diwatang magsisilang ng anak ni Aquil. Isang sanggol na kawangis nito. Isang munting sang'gre na mamahalin niya ng buong puso.

"Tigilan mo na ang pangangarap na ito, Danaya. Baka makahalata pa ang mga kasalo mo sa hapag na kung saan-saan naglilimayon ang iyong isip." piping sermon niya sa sarili.

Ngunit hindi doon natapos ang epekto ni Aquil sa kanyang sistema. Ayaw man ni Danaya pero parang may napakalakas na magnetong humila sa kanya at natagpuan niya na lamang ang sariling nakatitig sa guwapong mukha ng mashna. Ang mga mata nitong tila laging nangungusap sa kanya, ang perpektong kilay at matangos na ilong. Ang mga pisnging kay tagal na niyang nais haplusin. Ang mga labing parang napakalambot at nangangako ng isang libo't isang ligaya.

Tuksong bumalik sa kanya ang eksenang nagpagulo sa isip niya noon.

Siya at si Aquil. Mahigpit na magkayakap at magkasalo sa isang mainit na halik.

Parang nanuyo ang lalamunan ni Danaya. Mabilis na inabot niya ang kopitang may lamang alak at inisang lagok iyon. Mahabaging Emre! Mali yata ang kanyang ginawa dahil lalo lang nag-init ang kanyang pakiramdam.

"Ayos ka lang ba, sang'gre Danaya?"

Muling napatitig si Danaya sa mukha ni Aquil na kababakasan ng bahagyang pag-aalala. Gusto niyang magpatalo sa kahinaan at aminin na dito nang tuluyan ang kanyang nararamdaman.

I love you, Aquil.

Mahal na mahal kita.

E corre diu.

Ang mga katagang sa pangarap ay sinasambit ni Danaya sa kanyang pinakamamahal na si Aquil. Pero gaya ng dati, ang posisyon niya bilang sang'gre at ang responsibilidad na kaakibat ng pagiging tagapangalaga ng brilyante ng lupa ang nagsilbing hadlang sa kanyang pagtatapat. Hindi siya isang ordinaryong diwata na maaaring maghangad ng mga ganitong bagay. Masakit tanggapin ngunit gaya ng isang buto ng halaman, ang pag-ibig na nararamdaman niya para sa mashna ay kailangan niyang itago, ibaon sa lupa at hintayin ang tamang panahon ng pag-usbong at pamumunga nito. Maghintay at lihim na umasang darating din ang nakatakdang sandali na maaari na siyang magmahal ng malaya. Isang pagkakataon kung saan ang isang sang'gre ay maaari nang bumaba sa kanyang pedestal, kalimutan ang kanyang posisyon at hayaan ang sariling tawirin ang pagitan na naghihiwalay sa kanila ng kanyang minamahal na engkantado.

Pero batid niyang hindi pa ngayon ang panahong iyon. Gaya ng dati, ikinubli ni Danaya ang nararamdaman sa pamamagitan ng pagsimangot at pag-irap kay Aquil.

Napakamot na lamang sa ulo ang guwapong mashna    

ANG SANG'GRE AT ANG MASHNATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon