CHAPTER NINE
"Mashna? Mashna Muros!"
Gulat na nilingon ni Muros ang kawal na kanina pa pala pilit kinukuha ang kanyang atensiyon. Lihim niyang pinagalitan ang sarili dahil tila nakalutang pa rin ang kanyang isip sa dami ng mga kaganapan sa palasyo. Idagdag pa ang katotohanang naninibago pa rin siya sa titulo at katungkulang iniatang sa kanya ni Reyna Amihan.
Mashna. Sa tuwing naririnig niya ang katagang iyon ay ang mukha ng kaibigang si Aquil ang una niyang naiisip. Hindi naman nakapagtataka dahil sa napakahabang panahon na pinanghawakan nito ang katayuang iyon. Napakatapang at napakabuti nitong kawal kaya hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwalang nagawa nitong sumuway sa utos ng reyna.
Nasaksihan man niya ang nagawang kasalanan ni Aquil, wala pa ring makapang galit si Muros para sa dating mashna. Sa tagal ng kanilang pagkakakilala, batid niyang wala itong masamang motibo at talagang naging desperado lang na makamit ang kapayapaan para sa Encantadia. Si Hagorn ang may kasalanan ng lahat dahil ang kasakiman nito ang puno't dulo ng lahat ng kaguluhan. Ito ang may kasalanan kaya napaalis ng palasyo ang kaibigan niyang si Aquil. Ito rin ang may kasalanan kung bakit naghihinagpis ngayon ang minamahal niyang si sang'gre Danaya.
Hindi niya alam kung paano ito lalapitan o kung ano bang salita ang dapat niyang sabihin para kahit papaano ay gumaan ang kalooban nito.
"Mashna, nakahanda na po ang sang'gre Danaya at sang'gre Alena sa inyong pag-alis." pag-uulat ng kawal sa kanya.
Tumango siya at agad na nagtungo sa bulwagan.
Samantala, sa parte ng kagubatan kung saan nag-uusap sina Aquil at Bathalang Emre....
"Mahal na Emre, hindi naman po sa kinukuwestiyon ko ang inyong pagpapasya pero... bakit ako po ang nais niyong gumawa ng misyong ito? Alam kong batid niyo kung ano ang malagim na pangyayaring naganap noong huli akong nagtungo sa mundo ng mga tao." Nagtatakang tanong ni Aquil.
"Wala ka bang tiwala sa iyong kakayahan, dating mashna ng mga diwata?" ganting-tanong ni Emre.
Huminga ng malalim si Aquil. "Kayo na rin po ang nagsabi. Dating mashna. Wala na po akong katungkulan ngayon. Nabigo ko ang mga nilalang na umaasa sa akin kaya paano niyo po magagawang ipagkatiwala sa akin ang isang mabigat na misyong gaya nito?"
"Sa isang pagkakamali ba ay dapat ng mabura sa aking isip ang lahat ng kabutihang iyong nagawa, Aquil? Ang bawat nilalang ay binibigyan ng pagkakataong makabawi mula sa mga maling desisyon na kanilang nagawa. At ito ang ibinibigay ko sa iyo ngayon. Ang pagkakataon para itama ang iyong pagkakamali. Ang pagkakataon para ipakita sa lahat na karapat-dapat kang pagkatiwalaang muli."
Nang hindi sumagot si Aquil ay marahang lumapit si Emre sa kanya. Tila nakakaunawang hinawakan nito ang kanyang balikat at maya-maya pa'y iniabot nito sa kanya ang isang kantao.
BINABASA MO ANG
ANG SANG'GRE AT ANG MASHNA
FanficMy first ever Encantadia fan fiction, inspired by the episodes last Dec. 29, 30 and Jan.3 Para sa lahat ng nagmamahal kay Danaya at Aquil :)