Untitled Part 10

451 14 1
                                    


CHAPTER TEN


Nakabalik na ng Lireo ang mga diwatang sumugod at lumaban sa Hathoria. Ninanamnam ni Aquil ang bawat sandali habang naroroon siya sa loob ng palasyo. Mamaya ay alam niyang kakailanganin niyang muling lisanin ang palasyo dahil iyon ang parusa ng Reyna Amihan sa kanya.

Kailangan niyang tanggapin na wala na siyang puwang sa lugar na ito.

Isang tikhim ang pumutol sa kanyang pag-iisip ng malalim. Paglingon ni Aquil ay nakita niya ang papalapit na si Danaya. Agad niya itong binati.

"Mahal na sang'gre..."

Nilingon ng sang'gre ang dalawang damang nakasunod sa bawat galaw nito. "Iwan niyo muna kami."

Pagkaalis ng mga ito ay muli siyang hinarap ni Danaya. "Aquil, avisala eshma sa ginawa mong pagliligtas ng buhay ko doon sa Hathoria."

Masuyo niya itong tinitigan. "Walang anuman, mahal na sang'gre. Ang mamatay para sa iyo at para sa Lireo ay isang magandang pangyayari sa buhay ng isang kawal kahit sa katulad ko na inalis sa tungkulin."

"Higit na nanaisin ng mga sang'gre na manatili kayong buhay para sa amin at para sa Lireo. Kaya kung palihim ka mang sasali muli sa labanan ay mag-ingat kang mabuti." pagkasabi nito ay tumalikod na ito at naghandang lisanin ang lugar na iyon.

Ngunit nakakadalawang hakbang pa lamang si Danaya ay hindi na nakatiis si Aquil at muli siyang nagsalita. Dahil doon ay muling ibinaling ng sang'gre ang pansin sa kanya.

"Wala ng halaga ang aking buhay! Lalo na ngayon, mas mahirap nang abutin ang nilalang na pinakamahalaga sa akin. Gayon pa man, hindi sasakit ang aking loob kung ang nilalang na aking sinisinta ay maghahanap ng iba sapagka't hindi na ako karapat-dapat na mahalin."

Nagulat si Aquil dahil mas lumapit sa kanya si Danaya at tinitigan siya ng matiim. Punong-puno ng marubdob na emosyon ang mga mata ng sang'gre.

"At sino'ng maysabi sa'yong hindi ka karapat-dapat, pashnea?!"

"Sang'gre Danaya..."

"Katungkulan mo lang ang nawala sa'yo at ang maganda mong pangalan. Ngunit maaari ka pa ring bumangon at linisin ang mga bagay na nadumihan sa'yo. At iyon ang hinihintay ko, Aquil. Ang muli kang makabangon at maging karapat-dapat sa Lireo."

Hindi makapagsalita si Aquil dahil sa pagkabigla at lubos na galak na pumuno sa kanyang puso. Tila may madilim na ulap na naalis at ngayon ay kay liwanag ng lahat sa kanyang paligid. Pag-asa. Iyon ang hatid ng mga katagang binitiwan ni Danaya.

Nakatalikod na ang sang'gre nang mahagilap ni Aquil ang kanyang tinig.

"Maghihintay ka nga?"

"Hanggang kamatayan, Aquil!"

Gustong maluha ni Aquil dahil sa narinig. Mapagpalang Emre! Hindi pa pala tuluyang mawawala sa kanya si sang'gre Danaya! May pag-asa pa para mabawi niya ang pagkakataong maging karapat-dapat na makapiling at mahalin ito.

Agad na sumagi sa isip ni Aquil ang tungkol sa misyong ipinapagawa ng Bathalang Emre sa kanya. Kung noon ay wala siyang lakas ng loob na sundin ang utos nito, ngayon ay umaapaw ang kanyang pag-asa. Tama nga ang Bathalang Emre! Maaari pa siyang bumawi at kuning muli ang tiwala ng lahat.

Lalo na ang tiwala at pagmamahal ni Danaya.

Mabilis na hinabol ni Aquil ang kaaalis lang na sang'gre. Kailangan niyang magpaalam dito. Hindi niya alam kung hanggang kailan siya mananatili sa mundo ng mga mortal kaya dapat lang na malaman nito kung saan siya magtutungo.

Nagulat pa si Danaya nang makita ang humahangos niyang anyo. Agad niyang isinalaysay dito ang naranasan niyang pakikipagharap kay Bathalumang Ether at ang pag-uusap nila ni Bathalang Emre. Wala siyang inilihim dito. Ipinakita niya maging ang kantao na ibinigay sa kanya ni Emre na siyang gagamitin niyang susi sa puno ng Aznamon.

"At paano mo hahanapin sa mundo ng mga tao ang sinaunang diwatang nagngagalang Zeno? Alam mo ba ang wangis niya?" tanong ni Danaya.

Umiling si Aquil. "Tanging ngalan lamang niya ang ibinigay ni Bathalang Emre."

"Ashtadi! At susugod ka sa mundo ng mga tao na walang ideya kung paano hahanapin ang diwatang iyon? Nababaliw ka na ba?!"

"Ngunit, Danaya.. kailangan kong sundin ang utos ni Emre! Kahit pigilan mo ako ay magtutungo pa rin ako doon."

Nahulog sa malalim na pag-iisip ang sang'gre. Maya-maya pa'y humugot ito ng malalim na hininga at nagpasya.

"Sasamahan kita sa pagpunta sa mundo ng mga tao. Ipapakilala kita sa isang nilalang doon na maaaring makatulong sa iyong paghahanap."

Agad na napangiti si Aquil. "Avisala eshma, sang'gre Danaya!"

Tumango ang sang'gre. "Tayo na kung ganoon."

Humawak si Aquil sa balikat ni Danaya. Ginamit nito ang ivictus para agad silang makarating sa puno ng Aznamon.





Sa Devas....

"Diyata't masaya kayo ngayon mahal na Emre." puna ni Kahlil sa bathala.

"Oo, tama ka diyan, Kahlil. Masaya ako dahil tinanggap na ni Aquil ang misyong iniatang ko sa kanya. Hindi magtatagal ay malalaman din natin kung magtatagumpay ba siya sa paghahanap niya kay Zeno."

"Ano pong mangyayari kapag napagtagumpayan ng dating mashna ang misyong ipinapagawa niyo sa kanya?"

"Kapag nagawa ni Aquil ang misyon niya, isang bagay ang aking matitiyak. Isang bagong bathaluman ang isisilang sa Encantadia. Isang bathaluman na makakatulong ko sa pangagalaga sa mga mabubuting engkantado."

Sa sobrang gulat ay hindi na nagawa pang makapagsalita ni Kahlil.   

ANG SANG'GRE AT ANG MASHNATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon