CHAPTER FIVE
Malapit nang igupo ng pagod si Aquil. Sadyang napakahaba ng araw na iyon at napakaraming naganap. Mabuti na lamang at malapit na siyang matapos sa pag-iinspeksiyon sa palasyo. Ang hardin na lamang ang nalalabing lugar na hindi pa niya nabibisita.
Natigilan si Aquil nang makita niyang naroroon si sang'gre Danaya sa hardin. Mag-isa itong nakaupo at sapo ng mga palad ang magandang mukha. Daig pa niya ang sinuntok sa sikmura nang mapagtantong umiiyak pala ang pinakamamahal niyang sang'gre. Sa mga oras na iyon ay nakaramdam si Aquil ng matinding pagnanais na saktan ang sinumang dahilan ng pag-iyak ni Danaya.
Tahimik siyang lumapit dito.
"Sino'ng pashnea o vedalje ang nagpaiyak sa'yo aking sang'gre? Sabihin mo lang at igaganti kita ngayon din."
Gulat na nag-angat ng tingin si Danaya. Pagkakita sa kanya ay agad itong tumayo at tinalikuran siya.
"Huwag mo nang idamay ang mga pashnea dito. *Geshnu ivre, Aquil."
Napailing si Aquil. Wala pa ring ipinagbago si Danaya. Hanggang ngayon, ayaw pa rin nitong magpakita ng kahinaan kaninuman. Kahit nahihirapan na ay ayaw pa ring umamot ng lakas mula sa ibang nilalang.
"Kahit ba sa akin ay magiging mailap ka sa ganitong pagkakataon, Danaya? Bakit ba tila ayaw mong tumanggap ng pagdamay mula sa akin?"
Dahil lubos na nasasaktan ang kalooban ni Aquil sa nakikitang ayos ng sang'gre, binalewala niya ang utos nito.
"Paano kita magagawang iwang nag-iisa gayong alam kong kailangan mo ng masasandalan sa mga sandaling ito?"
Bago pa makapagprotesta si Danaya ay nagawa na ni Aquil na hawakan ang magkabilang braso nito. Kinabig niya ang sang'gre palapit sa kanya at ikinulong niya ito sa isang mahigpit na yakap.
Napasinghap si Danaya at nagpilit na kumawala sa kanyang mga bisig. "Ashtadi! Bitiwan mo ako ngayon din, Aquil!"
"Patawarin mo ako, mahal na sang'gre pero di ko iyan maaaring gawin. Hindi mo ba alam kung paanong nadudurog ang puso ko sa tuwing umiiyak ka? Kahit minsan lang, hayaan mo naman akong damayan ka, Danaya."
Natigilan si Danaya sa pagpupumiglas. Maya-maya pa ay naramdaman ni Aquil na pumaikot ang mga braso ng sang'gre sa kanyang baywang at gumanti ito ng yakap. Nakasubsob ang mukha nito sa sugpungan ng kanyang leeg at balikat. Sa pagitan ng paghikbi ay nagsalita ito sa mahinang tinig.
"N-nasaktan ko ng labis ang isang kaibigan, Aquil. Kahit pilitin ko ay hindi ko siya magawang mahalin sa paraang nais niya."
May hinala man si Aquil kung sino ang tinutukoy na kaibigan ni Danaya ay nagpasya siyang manahimik na muna.
"Marahil, isang pagkakamali ang aking nagawa. Baka dapat binigyan ko muna si Muros ng pagkakataon. Paano kung may tsansa palang matutunan ko siyang mahalin pagdating ng panahon?" nalilitong pagpapatuloy ni Danaya.
"Hindi iyon maaaring mangyari!"
Kahit si Aquil ay nagulat sa maigting na pagtutol na kanyang naramdaman. Matagal na niyang alam na pareho sila ng kaibigang si Muros na may pagtatangi kay sang'gre Danaya. Ngunit ngayon niya lang napagtanto na hindi niya pala kakayaning mapunta ang pinakamamahal niyang sang'gre sa ibang engkantado. Kahit pa kay Muros na tiyak niyang wagas din ang hangarin kay Danaya.
Hindi kayang tanggapin ng puso ni Aquil na may ibang lalaking yayakap at magmamay-ari kay sang'gre Danaya.
"Huwag mong sisihin ang iyong sarili, mahal na sang'gre. Mas masasaktan si Muros kung magisisinungaling ka sa kanya." marahang bulong niya dito.
Nag-angat ng mukha si Danaya at tinitigan siya.
"Aquil..."
"Hindi sa lahat ng pagkakataon ay maaaring masuklian ang pag-ibig, Danaya. Kahit gaano pa kalalim ang nadarama mo para sa isang nilalang, kailangan mo pa ring magparaya kung ang puso niya ay inilaan niya na sa iba."
"Ikaw, Aquil. Magagawa mo bang magparaya kung sa iyo ito nangyari?" may halong paghahamon ang tinig ni Danaya.
Bumuntong-hininga muna si Aquil bago tumugon.
"Kung nabihag na ng iba ang puso ng engkantadang aking itinatangi, oo, makakaya ko siyang ipagparaya. Gagawin ko iyon para sa kanyang kaligayahan. Pero kung alam kong may pag-asang mamahalin at pipiliin niya ako, kahit gaano pa kakaunti iyon, panghahawakan ko ito at ipaglalaban ang aking pag-ibig."
Hindi nakapagsalita si Danaya pero muling kumislap ang mga mata nito dahil sa nagbabadyang luha.
Alam ni Aquil na malaking kapangahasan ang kanyang gagawin pero hindi na niya napigilan ang sarili. Hinaplos niya ang pisngi ni Danaya habang matiim na nakatitig sa napakagandang mukha nito.
"*Nedanus muste, Danaya. At lagi mong tatandaan na ayokong nakikita kang umiiyak." bulong niya.
Napapikit ang sang'gre nang hagkan niya ito sa pisngi para pawiin ang mga luhang pumatak doon. Mahigpit pa rin ang pagkakayakap nila sa isa't isa kaya ramdam ni Aquil ang paghigit ng hininga ni Danaya dahil sa kanyang ginawa. Natitiyak niyang katulad niya ay kasalukuyang mabilis din ang tibok ng puso ng sang'gre. Gusto niyang magtatalon sa galak dahil hindi ito nagpakita ng pagtutol bagkus ay lalo pang idinikit ang katawan sa kanya.
At masuyo pa nitong ibinubulong ang kanyang pangalan.
"Aquil...Aquil.."
"Bakit tila kay tamis pakinggan ng aking pangalan kapag ikaw ang nagsasabi nito, mahal kong Danaya?"
"May naririnig akong yabag, Aquil! Tila may mga kawal na paparating!"
Noon lang tila nagising sa isang panaginip si Aquil. Mabigat sa loob na binitawan niya si Danaya at hinarap ang mga bagong dating na kawal na huminto sa bukana ng hardin. Tahimik na nanatili ang sang'gre sa kanyang likuran.
"Mashna, may nais raw pong ikonsulta si pinunong Muros sa inyo. Naroroon po siya at naghihintay sa silid ng mga armas."
"Tanakreshna! Hindi ba puwedeng ipagpabukas iyan, kaibigan? Bakit ngayon pa?!"
Naghihimutok man ang kalooban ay batid ni Aquil na kailangan niyang unahin ang kanyang tungkulin bilang mashna.
"Sige, pakisabi na lang na susunod agad ako doon. May kailangan lang akong asikasuhin sandali."
Ilang sandali pa'y nakaalis na ang mga ito at hinarap na muli ni Aquil si Danaya.
"Iwan mo na ako dito, Aquil. Kaya ko na ang aking sarili. Batid ko naman na uunahin mo ang---"
Nahinto ang paglilitanya ni Danaya nang mabilis niya itong kabigin at yakapin muli. Pagkatapos noon ay masuyong inilapat niya ang mga labi sa noo nito. Bumaba ang halik niya at naglandas sa matangos na ilong at sa mga pisngi ng sang'gre.
Huminto si Aquil sa ginagawa at tinitigan ang mapupulang labi ni Danaya. Umangat ang kanyang kanang kamay at masuyong hinaplos ng kanyang hinlalaki ang mga labing iyon na tila talulot ng rosas sa lambot.
At tiyak na mas matamis pa sa pulot kung kanyang titikman.
Ilang pulgada na lamang ang layo ng mga labi nila sa isa't isa nang biglang nagmulat ng mata ang kanina'y nakapikit na sang'gre. Pulang-pula ang mukha nito at halata ang matinding nerbiyos na nararamdaman.
"Ano itong ginagawa mo sa akin, Aquil?! I love you ka talaga!"
Iyon lang at gamit ang ivictus, nagawang maglaho ng sang'gre sa paningin ng pinakamamahal niyang mashna.
Nang makabawi sa pagkagulat, natawa na lamang si Aquil.
"Mahal kong Danaya, minsan talaga ay para ka pa ring paslit kung umakto. Lalo ko tuloy nararamdaman ang malayong agwat ng ating edad. Pero sa kabila ng lahat, heto't hawak pa rin ng iyong mga kamay ang aking pusong walang kalaban-laban." napapailing na bulong ni Aquil habang patungo sa silid kung saan naghihintay si Muros.
Note:
*Geshnu ivre- iwan mo ako/leave me alone
*Nedanus muste- nakakabighani ang iyong ganda
BINABASA MO ANG
ANG SANG'GRE AT ANG MASHNA
FanfictionMy first ever Encantadia fan fiction, inspired by the episodes last Dec. 29, 30 and Jan.3 Para sa lahat ng nagmamahal kay Danaya at Aquil :)