Untitled Part 22

305 12 5
                                    

CHAPTER TWENTY TWO


Ang kakaibang panaginip ay tuluyang nawala sa isip nina Aquil at Danaya dahil sa mga sumunod na kaganapan sa Lireo. Gamit ang wangis ng sinaunang diwatang si Cassiopeia, nagtagumpay ang mga Etherian na makuha ang brilyante ng diwa mula sa kanilang pangangalaga. Sa kasamaang palad, ang naturang brilyante ang siyang gagamitin ni Ether upang tuluyang maibalik ang dating katawan ni Avria, ang reyna ng Etheria. Natuklasan din nila na muling nabuhay ang Heran na si Andorra gamit ang katawan ni Agane gayundin si Lila Sari at ang mga dating Hadezar na sina Asval at Amarro.

Nang maalala ang huli, muling nakaramdam ng pagkabahala si Aquil. Malinaw pa sa kanyang gunita ang huling pag-uusap nila ng ama nang palihim itong magtungo sa Lireo upang balaan siya.

"Ano'ng nangyari sa'yo, ama? Hindi ka na isang ivtre?" gulat na bulalas ni Aquil.

"Salamat kay Bathalumang Ether. Nandito ako upang balaan ka. Hindi ka na ligtas sa lugar na ito! Parating na ang mga kaaway ng mga diwata. Ang mahalaga ay lumayo ka na sa Lireo at lumayo ka na sa mga anak ni Mine-a!" mariing pahayag ni Amarro.

Ngunit sa kabila ng babalang iyon ay nanindigan si Aquil.

"Hindi ko kailanman ipagkakanulo ang Lireo lalo na ang aking minamahal!"

Bigong nilisan ni Amarro ang kaharian ng mga diwata.

Ang tinig ni Danaya ang pumutol sa kanyang pagbabalik-tanaw. Kasalukuyan silang nagpupulong kasama si Muros. Ilang sandali pa ay nagpaalam na ang kaibigan niyang mashna upang gampanan ang tungkulin nito at silang dalawa na lamang ng hara ang naiwan sa silid.

"Nais kong ibalik ka sa dati mong katungkulan ngayon at tila may bago tayong digmaan na kakaharapin. Malaking tulong sa aming lahat kung may isa pang mashna na marami nang pinagdaanang laban."

Nagulat at aminadong natuwa si Aquil sa alok ng hara ngunit batid niyang hindi niya ito maaaring tanggapin.

"Mahal kong hara, ang tiwala ay isang bagay na kapag nawala ay mahirap nang ibalik. At natitiyak ko, kahit mahabang panahon na ang lumipas ay marami sa ating mga kawal ang hindi matutuwa na magbalik ako sa aking puwesto bilang mashna."

"Aquil.."

"Mahal kong hara.. masaya na ako sa aking kalagayan ngayon. Kahit wala na akong mataas na katungkulan, mas mahalaga sa akin na kasama kita sa labang ito. Para sa Lireo. Para sa Encantadia. At para sa iyo... mahal ko."

Hindi na nagsalita pa si Danaya ngunit inabot ng hara ang kamay ni Aquil at masuyong hinaplos iyon. Nginitian ni Aquil ang pinakamamahal bago dahan-dahang tinawid ang distansiya sa kanilang pagitan. Isang mainit na halik ang iginawad niya sa hara na agad naman nitong tinugon. Buong akala ni Aquil ay wala nang makakahadlang pa sa relasyon nila ni Danaya. Walang kamalay-malay ang dating mashna na isang delubyo ang paparating upang sumubok sa kanilang pag-iibigan.






"Hara Danaya.."

Gulat na lumingon si Danaya at nakita niyang papalapit ang rama ng Sapiro. "Rama Ybrahim, hindi ko alam na nandito ka pala."

Lalo siyang nagulat sa mga sumunod nitong tanong.

"Gaano kalaki ang tiwala mo kay Aquil? Nakakatiyak ka ba na wala na siyang inililihim pa sa iyo? Tungkol sa kanyang pagkatao. Tungkol sa kanyang pinagmulan."

"Rama Ybrahim, kung may nais kang sabihin sa akin ay sabihin mo na ng diretso."

"Ama ni Aquil ang isa sa ating mga kalaban. Si Amarro, ang isa sa mga Hadezar. Kanina, habang nag-uusap kayo ni Aquil ay pinagmamasdan ko kayo. Nanalangin ako na sana ay magtapat siya sa iyo, na sana ay magsabi siya ng totoo. Ngunit inilihim niya pa rin ang tungkol sa kanyang ama. Danaya, paumanhin ngunit hindi natin maaaring pagkatiwalaan si Aquil. Hindi ko ito ginagawa upang sirain ang anumang mayroon kayong dalawa ngunit..." mahabang paliwanag ni Ybrahim.

Bawat salitang binitawan ng rama ay parang patalim na humihiwa sa puso ni Danaya. Tila isang pag-atakeng hindi niya kayang iwasan at depensahan. Ngunit sa kabila ng lahat ay hindi niya ipinakita sa kaharap ang pagdurusa ng kanyang kalooban.

"Ginagawa mo lang ang nararapat, rama. Avisala eshma sa iyong iniulat sa akin. Umasa ka na gagawin ko ang nararapat para makatiyak na hindi tayo masisira ninuman. Kahit pa ng nilalang na malapit sa akin." sagot niya habang inuutusan ang sariling pigilan ang pangingilid ng kanyang luha.

"Batid kong gagawin mo yan, hara."

Naputol ang pag-uusap nila sa biglang pagdating ni Pirena upang ipahayag ang pagnanais nina Nunong Imaw at Cassiopeia na magsagawa ng isang pagpupulong. Pilit isinantabi ni Danaya ang suliranin at agam-agam ng kanyang puso. May tamang panahon para doon. Sa ngayon, mas mahalaga ang kapakanan ng Lireo at ng buong Encantadia.


ANG SANG'GRE AT ANG MASHNATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon