Untitled Part 13

397 17 7
                                    


CHAPTER THIRTEEN


"Welcome to Bonifacio Global City! Enjoy the view. Walang ganyan sa Encantadia, di ba Aquil?" masiglang sambit ni Rael habang abala ito sa pagpapatakbo ng sasakyang tinatawag ng mga mortal na kotse. Sa unang pagkakataon ay naranasan ni Aquil na makasakay dito at talaga namang kakaiba ang pakiramdam! Maging ang kapaligiran na kanilang dinadaanan ay bago lahat sa kanyang paningin. Hindi maiwasan ni Aquil na itutok ang paningin sa bintana ng sasakyan. Kamangha-manghang pagmasdan ang nagtatayugang gusali pati na ang mga taong abala sa pagparoo't parito.


"Tunay ngang kakaiba ang mundo ng mga tao. Ano kayang pakiramdam ang manirahan dito ng matagal gaya ng nangyari kay sang'gre Lira at maging dito kay Enuo?" bulong ng kanyang isip.

"Naririto na tayo."

Ang seryosong tinig ni Enuo na nakaupo sa unahan ng sasakyan ang siyang pumutol sa paglalakbay ng kanyang diwa. pagkatapos ihimpil ang kotse, tahimik na sinundan ni Aquil si Enuo. Si Rael ay inutusan nitong maiwan at bantayan na lamang ang sasakyan. Hindi man magsalita ang ama ni Danaya, halata pa rin ni Aquil ang pagiging tensiyonado nito na lubos niyang ipinagtataka. Bakit kakabahan si Enuo sa pakikipagkita kay Zeno gayong kaibigan naman nito ang sinaunang diwata?

Matapos kausapin ang isang binibini na tila ang tungkulin ay tiyakin ang pagkakakilanlan ng mga nais makipag-usap kay Zeno, iginiya sila nito sa isang pinto. Pumasok silang dalawa doon habang si Aquil ay buong pagtatakang inililibot ang tingin sa apat na sulok ng maliit na silid na napapalibutan ng salamin. Ano'ng uri ng silid ito?

Napaigtad si Aquil nang biglang gumalaw ang sahig na kanyang kinatatayuan.

"Enuo?! Tila lumilindol yata!" sigaw niya sa kasamang kaswal na nakasandal lamang sa isang tabi.

"Huwag kang mabahala, Aquil. Hindi lumilindol. Elevator ang tawag ng mga mortal dito. Ito ang ginagamit upang mabilis na marating ang palapag ng matataas na gusaling gaya nito. Walang ivictus o kapangyarihan ang mga tao na gaya sa mga engkantado pero may kakayahan silang umimbento ng mga kasangkapan na magagamit nila upang padaliin ang kanilang pamumuhay."

Noon lang nagawang kumalma ni Aquil. "Ganoon ba? Tunay na kamangha-mangha nga ang kakayahang ito ng mga mortal."

"Sa pinakamataas na palapag matatagpuan ang opisina ni Zeno Zaldemar, iyon ang ginagamit niyang buong pangalan dito sa mundo ng mga tao. Kung ako ay mas nais ng payak at simpleng pamumuhay na malayo sa ibang tao, si Zeno ay naiiba. Mas pinili niyang makisalamuha at mamuhay na gaya ng isang tunay na tao. Dahil likas na matalino at may angking kakayahan sa pagiging pinuno, nagawa niyang paunlarin ang sarili. Sa ngayon, isa siyasa pinakamayamang nilalang sa mundong ito." mahabang paliwanag ni Enuo.

"Paano niya nagawang itago ang katotohanang hindi siya tumatanda?" takang tanong ni Aquil.

"Madali lang para sa isang makapangyarihang diwatang gaya ni Zeno na dayain ang isip ng mga tao."

Lalong nakaramdam ng kuryosidad si Aquil. Ano'ng klaseng diwata si Zeno? Bakit sa tinagal-tagal ng buhay niya sa Encantadia ay wala siyang narinig tungkol dito? At bakit kaya mas pinili nitong manatili na lang sa mundo ng mga tao?

Ilang sandlai pa ay muli nang bumukas ang pinto at namangha si Aquil sa tanawing sumalubong sa kanya paglabas nila ng elevator. Isa iyong malawak na silid na imbes na makakapal na pader ay malinaw na salamin ang nakapalibot. Tanaw na tanaw mula sa kinatatayuan nila ang buong paligid. Sa taas ng gusaling kanilang kinaroroonan ay nagmistulang laruan na lamang ang mga tao at sasakyan sa ibaba. Ang mga kagamitan naman sa loob ay nagpapakita ng karangyaan. Tila isa kang hari na pinagmamasdan ang iyong nasasakupan habang naroroon sa silid na iyon.

ANG SANG'GRE AT ANG MASHNATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon