Untitled Part 11

540 21 8
                                    


CHAPTER ELEVEN


Sa puno ng Asnamon...

Hinubad ni Aquil ang suot na kantao at itinapat iyon sa mahiwagang puno.

"Asnamon voyanazar!" sambit niya. Nagliwanag ang kantao at nagbukas ang lagusang nagdurugtong sa Encantadia at sa mundo ng mga tao. Sabay silang humakbang ni Danaya para tawirin ang daan sa pagitan ng dalawang mundo.

Alertong pinagmasdan ni Aquil ang paligid, tinitiyak kung may mortal na nakasaksi sa kanilang pagdating.

"Kumapit ka sa akin, Aquil. Hindi tayo dapat nagsasayang ng panahon dito." saad ni Danaya.

Tumango siya at inihanda ang sarili sa isa na namang paglalakbay gamit ang ivictus ng sang'gre.




Nang magmulat ng mga mata si Aquil ay naroroon na sila sa isang hindi pamilyar na lugar. Napakatahimik doon at napakaraming puno't halaman sa paligid. Sa gitnang bahagi nito ay nakatirik ang isang bahay na may dalawang palapag.

"Mahal na sang'gre, sino ang nagmamay-ari ng tahanang ito?" takang tanong ni Aquil.

Bahagya lang siyang sinulyapan ni Danaya. "Sa isang espesyal na nilalang na nakilala ko noong pinarusahan ako ni Amihan at ipinatapon dito sa mundo ng mga tao."

Lubos ang pagtataka ni Aquil. Walang masyadong ikinuwento ang sang'gre tungkol sa panahong nanatili ito dito sa mundo ng mga tao. Iniwasan niya ring mag-usisa dahil naisip niya na baka sumama ang loob ni Danaya kapag ipinaalala niya pa ang masakit na pangyayari kung saan naparusahan ito sa kasalanang hindi naman nito ginawa.

"Espesyal na nilalang, mahal na sang'gre?"

Ngumiti si Danaya. "Oo, espesyal siya para sa akin. At talagang nasasabik na akong makita siyang muli."

Lalong napuno ng katanungan ang isip ni Aquli nang mapansin ang tila komportableng kilos ng sang'gre. Halata ang pamilyaridad nito sa lugar na iyon. Ni hindi nga ito kumatok sa pinto bagkus ay dire-diretsong pumasok sa loob ng kabahayan habang siya ay tahimik na nakasunod lamang.

Isang matangkad na lalaki na mabilis ang pagbaba sa hagdan ang kanilang naabutan.

"Danaya! Sabi ko na nga ba't tama ang kutob ko na may nilalang sa paligid na nagmula sa Encantadia! Natutuwa akong makita ka!" maluwang ang ngiting turan nito habang humahakbang papalapit sa sang'gre.

Ganoon na lamang ang gulat ni Aquil dahil sa sumunod na ginawa ni Danaya. Tila isang paslit na tumakbo ang sang'gre upang yumakap dito! Ang magaling na lalaki ay buong kapangahasang tumugon pa sa yakap ni Danaya!

At nagawa pang lapatan ng halik ang noo at buhok ng mahal na sang'gre!

"Tanakreshna! Sino ba ang nilalang na ito sa buhay ni sang'gre Danaya?" gigil na bulong ni Aquil sa sarili. Matinding inis at panibugho ang nararamdaman niya habang nakikitang nakakulong sa bisig ng ibang lalaki si Danaya.

"Wala kang karapatang yakapin ang mahal ko!" gusto niyang isigaw pero hindi niya magawa.

"Mahal na sang'gre, bakit ka yumayakap sa nilalang na iyan?! Sino siya?" sunod-sunod na tanong ni Aquil habang tinitingnan ng masama ang estranghero. Hindi niya naitago ang inis dahil bahagyang tumaas ang boses niya at nakakunot pa ang kanyang noo.

Tila noon lamang siya napansin ng misteryosong lalaki. Ni hindi man lang ito nabahala sa galit niyang pagtatanong. Lalo pa ngang humigpit ang yakap nito kay Danaya at parang balak pa siyang lalong asarin.

ANG SANG'GRE AT ANG MASHNATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon