CHAPTER TWENTY ONE
May ngiti sa mga labi ni Danaya habang naghahanda siya sa pagtulog. Binabalikan niya sa gunita ang naging pag-uusap nila ni Aquil kanina, kung paanong nakumbinsi niyang muli ang dating mashna na manatili sa kanyang tabi.
"Tunay ngang mahal ako ni Aquil!" bulong niya sa sarili habang sapo ang mga pisngi at pilit sinusupil ang kilig na kanina niya pa nararamdaman.
Ilang sandali pa ang lumipas bago siya tuluyang iginupo ng antok.
Iyon ang nagsilbing hudyat upang lumabas ang espesyal na retre na kanina pa nagkukubli at naghihintay ng pagkakataong malapitan ang hara ng mga diwata. Lumipad ito papalapit kay Danaya at dumapo sa kaliwang pisngi nito na tila ba nag-iiwan lang ng isang halik. Nagliwanag nang bahagya ang mukha ng diwata at nagsimula siyang mapasailalim sa isang kakaibang panaginip.
Hindi alam ni Danaya kung ano ang ginagawa niya sa parteng iyon ng kagubatan ng Lireo. Isa lang ang sigurado siya, may malakas na puwersang tila humihila sa kanya papalapit sa talon.
Natigilan si Danaya dahil maliban sa tunog ng lumalagaslas na tubig ay may iba pa siyang naririnig.
Matinis na pagtawa ng isang paslit na babae.
Bumilis ang mga hakbang niya kasabay ng pagbilis din ng tibok ng kanyang puso. Bakit ganon? May nararamdaman siyang tuwa at pagkasabik na hindi niya mawari.
Bahagyang napasinghap si Danaya nang makita ang pinagmumulan ng halakhak na iyon.
Isang paslit na diwata ang nakaupo sa may batuhan, bumubungisngis habang nakalublob ang mga paa nito sa tubig. Kumikiling ang ulo nito na tila ba may naririnig itong musika na sinasabayan pa ng maya't mayang paggalaw ng mga paa nito. Kahit nag-iisa ay tila kuntento na ito sa paglalaro at pagtatampisaw sa tubig.
Pero teka, ano ang ginagawa ng paslit na ito sa gitna ng kagubatan?
"Munting diwata, bakit nag-iisa ka dito? Nasaan ang mga magulang mo?" marahang tanong niya nang makalapit sa kinaroroonan nito.
Matamis na ngiti ang itinugon nito sa kanya. "Hinihintay ko po dito ang mga magulang ko, mahal na sang'gre."
Hindi na ikinagulat ni Danaya na kilala siya ng paslit bilang isa sa mga sang'gre. Ang ipinagtataka niya lang, sino'ng matinong engkantado ang mag-iiwan ng sarili nitong anak sa gitna ng kagubatan? Kahit masasabing payapa na ang Encantadia, hindi pa rin tamang basta na lamang ang pabayaan ang mga paslit na gaya ng isang ito.
"Bakit ka ba nila iniwan dito?" tanong niya habang nakatitig sa mga mata nitong tinatampukan ng malalantik na pilik-mata at perpektong kilay. Hindi maiwasan ni Danaya ang mamangha sa kagandahang taglay ng paslit. Napakaamo ng mukha nito, maputi at makinis ang kutis at may mahabang buhok na tila kay sarap haplusin. Kapansin-pansin din ang biloy ng paslit sa magkabilang pisngi na lalong nagpapatingkad sa bawat ngiti nito.
"Hindi po nila ako iniwan. Wala lang po silang ideya na malapit na akong dumating sa kanilang buhay."
Kumunot ang noo ni Danaya sa kakaibang sagot ng paslit. Bago pa siya muling makapag-usisa, mabilis na tumayo ang kanyang kausap at nagulat siya sa sunod nitong sinabi.
"Maaari niyo po ba akong kargahin?" tanong nito habang bahagyang nakataas ang mga braso sa kanyang direksiyon. Nalilito man sa mga nangyayari ay tahimik na pinagbigyan ni Danaya ang hiling ng paslit.
BINABASA MO ANG
ANG SANG'GRE AT ANG MASHNA
FanfictionMy first ever Encantadia fan fiction, inspired by the episodes last Dec. 29, 30 and Jan.3 Para sa lahat ng nagmamahal kay Danaya at Aquil :)